DLSU Green Spikers, natakasan ang maagang pamumukadkad ng NU Bulldogs!

Kuha ni John Mauricio

MATAGUMPAY NA NAKATAKAS ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa pananalasa ng National University (NU) Bulldogs sa panimulang set, 12-21, 21-15, 15-11, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament, Mayo 27, sa Sands SM By the Bay.

Maagang namukadkad ang NU Bulldogs sa pagbubukas ng unang set matapos asintahin nina Pol Salvador at James Buytrago ang naghihingalong depensa ng DLSU. Bunsod nito, tuluyan nang lumayo ang kalamangan ng NU at isinuko na ng tambalang Noel Kampton at Vince Maglinao ang unang set, 12-21.

Hindi naman hinayaan ng Green Spikers na tuluyang matalo sa buena manong laban nito sa UAAP matapos mailusot ang sunod-sunod na tirada na gumiba sa depensa ng NU sa ikalawang set. Buhat nito, napasakamay ng DLSU ang momentum na wagi nilang protektahan hanggang dulo, 21-15. 

Dikit na bakbakan ang naging eksena sa ikatlong set matapos magsagutan ng puntos ang dalawang koponan. Sa kabila nito, naungusan nina Kampton at Maglinao ang banta ng NU sa huling bahagi ng laban upang masungkit ang panalo, 15-11.

Abangan ang susunod na laban ng DLSU Green Spikers kontra UP Fighting Maroons mamaya, Mayo 27, sa ganap na ika-4 ng hapon.