LUMUSOT sa butas ng karayom ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 25-23, 19-21, 15-11, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament, Mayo 28, sa Sands SM By the Bay.
Umalagwa ang magkabilang koponan sa pagbubukas ng unang set matapos magsagutan ng puntos, 4-all. Tila gumising naman ang Morayta-based squad at iniangat ang kalamangan sa apat,12-16. Hindi nagtagal, nagliyab ang mga galamay nina Noel Kampton at Vince Maglinao upang maingat ang kartada ng DLSU, 21-20. Dikit ang naging bakbakan sa huling bahagi ng set ngunit winakasan na ito ng Green Spikers, 25-23.
Naging mainit ang panimula ng ikalawang yugto matapos magpakawala ng nagbabagang spikes at service ace ang DLSU, 6-5. Hindi naman mapundi-pundi ang opensa ng FEU at tuluyang itinabla ang talaan, 14-all. Nahirapan namang bumangon ang koponang Green and White at tuluyan nang napasakamay ng FEU ang ikalawang set, 19-21.
Bumira nang 3-0 run ang Green Archers sa panimula ng huling yugto ng sagupaan, 4-1. Agad namang nakabangon ang FEU mula sa mga error ng DLSU, 10-all. Gayunpaman, tila nabuhayan ng loob ang kalalakihan ng DLSU nang rumagasa ang sunod-sunod na puntos upang selyuhan ang panalo, 15-11.
Tunghayan ang susunod na laban ng DLSU Green Spikers kontra Adamson University bukas, Mayo 29, sa Sands SM By the Bay, sa ganap na ika-9 ng umaga.