Handog ng musika sa bawat taingang masigasig ang pakay na maibahagi ang nakahuhumaling na himig na mag-uudyok sa muling pagsibol ng mga damdaming nakabaon sa mga tagapakinig. Sa paglipas ng mga henerasyon, kasabay ng pagbago ng kultura’t lipunan ang ebolusyon sa paraan ng pagsulat ng musika at pag-awit. Kung susuriin ang mga tradisyonal na pagtuturo ng teoryang pangmusika at estilong klasikal, mapapansing mas teknikal at sistematiko ang pagpresenta at pagsulat ng mga piyesang inihahandog sa mga taong nais umawit o tumugtog. Isang makabuluhang halimbawa ang madalas na paggamit ng iskalang pangmusika at ng mga anotasyon sa piyesang gagabay sa mambabasa o mang-aawit sa musikal na interpretasyon ng awitin.
Makalipas ang ilang mga henerasyon, tinitingnan na lamang ang mga piyesa at musika noon bilang mga materyal na ginagamit ng isang indibidwal na kumukuha ng music degree, o ‘di kaya ng mga musikerong malawak ang kaalaman sa musikang klasikal, tulad ng isang instruktor ng chorale o orchestra. Sa kaliwa’t kanang pagsulpot ng mga manunulat ng awitin at mang-aawit na masasabing tumitiwalag mula sa estilo at metodolohiyang klasikal, umuugong ang isang importanteng katanungan: Sa kontemporaneong panahong madaliang isinusulat at ibinabahagi ang musika sa madla, masasabi pa bang makabuluhan pa rin ang mga metodolohiyang klasikal?
Hatid ng klasikal na tunog at ritmo sa buhay ng isang musikero
Hindi maikakailang maraming musikero sa mundo ang nabago ang buhay dahil sa propesyon at pagmamahal sa musika. Isa na rito si Jose “Joel” Emmanuel D. Aquino, isang konduktor ng DLSU Chorale, at humahaligi sa boses ng mga indibidwal o grupong mang-aawit, sabay ng kanilang pagtatanghal sa loob at labas ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Maituturing na makulay ang naging takbo ng buhay ni Aquino bilang isang musikero at instruktor ng classical singing. Sa katunayan, nagsimula ang lahat nang mapansin siya ng isang instruktor tuwing sumasama at nakikinig sa isang choir na napabilang ang kaniyang nakatatandang kapatid. Nang alukin si Aquino ng nasabing instruktor, dali-dali siyang pumayag at nakatanggap ng iba’t ibang klaseng pagsasanay sa tamang pakikinig at paggamit ng boses.
Sa murang edad na pito, napabilang na si Aquino sa isang choir, nagkaroon ng pagkakataong makipagkaibigan, makapunta sa napakaraming lugar, at maranasan ang iba’t ibang mayamang kultura’t tradisyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Aniya, kasabay ng kaniyang karera sa larangan ng musika ang pagiging bahagi niya sa isang banda. “I studied Agricultural Engineering in UPLB [University of the Philippines – Los Baños]. . . I was also heavily involved in a choir and a band also. And sabi ko ayaw magpatalo ng passion ko for music. Even there In UPLB, I was teaching choir, teaching basic guitar, and earning as a student. . . nakita ko na this is sustainable, giving me a lot of favors. . . it provides more than just food on the table, a lot of other things,” pagkukuwento niya sa Ang Pahayagang Plaridel (APP). Nakatanggap din si Aquino ng diploma course sa programang Performance of Musical Arts at Bachelor of Music in Voice.
Bilang isang musikero, nakapagsulat na rin si Aquino ng mga himno ng mga paaralan at ilang areglo ng mga sikat na awitin gaya ng ‘I Don’t Wanna Miss a Thing’ ng bandang Aerosmith. Isa naman sa kaniyang mga nakatrabaho si Ryan Cayabyab, ang National Artist of the Philippines for Music noong 2018. Sa katunayan, naging sistematiko at makabuluhan ang naging pagsasanay ni Aquino kasama ang tanyag na musikero. Kabilang dito ang pag-transcribe ng bawat himig at armonyang itinutugtog ni Cayabyab gamit ang piano. Nang dahil sa kahusayan ng pagsasanay na kaniyang naranasan, naudyok siya upang kumanta, makapagsulat ng iba’t ibang awitin, makapagturo sa mga choir sa simbahan, at kumuha ng raket gamit ang kaniyang kakayahan at kahusayan sa napupusuang karera.
Para kay Aquino, masasabi niyang komprehensibo siya bilang konduktor ng kanilang chorale. Aniya, mahalagang maging sensitibo ang isang instruktor sa pagkatuto ng isang estudyante sa epektibong pamamaraan. Aniya, “. . . Whether oral, or visual, lahat isinasaalang-alang ko sa gagawin kong pagtuturo. I have to be ready with different approaches. . .”
Estilong pangklasikal sa gitna ng pag-usbong ng kontemporaneong musika
Ibinahagi rin ni Aquino sa APP ang mga pangunahing paraan upang mai-angkop ang kaniyang mga kaalaman ukol sa musikang klasikal sa mga kontemporaneong estilo. Naniniwala siya, bilang isang classically trained na instruktor at musikero, sa ekpresyong “embracing the future.” Ayon kay Aquino, nakapagbibigay ito ng oportunidad para sa isang mang-aawit na tumiwalag sa tradisyonal at grounded na pagtuturo ng mga teknikal na aspekto ng musikang klasikal, pati na rin sa pagsiyasat ng iba’t ibang genre na tanyag sa kasalukuyang henerasyon. Aniya, “. . .Even though I am a classically trained musician, I enjoy a lot of genres, and I encourage the love for the different genres.” Sa paraang ito, nagagawang palaganapin ni Aquino ang mga konseptong likas sa musikang klasikal, at itaguyod ang armonya nito kasabay ng pag-usbong ng mga makabagong estilo dala ng mga genre na patok sa pangkontemporaneong musika at preperensiya ng mga tagapakinig.
Naniniwala siyang makasasabay sa kontemporaneong musika ang musikang klasikal kapag ituturing itong pundasyon ng mga awiting isinusulat ng isang musikero sa kasalukuyang panahon. Sa paraang ito magmumula ang mas mainam na interpretasyon ng mga transkripsyong sinisiyasat ng isang mang-aawit. Gamit ang mga anotasyon o mga personal na gabay na itinakda ng aawit, kasabay ng mga teknikal na dunong na susuporta sa talento ng musikero, mabibigyang-kabuluhan ang mga konsepto mula sa musikang klasikal sa kasalukuyang henerasyon. “Pero kung may talento ka na pero hininog mo pa ‘yung skills kahit anong aspect, kaya mo na talaga harapin kahit malalaki ang hall, theatre, kahit napakataas ng nota, at may mababa rin. . . Lahat kaya kung steady ang foundation mo na binigay sayo ng classical training,” ayon sa kaniya, bilang paliwanag kung bakit makabuluhan pa rin ang mga konseptong pang-klasikal.
Bilang isang instruktor ng DLSU Chorale, ito rin ang nagsisilbing tulay ni Aquino sa pagsabay niya at ng kaniyang teknikal na kaalaman sa perpetwal na pagbabago sa mukha ng musika. Sa pagsulat ng mga piyesa, dito lumalabas ang makabagong pag-aangkop ni Aquino bilang isang instruktor na humahango ng inspirasyon mula sa pangkontemporaneong estilo at preperensiya. Aniya, “. . . Upgrade every aspect as time goes on,” nang tanungin ukol sa kaniyang tugon sa paglipas ng panahon at pagbago ng mga estilong pangmusika.
Sa pagsusulat at pagsasagawa ng musical transcriptions, nagagawa niyang pairalin ang mga estilong tanyag at prominente sa eksena ng musika, kasabay ng mga konseptong pangklasikal bilang pundasyon nito, gaya ng kaniyang pag-aangkop sa pag-awit. Sa paraang ito, nagagawang palalimin ng mga anotasyon ang interpretasyong pangmusika ng isang mang-aawit. Ang simpleng harana para sa isang dalaga, nabibigyan ng naratibo kalakip ng mga damdaming nagiging implikasyon ng mga anotasyon at nota sa iskala mula sa mga konsepto ng musikang klasikal.
Musika, isang Biyaya
Bagamat nananatili pa rin ngayon ang pakay ng isang musikero na pukawin ang damdamin ng madla, mapapansing hindi nakaangkla ang musika sa iisang estilo lamang, na tila perpetuwal at hindi nagbabago ang mga metodolohiya sa likod nito. Kalakip ng ebolusyon ng musika ang preperensiya ng mga tao; gaya ng mga estilo sa paglipas ng panahon, sumasabay ito sa indayog ng pangkontemporaneong musika at sa sagsag-kumahog ng mga makabagong tono at tugtugin. At bilang aral sa naging kuwento ni Aquino, makulay man ang naging takbo at pagbabago ng musika sa pagdaan ng panahon, mahalagang magbalik-tanaw at panatilihin ang natatanging ganda at kontribusyon ng musikang klasikal sa kasalukuyang pagtangkilik ng mga tao, partikular ng mga Pilipino, sa makabagong ritmo at liriko.
Biyaya—ganito maituturing ni Joel Aquino ang musika. Isa itong biyayang nagbibigay ng malikhaing himig at tunog sa buhay ng bawat isa. Mag-iba man ang areglo at pagkampay, bumagal man o bumilis ang takbo ng mga notang sumisimbolo sa karanasan at pagsubok sa buhay, hindi kailanman malilimutan ang ligaya at regalong hatid ng musika bilang kasangkapan sa pagbuo ng mga pangarap at pagkakaroon ng kalakasan upang malagpasan at mapagtagumpayan ang bawat destinasyong tatahakin sa hinaharap.