Taksil sa bayan: Panawagan sa pagtataas ng pamantayan para sa mga ihahalal na pambansang lingkod-bayan

Likhang-sining ni Matthew Casey Medina

Sa nalalabing mga araw bago ang Halalan 2022, puspusang nangangampanya ang mga kandidato na naghahangad makakuha ng upuan upang maging lingkod-bayan. Sumusulpot ang kanilang iba’t ibang estratehiya upang makuha ang boto ng taumbayan. Gayunpaman, upang mabisang makakuha ng suporta, nararapat lamang na isulong nila ang kanilang mga plataporma at tunay na intensyon hinggil sa posisyong kanilang hinahangad. 

Kamakailan lamang, mayroong mga lumilitaw na usapin hinggil sa pagtakbo ng mga politikal na pinuno na mayroong kinaharap o nakabinbing kaso ng katiwalian, pag-iwas sa pagbabayad ng buwis, palsipikasyon ng mga dokumento, at iba pa. Nagluwal ang mga insidenteng ito ng katanungan hinggil sa pamantayan para sa mga nais maghain ng kandidatura para sa pagiging pambansang lider.

Inaabusong kalayaan at karapatan

Maraming mga kandidato ang tahasang nangangampanya nang walang platapormang ibinibida sa mamamayan at may mga kuwestiyonableng kredensyal. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Gerardo Eusebio, professional lecturer ng Agham Pampolitika sa Pamantasang De La Salle, ipinaliwanag niyang bagamat may panuntunang nakalatag sa Omnibus Election Code, madalas itong binabalewala ng ibang mga kandidato. 

Sambit niya, lalo pang humirap ang pagsasala sa libo-libong kandidato dahil sa kakulangan ng sapat na empleyado ng Commission on Elections. “Kung meron kang ginawa na maaaring maging ehemplo ka ng masama o hindi magandang ehemplo sa taumbayan, ikaw ay hindi pahihintulutan. Kaso, wala namang kandidato na aamin na siya ay may kinahaharap na kaso kung hindi mo talaga bubungkalin,” pahayag ni Eusebio. 

Kaakibat ng demokrasyang natatamasa ng mga Pilipino ang pagbibigay sa bawat isa ng karapatang makatakbo sa posisyon hangga’t sumusunod sa kwalipikasyon at wala pang pinal na hatol sa kaso ng anomang uri ng moral turpitude. Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Eusebio na hindi makatuwiran ang pagtakbo ng isang kandidato nang walang inilalatag na malinaw na plataporma o programa. Kaugnay nito, matatandaang pinahintulutan din si Senador Leila de Lima na muling makatakbo sa Senado sa kabilang ng pagkakabilanggo sapagkat wala pa ring naibabang hatol hinggil sa kasong isinampa laban sa kaniya.

Biktima ng bulok na sistema

Tuwing eleksyon, naglilipana ang mga paalala sa taumbayan na bumoto nang wasto at matalino. Sa kasamaang palad, hindi rin maiwasang may mga lumitaw na panlalait at paninisi sa mga botanteng bumoboto ng kandidatong may baluktot na intensyon. Madalas silang inilalarawan bilang mga “bobong botante.” Gayunpaman, kinakailangang maintindihan ng taumbayan na maaaring biktima lamang ang mga botanteng ito ng bulok na sistema ng edukasyon at mga mapanlinlang na kandidato. 

Inilarawan ni Eusebio ang ganitong sitwasyon sa konsepto ng “politics of the stomach” na nangangahulugang naaayon sa kalam ng sikmura o antas ng kahirapan ang kanilang pagboto. Aniya, “‘Yung panahon ba ni Marcos nakakakain ba tayo ng tatlong beses sa isang araw, lalo na mga senior citizens? From [administrasyon ni Cory] Aquino to [Noynoy] Aquino, nagugutom kami, so mas okay sa kanila ‘yung panahon ng dictatorship.” 

Dagdag pa ni Eusebio, kinakailangang itaas ang sistemang pang-edukasyon sa bansa upang mahasa ang kakayahan ng mga botante na mamili ng kandidato. Mas mahihirapang makakuha ng boto ang mga politikong hindi karapat-dapat umupo sa gobyerno kung mas mahusay kumilatis at sumala ang mga botante. Naniniwala siyang patuloy na mamamayagpag ang naturang konsepto hangga’t walang nangyayaring matagumpay na paglago ng ekonomiya na inaasahang mag-aangat sa mga tao mula sa kahirapan.

Pamantayan ng bayan

Sa napipintong muling paghalal ng susunod na mga pinunong-lingkod ng bayan, kinakailangan din nilang maipamalas ang kanilang kahandaan sa mga katanungan ng masa at suliranin ng bansa hinggil sa kalusugan, trabaho, edukasyon, at karapatan. Gayunpaman, isa pa ring malaking katanungan tuwing panahon ng eleksyon ang tunay na pumapanday sa kahusayan at pagiging epektibo ng karapat-dapat na pinuno ng bansa. 

Iginiit ni Gigi Rivera, isang botante, sa APP na kinakailangang maging matalino sa mga kilos at maging handa ang mga naghahangad na maging pinuno sa ipapataw na responsibilidad sa kanila. Binigyang-diin niyang kinakailangang malinis ang track record, bukas sa mga kritisismo, at handang makinig sa tinig ng mga mamamayan. 

Bagamat napakaraming mabubuting katangiang kinakailangang taglayin ng isang epektibong lider, nanindigan si Rivera na dapat ding taglayin ng isang lider ang malawak na karanasan sa paglilingkod upang epektibo niyang maipakita na hindi siya ganid sa kapangyarihan at mayroong malinis na hangarin para sa bansa. 

Matapos ang ilang henerasyong danas mula sa mga pasista at pahirap na mga rehimen, nararapat lamang na matamasa ng masang Pilipino ang ginhawang handog ng isang epektibong pamamahala. Ito na ang simula ng sistemang huhubog, hahamon, at hahasa sa mga pinunong guguhit ng kinabukasan ng bansa sa susunod na anim na taon. 

“Ang kailangan na talaga natin ngayon [ay] movement na talaga. Gisingin natin ang mga dapat magising,” panawagan ni Eusebio.