Paghaharap ng magkaribal: DLSU Green Spikers, nadungisan ang malinis na kartada kontra ADMU Blue Eagles!

Kuha ni John Mauricio

NALASAP ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang pighati ng unang pagkatalo kontra Ateneo De Manila University (ADMU) Blue Eagles, 16-21, 18-21, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament, Mayo 28, sa Sands SM By the Bay.

Namayagpag agad ang mga alas ng Taft na sina Noel Kampton at Vince Maglinao sa pagbubukas ng unang yugto, 6-8. Ngunit agad naman lumayag ang mga pambato ng Katipunan at pinalobo ang kalamangan sa apat, 9-13. Hindi na tuluyan pang nakabigwas ang Green Spikers sa pagtatapos ng unang yugto, 16-21.

Pagdako ng ikalawang set, masigasig na nagsagutan ng puntos ang dalawang koponan, 5-all. Tila inulan ng errors ang Taft-based squad na naging dahilan upang umalagwa ng puntos ang Blue Eagles, 17-20. Sinubukan pang umahon sa pagkakadapa ang Green Spikers mula sa match point ng katunggali ngunit hindi nakahabol at tuluyan nang tinuldukan ng Blue Eagles, 18-21.

Subaybayan ang susunod na kampanya ng DLSU Green Spikers laban sa Far Eastern University Tamaraws mamayang hapon, ika-3 ng hapon sa kaparehong lugar.