[SPOOF] Bagong raket ng dating L4dy Sp1k3R at W41k0Ut Kw33N: Mommy Chelle Goma-bow, magiging full-time mother na?!

Likha ni Bh0u$z T33 T. Goz

NAKAKAKABA AT NAKAKAPANABIK—ganito mailalarawan ng dating De La Salle University (DLSU) L4dy Sp1k3r Mommy Chelle Goma-bow ang kaniyang nararamdaman sa pagtahak sa panibagong yugto ng kaniyang buhay. Isiniwalat ni Goma-bow sa isang press conference nitong Marso 13 na magiging isang ganap na siyang ina matapos mag-walkout sa isang tanyag na sinalihang beauty pageant noong 2020.

Sa kabilang banda, naging abala sa pagkampanya ang binansagang W41k0Ut Kw33N na si Goma-bow sa kaniyang kinakatawang party-list na Mothers for Charing (MOCHAR) para sa darating na eleksyon. Makasasama ni Goma-bow ang kilalang P3yk N3ws Kw33N na si Ina Mocca na naging kontrobersyal matapos kumalat ang tsismis na nabuntis siya ng batikang action star na si Robi Patilya. 

Pagsilang ng bagong katauhan

Bago pa man maging isang ganap na ina si Goma-bow, mayroon na siyang makulay na karera sa mundo ng volleyball. Kapansin-pansin ang kaniyang talento sa paglalaro ng volleyball na nagbunga ng kaliwa’t kanang oportunidad na kaniyang natanggap, tulad ng pagiging bahagi sa mga lokal na pampropesyonal na torneo.

Gayunpaman, ginulantang ng W41k0Ut Kw33N ang mamamayang Pilipino matapos isapubliko ang kaniyang pagretiro sa paglalaro ng volleyball. Sa katunayan, kabilang si Goma-bow sa tanyag na koponang Creamline Caesarean Smackers (CCS). Kaya, hindi na kabilang sa lineup ng CCS si Goma-bow sa 2022 Pinay Vinayo League (PVL) Open Conference.

Kasalukuyan namang nasa unang termino ng pagbubuntis si Goma-bow at inaasahang maisisilang ang kaniyang supling sa Oktubre. Kaakibat nito, inihayag ni Goma-bow na matindi ang kaniyang paghahanda sakaling manganak na siya. “Challenging para sa akin kasi sa volleyball, binabato, pinapalo, at pinagpapasahan ‘yung bola. Pero obviously, hindi mo puwedeng gawin ‘yon sa baby. Grabe ang adjustment ko sa mga gawaing pang-nanay,” lahad ni Goma-bow sa eksklusibong panayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA).

Tanging ina n’yong lahat!

Sa panayam ng BUKAKA kay Mommy Chelle, inilantad niyang wala talaga siyang planong magdalang-tao. Tila napilitan siya dulot ng pambabatikos na natanggap niya mula sa netizens ukol sa pagrepresenta sa isang party-list na para sa mga nanay. “Ayaw kasi nila [netizens] akong tigilan, bakit daw ako ang representative eh ‘di naman daw ako nanay, kaya ayan, sana happy na sila,” ani Goma-bow. 

Bagamat biglaan ang naging desisyon ni Goma-bow na maging ina, ibinahagi niyang hindi siya nakaramdam ng pagkasisi. Aniya, win-win situation ang kaniyang pagbubuntis sapagkat makatatanggap siya ng benepisyo galing sa Samahan ng mga Sabik sa Salapi (SSS). Buhat nito, mabibigyan siya ng buwanang allowance na Php80,000 at isang taong suplay ng gatas at diaper.

Sa kabilang banda, nilinaw naman ni Goma-bow na malinis ang kaniyang intensyon sa pagtakbo bilang kinatawan ng MOCHAR Party-list. “Hangad kong i-amplify ang boses ng lahat ng mga nanay, mapa-fur mom man o sugar mommy. I want to create a difference for all kinds of mothers,” paliwanag niya sa BUKAKA

Abot-langit naman ang suporta na natanggap ni Goma-bow mula sa kaniyang mga kaibigan. Sa panayam ng BUKAKA sa dating teammate ni Goma-bow na si Ella de Lorde, inilahad niyang tama lamang na maging kinatawan ng MOCHAR Party-list ang W41k0Ut Kw33N sapagkat siya naman ang mother figure sa barkada. “Yes, we believe in her because witness na kami sa kaya niyang gawin. Siya lagi ang umaaway sa referee kapag may maling call sa PVL,” pagbabahagi ni Lorde. 

Sa kabilang banda, hangad naman ni Goma-bow na sa darating na eleksyon, boses ng mga nanay na katulad niya ang mananaig. Gayunpaman, naging mailap ang sagot ni Goma-bow nang tanungin ng BUKAKA ang mga plano ng MOCHAR Party-list sakaling mabigyan ng puwesto sa Kongreso. “Marami silang dapat abangan, lalo na kapag nanalo ang aming party-list. For now, secret muna kasi baka gayahin ng iba at para na rin may element of surprise,” tugon ni Goma-bow. 

Nagsara man ang pintuan ng karera ni Goma-bow sa volleyball, panibagong bintana naman ang nagbukas para sa kaniya bilang isang ina. Bitbit ang walang sawang suporta ng mga kaibigan at ng mga miyembro ng SSS, patuloy ang pagtindig ni W41k0Ut Kw33N sa mithiin niyang mamuhay nang matiwasay ang mga kapwa niyang ilaw ng tahanan.