ITINUDLA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang angas ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 25-23, 25-13, 25-14, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Mayo 28, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nagpakitang-gilas ang middle blocker ng Lady Spikers na si Thea Gagate matapos makalikom ng 14 na puntos katuwang ang siyam na spike at limang block. Umalalay naman ang star rookie na si Alleiah Malaluan na nakapag-ambag ng kabuuang 12 puntos.
Bumida naman para sa FEU si Shiela Kiseo matapos magtala ng pitong puntos, walong receive, at pitong dig. Katuwang naman ng kapitan ng Lady Tamaraws sa pagpuntos si Chenie Tagaod na humulma ng anim na puntos.
Binungaran ng masiklab na pag-atake ng Lady Tamaraws ang Lady Spikers sa unang set matapos umukit ng tatlong kalamangan. Ipinagpatuloy ng FEU na pigilan ang mga tirada ng katunggali nang pumukol ng puntos si Tagaod at nang tagumpay na tapatan ni Christine Ubaldo ang depensa nina Gagate at Jolina Dela Cruz, 8-12. Hindi naman nagpagapi ang Green and White squad matapos magpamalas ng dalawang magkasunod na block si Leila Cruz.
Patuloy na pinagapang ng Lady Tamaraws ang koponang Green and White mula sa back row attack ni Tagaod at magkakasunod na service at attack error nina Gagate at Cruz, 13-20. Agad namang pinigilan ng Lady Spikers ang paglobo ng kalamangan ng FEU matapos ang tip ni Fifi Sharma, spike ni Marrione Alba, at straight spike ni Malaluan, 17-20.
Tuluyang pinatabla ng Taft-based squad ang talaan matapos ang magkakasunod na attacking error ng kalaban at sa straight spike ni Gagate, 23-all. Sa huli, napasakamay ng Lady Spikers ang panalo sa unang yugto mula sa service ace ni Alba, 25-23.
Pagdako ng ikalawang set, bumalik ang momentum ng koponang Green and White nang umukit ng tatlong kalamangan mula sa spike ni Dela Cruz, quick at tip ni Gagate, at service ace ni Alba, 4-0. Nakapagtala naman ng unang puntos si Tagaod mula sa kaniyang straight spike.
Pinalawak pa ng nangungunang koponan ang kartada nang umatake ng feint si Malaluan at pagbulusok ng quick ni Gagate, 8-1. Sinagot naman ito ni Kiseo matapos padulasin ang bola, 10-5. Makisig na combination play ang ipinamalas ng tambalang Alba at Gagate na nagpalobo ng agwat sa kartada, 14-6.
Hindi na hinayaan ng Lady Spikers na makahabol pa ang katunggali nang lumiyab sina Malaluan at Gagate mula sa kanilang feint at quick, 18-7. Ipinagpatuloy ng DLSU ang pag-angkin sa kalamangan matapos magpakitang-gilas ni Gagate mula sa kaniyang malabundok na net defense, 21-10. Winakasan ng Lady Spikers ang ikalawang yugto nang ikinasa ni Malaluan ang straight spike at solo block ni Dela Cruz, 25-13.
Sa pagbubukas ng ikatlong set, rumatsada agad ang Lady Spikers na pinangunahan ni Gagate, 4-0. Agad na sinundan ito ni Erika Santos gamit ang isang malupit na off-speed, 6-0. Pumuntos naman ang Lady Tamaraws dahil sa service error ni kapitana Alba, 6-1.
Salitang nag-ambag ng puntos sina Malaluan at Gagate upang palayuin ang kalamangan, 11-3. Gayunpaman, agad na nailusot ni Kiseo ang kaniyang palo para sa FEU, 11-4. Matapos nito, nadagdagan pa ang puntos ng Lady Tamaraws dahil sa errors ng DLSU.
Sa pagpapanatili ng nagliliyab na momentum ng Lady Spikers, walang awat na pinangunahan ito ni Santos matapos mag-block ng tirada ng FEU, 19-11. Pinagtulungan naman ng dalawang best scorer sa larong ito na sina Gagate at Malaluan ang pagsara ng ikatlong set, 25-14.
Subaybayan ang susunod na laban ng DLSU Lady Spikers sa ikalawang yugto ng UAAP Season 84 Women’s Volleyball Tournament kontra University of the Philippines Lady Fighting Maroons sa darating na Martes, Mayo 31, sa ganap na ika-4 ng hapon.