NAGTAGISAN ang mga tumatakbong kandidato para sa posisyon ng pagka-alkalde ng Lungsod ng Maynila sa isinagawang Pili mo, Pili ko, Pilipino: The Manila Mayoral Candidates’ Forum sa Henry Sy Sr. Grounds, Abril 6. Layon ng talakayan na bigyang-pagkakataon ang mga Manileño na masuri ang mga paninindigan at plataporma ng bawat kandidato.
Pinangunahan ito ng De La Salle University Committee on National Issues and Concerns (CONIC) at La Salle Institute of Governance (LSIG). Nagsilbing tagapagdaloy ng programa sina Prof. Michael Charleston “Xiao” Chua, mula sa Departamento ng Kasaysayan at Ymari Pascua, advocacy officer ng Center for Social Action sa College of St. Benilde.
Kabilang sa mga nakilahok na kandidato sina dating kongresista Amado Bagatsing, Retired General Elmer Jamias, at Atty. Alex Lopez. Samantala, nagpaabot na lamang ng pre-recorded na bidyo si Honey Lacuna, kasalukuyang bise alkalde at tumatakbong alkalde ng lungsod.
Kamalayan sa isyung panlungsod
Kinilatis sa unang bahagi ng forum ang antas ng kaalaman ng mga kandidato ukol sa mga isyung kinahaharap ng Maynila. Unang nagbigay ng pahayag si Bagatsing. Ipinunto niya ang kaibahan ng pag-unlad sa mga karatig na lungsod ng Maynila. Aniya, “[Kapag] hindi tayo nag step-up, maiiwan po ang ating lungsod.” Inilahad din niya ang planong makapagbigay ng trabaho sa mga Manileño.
Samantala, ipinahayag naman ni Jamias na hindi niya maninisi sa mga dating alkalde hinggil sa kalagayan ng lungsod. Wika niya, “Dumarami nang dumarami ang tao [populasyon ng Maynila] kaya’t hindi dapat naninisi, tulungan dapat tayo.” Ipinabatid din niya ang planong magsagawa muli ng oryentasyon sa mga opisyal ng Maynila sakaling mailuklok sa puwesto. Hangad din niyang mailapat ang plataporma niyang tinatawag na 4K—kalusugan, kapayapaan, kabuhayan, at kapaligiran.
Sinang-ayunan naman ni Lopez ang pahayag ni Jamias ukol sa kahalagahan ng pagkakaisa. Dagdag niya, “‘Yung mali na nakikita natin [sa mga nagdaang administrasyon], itatama natin.” Kinondena rin ni Lopez ang hindi masinop na paggamit ng pondo at yaman ng Maynila. Paghahalimbawa pa niya, “Hindi na po kailangang sumira ng paaralan para makahingi ng Php15 bilyong pondo para makapagtayo muli.”
Unang bumuwelta si Jamias kina Lopez at Bagatsing hinggil sa naging epekto ng pamamahala ng kanilang mga ama na sina Mel Lopez at Ramon Bagatsing bilang alkalde ng Lungsod.
Iginiit naman ni Bagatsing na mahalagang mabigyang-pansin ang kasalukuyan niyang nagagawa at hindi lamang ang nagawa ng kaniyang ama. Paglilinaw niya, “Incorrupt [at] hindi nasakangkot sa anomang anomalya ang tatay ko.” Ibinida naman ni Lopez na nanguna ang Maynila sa income at activity sa pamamahala ng kaniyang ama. Aniya, “Maganda ang proyekto ng tatay ko. Bukod sa honesty at integrity, nakikita ko sa kaniya ang pagtulong sa mga nasa laylayan.”
Nabuksan din ang usapin ng kamakailang pagbebenta ng Divisoria Public Market sa mga pribadong institusyon. Saad ni Lopez, “[We have to] change the outlook of the government. They [vendors] have been obstructions to pedestrian. I want them to be partners of city building.”
Inilahad naman ni Jamias na hindi maaaring pansamantalang puwesto lamang ang binibigay sa mga nagtitinda. Dagdag pa niya, “Lahat ng tao sa Maynila ay i-te-train at magkakaroon ng hanapbuhay.” Ani naman ni Bagatsing, hindi malinaw ang mga ipinatutupad na ordinansa ng kasalukuyang administrasyon. “You need an activite ordinance para payagan ka na ibenta [ang mga public establishment]. Procedural, mali sila diyan, it is unlawful. Ibalik ang vendors sa dati nilang puwesto,” giit niya.
Tinig ng lungsod
Tinalakay sa ikalawang bahagi ang mga isyung panlungsod, partikular sa kaligtasan, kabuhayan, at kaalaman sa edukasyon.
Unang ipinaliwanag ni Jamias ang kasalukuyang suliranin ukol sa krimen at karahasan sa Kamaynilaan at ang mga ipatutupad niyang hakbang sakaling maupo sa posisyon. Paghahalimbawa niya, naisakatuparan niya sa kaniyang pamamahala sa Tambunting bilang miyembro ng kapulisan noon ang pagiging kauna-unahang drug-free na kalye sa bansa na mayroong maliit na bilang ng nasawi.
Kaugnay nito, layon niyang magsagawa ng reorientasyon sa opisyales ng barangay upang maging mas maalam sila sa mga proseso sa pagtatanggol ng mga mamamayan. “[Kapag] ako nahalal maging mayor, i-e-empower ang mga kabataan. . . Bawat sulok ng Maynila may magbabantay na pulis at tanod, ang tawag dito ay barkadahan laban sa krimen.”
Samantala, pinasaringan ni Lopez ang kasalukuyang administrasyon sa maling paggamit ng kaban ng bayan. “Imbes na gibain [ang mga] maayos na eskuwelahan, maglagay ng pera sa flood control dahil maraming sakit ang nag-uugat diyan,” ani Lopez. Inirekomenda rin niya ang paggamit ng barges sa pangongolekta ng basura at ang pagkakaroon ng komprehensibong flood control program katuwang ang ibang lungsod.
“There should be a total approach within the Metropolitan area. Hindi puwedeng hiwa-hiwalay ‘yan. Basura should also be a regional concern,” tugon ni Bagatsing sa naging sagot ni Lopez ukol sa suliranin sa basura at baha sa Maynila. Pinaalala rin ni Jamias na mayroong pag-aaral na naglalahad na isang-kapat na bahagi ng lungsod ang lulubog sa taong 2050, kaya marapat itong paghandaan sa tulong ng mga eksperto na nakapagtapos din sa Maynila.
Sa kabilang banda, tinalakay rin sa bahaging ito ang muling pagpapasigla sa turismo ng Maynila at pagpapabuti ng kalagayan ng mga negosyante at manggagawa. Ilan sa mga planong proyekto ni Bagatsing ang pagkakaroon ng Miss Gay na gaganapin sa Quirino Grandstand at paglalagay ng espasyo para sa mga skateboarder at mga mananayaw sa Rizal Park upang mapanumbalik ang kasiglahan ng lungsod.
Nais namang isulong ni Jamias ang pagbibigay ng insentibo upang matulungan ng lokal na pamahalaan ang mga negosyong nagsara dahil sa pandemya. Kabilang dito ang pagbibigay ng insentibo at pagbabawas ng ikakaltas na buwis sa mga negosyong naapektuhan ng pandemya. Dagdag pa rito, nais din niyang ma-reorient ang lahat ng opisyales ukol sa plano para sa Maynila. Bukod pa rito, nais din ni Lopez na hikayatin ang mga taong magnegosyo sa Maynila kasabay ng pagbibigay ng tax break.
Inungkat din ni Bagatsing at Lopez ang Php25 bilyong utang ng kasalukuyang administrasyon at kawalan ng transparency ukol dito. Pagbabahagi nila, nagsimula ito nang maaprubahan ng Land Bank of the Philippines noong Nobyembre 11, 2019 ang Php10 bilyong utang at sinundan noong Enero 30, 2020 at Mayo 21, 2021 matapos maaprubahan ang Php5 bilyon at Php10 bilyong utang mula sa Development Bank of the Philippines.
Ayon sa Landbank, gagamitin ang inutang na pondo upang tustusan ang pagsasaayos ng Ospital ng Maynila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila School of Medicine Building. Gagamitin din ito sa pagpapagawa ng bagong gusali ng City Hall at Manila Sky Deck at pagpapaunlad sa Pandacan Depot upang maging komersiyal na distrito. Subalit, ibinahagi ni Lopez na aprubado pa lamang ito at hindi pa nagagamit dahil sa mga kakulangan sa project study na ipinasa.
Binigyang-tuon naman sa huling bahagi ang kinahaharap na isyu ng kabataan sa kanilang edukasyon. Bilang pagtatapos, ipinangako ni Lopez na ipagtatanggol niya ang mga karapatan ng mga estudyante na makapagpahayag nang malaya at lalabanan ang red-tagging at harassment. Paglilinaw pa niya, “We cannot unduly accuse people of being a leftist kasi that is against also. . . there are laws that protect people from red-tagging and those that commit it should be punished. We cannot have a prejudice against anyone for [their] political beliefs and that is enshrined in our constitution.”
Plano para sa pagbabago
Binigyang-pagkakataon ang mga kandidato sa huling bahagi ng talakayan na ipaliwanag ang kanilang plano para sa magaganap na debolusyon alinsunod sa Executive Order No. 138. Dagdag pa rito, tinalakay rin ang pagsulong sa tama, sapat, at transparent na paggamit ng pondo ng bayan, at mga inaasahang partisipasyon mula sa mamamayan.
Sa isang pre-recorded video ni Lacuna, ibinahagi niya na mayroong sapat na kakayahan ang Maynila para sa pagbabagong ito. “Mayroon na kaming binalangkas na 10-year plan para sa City of Manila,” saad ni Lacuna. Ayon din sa kaniya, masisiguro nila ang transparency dahil napatunayan na ito ng kanilang administrasyon, lalo na at madalas ang pagsasapubliko ni Mayor Isko Moreno ng mga naisasakatuparang proyekto sa kaniyang Facebook page.
Subalit, tinuligsa ni Bagatsing ang pahayag ni Lacuna ukol sa transparency. Giit niya, “Hindi kami makakuha ng dokumento sa Divisoria Public Market. Ang mga vendors hindi binigyan ng due process dahil basta na lang binigyan ng notice to vacate.” Dahil dito, iminungkahi niya na kinakailangan ding makita at malaman ng mga mamamayan at opsiyales ang kasalukuyang bahagi ng Maynila sa Ports Authority.
Pinuri naman ni Jamias ang Mandanas Ruling dahil magsisilbi itong daan upang magkaroon ng karagdagang pondo ang lungsod. “We will review ‘yung program na ipinatutupad para maging handa ang Manila. . . We will also consult constituents,” pangako niya kaugnay ng pagkakaroon ng mahusay at transparent na pamumuno.
Pagdidiin naman ni Lopez na walang umiiral na transparency sa kasalukuyang administrasyon dahil wala aniyang sapat na kaalaman ang mga Manileño na mayroong aprubadong Php25 bilyong utang ang lungsod. Paglalahad pa niya, mahalaga sa panahon ngayon ang pagkain, gamot, at trabaho, at marapat ayusin ang paggastos ng mga nasa posisyon. “Hindi solusyon mangutang at ibaon sa utang. Ang solusyon, malinis at marangal na pamumuno,” pagtatapos niya.
Panghuli, itinaas ng kandidato mula sa Baseco ang kaniyang personal na karanasan ukol sa kawalan ng due process sa pag-aresto ng kapulisan. Tugon ni Jamias, magkakaroon ng maayos na reorientasyon ang kapulisan sakaling siya ang mailuklok sa puwesto. Aniya, titiyakin niya na mapananagot ang mga magsasamantala sa kanilang posisyon at bibigyan naman ng insentibo ang tapat sa tungkulin. “I will maintain a 24 hours complaint monitoring system,” dagdag pa niya.