MATATANGGAP na rin ng mga estudyanteng ID 120 at ID 121 ang kanilang identity document (ID) na maaari ding magamit sa mga Automated Teller Machine (ATM) matapos ang ilang terminong pagkaantala dahil sa kasalukuyang sitwasyon. Parte ito ng paghahanda para sa face-to-face na klase ngayong ikalawang termino ng A.Y. 2021-2022.
Dinisenyo rin ang panibagong ID upang magamit sa contact tracing at pagtatabi ng pera bilang pampalubag-loob sa katagalan ng pamimigay nito.
Eksklusibong benepisyo
Nakapanayam ng Buwanang Kalat at Katarantaduhan (BUKAKA) si Ediching Sy, direktor ng banking and information ng Office of the Banking and Technology Services ukol sa bagong inobasyon ng Pamantasan. Ayon sa kaniya, nagkaroon sila ng kasunduan ng RK Bank Inc. upang maisakatuparan ang ID-ATM na ito.
Idiniin naman niyang bahagi ang ID-ATM ng pagpapatupad sa ligtas na balik eskuwela sa Pamantasang De La Salle (DLSU). Aniya, malilimitahan ang pagkahawa ng mga estudyante sa COVID-19 dahil magagawa na nila ang kanilang mga transaksiyon sa pamamagitan ng isang tap mula sa kanilang ID.
Bukod pa rito, magagamit din ang ID para sa contact tracing ng mga katuwang na establisyimento ng RK Bank Inc. Inilantad ni Sy na kukunin ang naturang pera mula sa iba’t ibang mga benepisyaryo. Paliwanag niya, nagkukulang na ang badyet ng Pamantasan mula sa mga ipinagagawang proyekto, tulad ng ugnayan ng DLSU sa banko at ng mga isinasagawang renobasyon.
Mga karagdagang pangako at paalala
Ibinahagi rin ni Sy na mayroong kaakibat na sorpresa ang mga ipamimigay na ID-ATM. “There’s actually going to be a little raffle in the ATM cards to make things a little spicier. Commemorating the third year of COVID-19 in the Philippines, three ATM cards would already contain a cash amount of the last five digits of their ID numbers,” aniya.
Inilahad din ni Sy na maaaring makakuha ng Sogo gift certificate ang mga estudyante kapag nakaipon sila ng sapat na puntos mula sa paggamit nito. Bukod pa rito, tinitiyak din ni Sy na agad nilang aaksyunan ang anomang reklamo ukol sa ID-ATM.
Dagdag pa niya, mahigpit ang seguridad na nakapaloob sa bawat ID-ATM kung kaya’t walang dapat ikabahala ang mga estudyante kung manakaw o mawala man ito. “The students can still retrieve their money. Even though their personal information is there [in the ID], other personal data will still be safeguarded,” pahayag ni Sy.
ATM, deal or no deal
Nagpahayag din ng sentimyento sa BUKAKA ang ilang Lasalyano ukol sa pagpapatupad ng ID-ATM. Para kay Shala Bilistarbs, ID 120 ng kursong BS Computer Science, maganda ang pagkakaroon ng ID na magagamit din bilang ATM card dahil mas madali ito lalo na’t mayroon nang ATM sa loob ng kampus. Bukod pa rito, mababawasan na rin ang dinadala niyang mga card papuntang DLSU.
Para din kay Dami Khomani, ID 121 ng kursong BS Accountancy, “It is good to know that I get my money’s worth dahil ang tagal kong naghintay for this ID. I also feel special because only us [ID 120 at ID 121] can have this feature. Best of all, I don’t have to bring a lot of my money because I can just put it in my ID,” aniya.
Sa kabilang banda, nangangamba naman si Mari Naol, ID 121 ng kursong BS Psychology, na walang-bisa ang ID-ATM ng Pamantasan dahil maaaring makuha ang kaniyang personal na impormasyon sakaling manakaw ito. Giit niya, “If my ID gets stolen, the magnanakaw not only knows my name, but can also access my money and can pasok La Salle with my ID! Worse, what if pinahawak ko ID ko to someone and they betray me by stealing my money?”
Hindi rin sang-ayon si Acona Langkase, ID 120 ng kursong BS Civil Engineering, sa desisyon ng Pamantasan dahil wala aniyang silbi ang ATM card kung wala siyang pera. Sambit ni Langkase, “Alam kong hampaslupa ako pero ‘di niyo naman kailangang ipamukha sa akin na wala akong malagay sa isang ATM card. Pasensya na ha, ganito lang ako.”