Sa halos anim na taong pagdudusa ng taumbayan sa kamay ng pinunong minsang nanumpa na ipagtatanggol at pangangalagaan ang kaniyang nasasakupan, mas tumindi ngayong panahon ng halalan ang pangangalampag para sa isang gobyernong tapat sa interes ng masa. Sa pagsisimula pa lamang ng pangangampanya, libo- libong mga tao na ang dumalo at nagpahayag ng kanilang suporta sa mga napupusuang kandidato sa loob at labas ng social media. Gayunpaman, naging ugat din ito upang kwestyunin ang resulta ng ginawang pagsukat sa pulso ng mga botanteng Pilipino.
Sa sarbey ng Pulse Asia mula Disyembre 2021 hanggang Marso 2022, nananatiling nangunguna para sa pagkapangulo si Bongbong Marcos Jr. Bagamat patuloy ang pagtaas ng rating ng kaniyang mga kalaban, malaki pa rin ang kanilang pagitan kung ikokompara sa 4% hanggang 24% rating na kanilang natatanggap. Bunsod ng patuloy na pagiging frontrunner ni Marcos Jr., marami ang nagkaroon ng negatibong pagtingin sa kredibilidad ng mga inilalabas na sarbey. May ilang naniniwalang walang kakayahang irepresenta ng 2,400 mamamayang nagsagot ng sarbey ang totoong napupusuang kandidato ng buong populasyon ng mga botante. Habang naniniwala naman ang ilan na hindi mapagkakatiwalaan ang mga ito sapagkat hindi nila nakikita ang paraan nang pagpili sa mga nagsasagot ng sarbey at maaari umano itong idinisenyo upang ikondisyon ang isipan ng mga botante.
Gayunpaman, kinakailangang isaalang- alang na nakaangkla ito sa siyensa at pinag-aralang metodo ng pananaliksik. Subalit, bunsod ng komplikado at napakahabang paliwanag sa mga teknikal na talang inilalabas, hindi malinaw na nauunawaan ng mga mamamayan ang mga numerong nakatala. Bukod dito, ilang pambansang eleksyon na ang nakalipas at pinatutunayan pa rin ng mga sarbey na inilabas ng mga lehitimong polling agency noong 1998, 2004, 2010, at 2016 na may kakayahan itong sukatin at alamin ang mga susunod na pinuno ng bansa.
Taliwas man sa ninanais ng bawat isa, hindi rin maikukubli ang realidad na repleksyon ng resulta ng sarbey ang totoong napupusuan ng lipunan. Isa itong patunay na hindi natatapos ang laban sa social media sapagkat gaano man kaingay ang suporta sa birtuwal na mga plataporma, kinakailangan pa rin ng mga mamamayang Pilipino na umalpas mula sa limitadong espasyo ng online world at dalhin ang laban sa lansangan.
Tumitindig ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) na responsibilidad ng bawat botante na kilalanin ang bigat ng kanilang karapatan sa pagboto at ang kahalagahan nang pagiging kritikal at responsable sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa. Nananawagan ang APP sa sambayanang Pilipino na sa kabila ng malaking impluwensiya ng mga sarbey, mahalaga pa ring kilatisin ang tunay na hangarin ng mga kandidato sa pamamagitan nang pagsukat sa kanilang kaalaman, kahandaan sa posisyong tinatakbuhan, mga isyung kinasasangkutan, at bakas ng kanilang paninilbihan para sa bayan.
Naniniwala ang APP na mamumutawi lamang ang pagiging kritikal ng isang botante kung mayroong sapat na politikal na kamalayan ang bawat isa. Huwag nating hayaang maging kampante o magpadala sa takot na dulot ng resulta ng sarbey dahil tanging resulta lamang sa Mayo 9 ang may kakayahang humulma sa kinabukasan ng bansa. Sa paghakbang patungo sa bansang malaya sa tiraniya at patriyarkal na sistema, tungkulin ng bawat botante na imulat ang isa’t isa upang mawakasan ang ilang dekadang paghahari ng huwad na sistema sa Pilipinas. Sa bawat patak ng tinta sa balota, hindi lamang kinabukasan ng iisa ang nakataya, bagkus ng mahigit 112 milyong Pilipino.
Oras na upang maningil ang bayan sa maraming taong pagkakasadlak at ipataw ang hatol na magpapabago sa direksyon ng bansang patuloy nating sinisikap na pangalagaan.