“Naiintindihan niyo ba ako? Gusto ko mang makipag-usap subalit sunod-sunod na pader ang aking kinahaharap. Walang nakauunawa at walang naiintindihan kahit gaano pa kalakas ang tinig ng inyong pagsigaw. Umabot man ng ilang kumpas ang aking mga kamay na may kahalo pang nakapupukaw-damdaming ekspresyon sa aking mukha—hindi niyo pa rin makuha ang nais kong ipahayag.”
Minsan, mapaiisip na lamang tayo kung ganoon nga ba ang dumadaloy sa isipan nilang ‘di nakaririnig. Puno nga ba ng paghihirap ang kanilang nararanasan dahil ‘di sila nabigyan ng abilidad na makarinig nang maayos? O isa ba itong maling konotasyon lamang ng mga taong nakaririnig? Marahil hindi natin tiyak na mababatid ang kanilang karanasan subalit hindi dapat maging hadlang ang kamangmangan ng taong-bayan sa pamumuhay ng mga hindi makarinig. Hindi dahil nakaririnig ang nakararami, may karapatan na ang lipunang ipagsawalang-bahala ang pang-araw-araw na karanasang dulot ng pagkakaiba. Makabuluhan na gawing pagkakataon ang kasalatan para makumbinsi ang bayang kumilos upang magbago ang kamuwangan ng iba tungo sa mga bingi.
Bilang hakbang tungo sa mas inklusibo at progresibong mundo na taos-pusong tinatanggap ang kabuuan ng deaf community, inihandog ng The Rhetoricians: The UPLB Speech Communication Organization ang RheDEAFine: Exploring Different Ways of Communicating. Isinagawa ito nitong Abril 9 at pinangunahan ng tagapagsalitang sina Mark Gimutao, presidente ng Laguna Deaf Association (LDA), at Naty Natividad, proprietor ng Deaf & Terp Training Services. Lumahok din sa diskusyon at workshop ang ilang Filipino Deaf Trainer na sina Christine Baculio, Archina Landayan, Veronica Mae Del Rosario, at Emmanuel Bernardino. Naging interpreter naman ng mga impormasyong inihahayag nang pasalita sina Joi Villareal at Judith Escober Luis.
Layunin ng diskusyon at workshop na palawakin ang kamalayan ng nakararami pagdating sa deaf community, lalo na sa mapanganib at nakasasakit na kuro-kuro ng karamihan—na isang kapansanan ang pagiging bingi. Oras na upang matuto ng panibagong paraan ng pakikipag-usap. Nararapat na mabigyang-pansin ang kapakanan ng mga bingi upang mas mapagkalooban sila ng pagkakataong mamuhay nang matiwasay at maligaya. Kaya halina’t galugarin natin ang katotohanang kinahaharap ng mga bingi at palawakin ang ating kaalaman ukol sa Filipino Sign Language (FSL).
Paglalakbay sa mundo ng Sign Language
Sa simula pa lamang ng programa, naging malinaw na ang adbokasiya at mensaheng nais ipabatid nito dahil sa pagbibigay nila ng pagkakataon sa mga miyembro ng deaf community upang ilahad ang kanilang karanasan at isinusulong na pagbabago sa madla. Pareho ding ginamit ang pasalitang lengguwahe at ang FSL sa programa. Gayunpaman, dahil hindi dalubhasa ang mga manonood sa pag-intindi ng sign language, aktuwal na sinasalin ito ni Naty Natividad sa pasalitang paraan kapag ginagamit ang FSL sa pagbabahagi at pagtuturo.
Sinimulan ang programa sa pambungad na pananalita ni Mark Gimutao. Ikinumpas niya ang kaniyang mga kamay upang mailahad ang maikling kasaysayan ng LDA at ang kahalagahan ng pagdalo sa mga Deaf Awareness Seminar. Aniya, kinakailangang dumalo ng mga nakaririnig sa mga seminar upang maunawaan ang kultura, identidad, at lengguwahe ng mga bingi at mahirap makarinig dahil paraan ito upang matutuhan ng lahat na mahalin at galangin ang isa’t isa.
Sumunod dito ang mismong seminar na pinangunahan ni Veronica Mae del Rosario, isang FSL trainer. Kinumpas niya ang kaniyang mga kamay upang maipaliwanag ang benepisyo ng sign language. Paglalarawan niya, maaari itong magamit sa harap ng nakasaradong kristal na bintana, sa ilalim ng tubig, habang nakikipag-usap kahit may takip ang bibig, at kapag dadayo sa ibang bansa. May benepisyo rin ito sa intelektwal na kapasidad ng mga bata. Higit sa lahat, magagamit din ito upang makihalubilo at makipagkaibigan sa mga bingi. Nilinaw rin ni del Rosario na isang biswal na wikang kinapapalooban ng pinagsama-samang kilos at ekspresyon ang FSL. “Just like any other language, FSL has its rules, structures, variations, components. . . it’s not artificial but a natural language,” pagpapaliwanag niya.
Lubos ding nilinaw ni Bernardino, isa ring FSL trainer, ang mga haka-haka ukol sa sign language na ginagamit ng deaf community sa Pilipinas. Binuwag niya ang maling paniniwala na magkatulad lang ang FSL sa Pilipinas at sa ibang bansa. Inilahad din niya ang estruktura at mga bahagi ng isang sign language. Aniya, upang mas umayos ang paggamit ng FSL, kailangan bigyang-pansin ang hugis, kinalalagyan at pagkumpas ng kamay at palad, pati na rin ang non-manual signal o ekspresyon ng mukha. Pinasadahan din ang kahalagahan ng Republic Act 11106—ang batas na nagdeklarang dapat ituring na National Sign Language of the Deaf ang FSL.
Sunod na nagkaroon ng malayang talakayan sa pagitan ng mga manonood at tagapagsalita. Naibahagi ng mga FSL trainer ang kanilang saloobin ukol sa mga hamong kinahaharap ng mga bingi sa pang-araw-araw na buhay, sa gitna ng pandemya, at sa paparating na halalan. Sanhi ng lahat ng paghihirap na kanilang nararanasan at haharapin pa sa hinaharap ang kakulangan ng akses sa interpreter, serbisyong pangkalusugan, maayos na edukasyon, karagdagang impormasyon at kaalaman, kasanayan, at oportunidad. Sa madaling salita, balakid ang kakulangan sa kanilang mga pangunahing pangangailangan upang makagalaw sila sa lipunan. Sa kabila ng mga sari-saring hamon, may nasisilayan pa ring mga biyaya ang deaf community. Tinitiyak nila na mali ang paniniwalang puro hirap lang ang dala ng pagiging bingi. “We’d like to share that there are [benefits] to being a deaf person, not just struggles and difficulties,” ani del Rosario.
Umaapaw na kaalaman
Hindi natapos ang seminar sa pagpapalawak ng kamalayan tungkol sa buhay ng mga bingi pati na rin sa FSL dahil mas sinukat at pinalago pa ng mga trainer ang kaalaman ng mga kalahok sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang paligsahan at malaman na workshop. Tinanong sa patimpalak ang mga nararapat na alamin ng mga nakaririnig ukol sa deaf community, gaya ng hindi paggamit sa mga terminolohiyang hearing impaired, mute, at pipi kapag nais tiyakin o tawagin ang mga bingi. Isinagawa ito upang mas malinawagan ang mga manonood sa kanilang bagong nakuhang kaalaman.
Matapos nito, hinati sa dalawang breakout room ang mga natitirang manonood para maisagawa ang Filipino Sign Language Workshop. Sa loob ng mga breakout room, hinimok ng mga FSL trainer na magbukas ng kamera at sumabay sa pagkalap ng kaalaman ang mga kalahok sa programa. Matulin ang naging daloy ng workshop, nagsimula ito sa pag-alam ng sign ng mga alpabeto, ginagamit na pambati, survival signs, at mga karaniwang ginagamit na salita at parirala. Binigyan din ng pagkakataon ang lahat para magtanong o mabigay ng salita o pariralang nais nilang matutuhan gamit ang sign language. Bilang pagtatapos, inanyayahan ng mga trainer na magkaroon ng isang interaktib na role play ang mga manonood upang labis pang malinang ang kanilang abilidad at mga natutuhang FSL galing sa workshop.
Labis na nakaeenganyo ang paraan ng pagtuturo ng mga trainer dahil puno sila ng ekspresyon at sigla. Kaya kahit tahimik man ang buong sesyon, makikita pa rin ang ningning sa mga mata ng mga trainer at kalahok. Masisilayan ang pagkasabik ng mga trainer na ibahagi ang kanilang kaalaman pagdating sa FSL at ang kagalakan ng mga manonood dahil pinaunlakan silang matutuhan ang katangi-tanging lengguwahe.
Pagpuksa sa mga hamon
Pinalawig ng RheDEAFine ang diskusyon ukol sa deaf community at FSL. Sinubukan nitong magtayo ng tulay upang pag-ugnayin ang mga bingi at mga nakaririnig. Kalakip sa paglago ng kamalayan ang pag-unlad upang mas mapadali ang pagtugon sa mga problema at paghahandog ng solusyon para sa buong deaf community. Maliit man itong hakbang tungo sa pagbabago at pag-unlad ng kalagayan ng mga bingi, pasimula itong aksyon upang magbago ang ihip ng hangin at pagtingin sa kanilang komunidad.
Sa huli, upang makamit ang pagkakaisa nang walang naiiwan at nahihiwalay sa pag-unlad, kailangang bukal sa kalooban ang pag-intindi at pagtulong sa kanila. Laging alalahaning hindi kasalanan ang pagiging bingi o ang pagkakaroon ng mahinang pandinig. Wala sa kanila ang problema, kundi nasa sistema’t lipunan ito—ang mga taong may kakayahang gumawa at maglahad ng solusyon ngunit nananatiling istatwa sa gitna ng daan. Tunay na hadlang sa pag-unlad ang mga kababayang walang pakialam at nakasara ang mga mata at tainga sa paghihirap na nararanasan ng mga bingi.
Itigil na natin ang nakasusuklam na pag-uugaling ito! Bingi man o nakaririnig, hawak-kamay nating ipaglaban ang karapatan ng buong deaf community. Marahil sa pamamagitan ng patuloy na pagsisikap at pagtutulungan, darating din ang panahong magiging sapat na ang lakas ng isinusulong na adbokasiya upang makamtan na ang hinahangad na pagkakapantay-pantay.
Hindi na natin kinakailangang sumigaw—gamit ang kumpas ng mga kamay at ekspresyon sa mukha, maaari na natin maunawaan at ipaglaban ang ating mga kapatid na binubukod sa lipunan.