Halalan para sa iilan?: Pagsisiyasat sa demokratikong sistema ng halalan at modelo ng pamumuno sa bansa

Dibuho ni Karl Vincent Castro

Bilang paghahangad sa pagbabago ng takbo ng balikong politika sa bansa, malalimang sinisiyasat ang mga kamalian sa kasalukuyang daloy nito at sistema ng pagboto. Sa mga nagdaang taon, maraming hinarap na pagsubok ang sambayanang Pilipino dahil sa kinakalawang na sistemang pinamumunuan ng isang huwad na gobyerno. Bagamat matagal nang pinaiiral ang demokrasya sa bansa, nananatili itong depektibo at nakakulong sa selda ng korapsyon at kahirapan. Sa kasalukuyan, nakaangkla ang halalan sa plurality system o pagluklok sa mga kandidatong makatatanggap ng pinakamaraming bilang ng boto. Gayunpaman, masasabi bang patas ang resulta kung panig lamang ng karamihan ang nagwagi? 

Bukod dito, nagbibigay-lamat din umano sa sistema ng halalan ang paggamit sa multi- party system bilang paraan upang makalipat sa partidong maaaring makapagbigay sa kanila ng politikal na makinarya at kalamangan. Hindi sila binubuklod ng ideolohiya, prinsipyo, o adbokasiya para sa sektor na kanilang nirerepresenta bagkus ginagawa lamang nila itong behikulo para pagyamanin ang kanilang pansariling interes. Pinagwawatak-watak nito ang boto ng sambayanang Pilipino na pumipilay sa puwersang pampolitika at pang-ekonomiya ng bansa. 

Nangangalawang na sistema 

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Colin Solomon, estudyante at botante, inihahalintulad niya ang demokrasya sa konsepto ng kalayaan na pangunahing nagbibigay ng kakayahan sa isang indibidwal na makapagdesisyon para sa kaniyang sarili. Aniya, hindi perpekto ang demokrasya ngunit dinisenyo ito upang protektahan ang mga Pilipino mula sa diktadurya. 

Sa kabilang banda, inilahad ni Charmaine Puno, isang botante, na bagamat pabor siya sa pagiging demokratiko ng bansa, hindi niya nakikita ito sa pamamalakad ng kasalukuyang gobyerno. Ibinahagi niyang hindi siya sumasang-ayon sa pagpapatupad ng sistemang awtoritaryan sa bansa. Pagdidiin niya sa APP, mas pipiliin pa rin niya ang sistemang demokratiko ngunit marapat na mas taasan ang pamantayan sa pananagutan ng mga namumuno. Sa kabila ng karahasan sa depektibong demokrasya ng bansa, nanindigan si Puno na hindi naman naiiwan ang minorya sa halalan sapagkat nananatiling malaki ang halaga ng kanilang boto. 

Gayunpaman, sumasang- ayon si Solomon na ipagpatuloy ang paghahalal sa kandidato na may pinakamaraming boto kapag nagkaroon na nang mataas na kakayahan ang mga Pilipino sa pagpili ng karapat-dapat na kandidato. Binigyang-diin niya na hindi epektibo ang sistemang selektibo sa batas sapagkat umiiral lamang ito sa mahihirap, habang nananatili itong walang bisa sa mga naghaharing-uri. 

Pinaniniwalaan ni Solomon na lalong hindi maisasakatuparan ang batas sakaling ang mga mahihirap ang maituturing na mayorya. Inihalintulad niya ito sa kasabihang “‘Pag ang tao’y gipit sa patalim kumakapit,” na siyang nag-uudyok sa mahihirap na mahulog sa bitag ng mga mayayamang politiko. “Kaya mas maraming mahirap, mas maraming taong kakapit sa paing,” dagdag pa niya. 

Dulot nito, umaasa siyang mababago pa ang sistema ng eleksyon sa bansa upang masigurong hindi mananaig ang personality politics at mga politikal na dinastiya. Naninindigan si Solomon na mapabubuti lamang ang takbo ng demokrasya kung maglulunsad ng mga hakbang na magbibigay-halaga sa pagpapalaganap ng mga lehitimong pinagkukuhanan ng impormasyon. “Kung hindi natin alam kung ano ang paniniwalaan, maaari nilang sirain lahat ng dati nating pinaniniwalaan. At sa ganitong sitwasyon, panalo ang boses na may pinakamalakas na mikropono,” argumento ni Solomon.

Depektibong demokrasya 

Kaakibat ng isang demokratikong halalan ang mabigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan na pandayin ang kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng pagpili ng mga lider na magrerepresenta sa kanila. Nakataya sa kalayaan nilang bumoto ang kapangyarihang tugunan ang suliraning kinahaharap ng bansa o magamit para mas ilugmok ang bansa at iangat lamang ang buhay ng iilan. 

Tinukoy ni Dr. Feorillo Demeterio III sa kaniyang papel na pinamagatang “Ang Demokratikong Sistema at ang mga Modelo ng Pamumuno sa Pilipinas” na mayroong dalawang malaking problemang politikal na kinakailangang matugunan sa bansa. Naniniwala siyang hindi nagtutugma ang tradisyonal na modelo ng pamumunong umiiral sa kamalayan ng mamamayan at ang modelo ng pamumunong hinihiling ng isang leader democracy—isang modelo na may direktang partisipasyon ang mga mamamayan. 

Isiniwalat ni Demeterio na ang kakulangan sa edukasyong pampolitika ang pumipigil upang umangat at mahubog ang kamalayan ng bawat isa sa mga pundasyunal na kahilingan sa demokrasya. Naninindigan siyang kinakailangang rebisahin ang nilalaman at pagkakaturo ng Agham Pampolitika sa isang mas kritikal at radikal na pagsusuri ng mga politikal na estruktura. Bukod dito, isa ring problema ng bansa ang marupok na burukrasyang sinasamantala ng mga tradisyunal na pinuno. 

Iginiit niyang magkakaroon nang mas mabisang demokratikong sistema ang bansa kung mamumulat ang lahat na kinakailangang palitan ng mga karismatikong pinunong may pananagutan sa bayan ang mga tradisyonal na pinuno. Ayon kay Demeterio, “Kapag mamumuno na ang mga bagong karismatikong pinuno, tiyak na mas madali silang pakisuyuan na kumpunihin muli ang ating burukrasya para sa ikabubuti ng lahat. Hindi mahirap ang pagpapatibay at pagpapatatag ng isang burukrasya, dahil ginagawa ito ng marami nating mga mamamayan sa larangan ng mga pribadong korporasyon.” Nasa kolektibong boses ng masa ang kapangyarihang wakasan ang nangangalawang na sistema ng halalan sa bansa.