Hihinga muna nang malalim, bago pumikit habang pilit na inaalala ang daan-daang diyalogong pinagpuyatang isaulo. May kaunti pa ring kaba sa dibdib kahit pa matagal na sa industriya, sapagkat kaakibat ng pag-arte ang mahalagang tungkulin na aliwin ang masa. Hindi rin bibigyang-pansin ang lakas ng ulan o ang init ng araw; sa pagsigaw ni direk ng “ACTION!” kaniyang isusuot ang emosyong angkop sa karakter na gagampanan.
Ganito mailalarawan ang buhay ng isang artista, lalo na silang mga batikan sa industriya—hindi na mabilang sa daliri ang mga karakter na kanilang isinabuhay at ang mga emosyong kanilang ipinakita sa harap ng kamera.
Upang mas makapukaw ng damdamin habang nagtatanghal, inilulubog din ng ilan sa mga artista ang kanilang mga sarili sa danas ng tauhang kanilang isasabuhay. Inaaral nila ang ibang mga lenggwaheng angkop sa karakter na kanilang gagampanan; magkukulong sa bahay sa loob ng isang buwan upang mas maintindihan ang konsepto ng pagiging anti-social, at magbabawas o magdadagdag ng timbang para sa mas makatotohanang paglalarawan sa iba’t ibang eating disorders.
Bagamat matrabaho ang pag-arte at ang paghahanda para rito, wala pa ring makatutumbas sa galak na dala nito, lalo na kapag ramdam ng mga artista ang suporta ng masa. Sa mabilis na takbo ng industriya, paano nakasasabay at nakatatagal ang mga batikang artista?
Bituing nagniningning sa lente ng kamera
Isa ang batikang aktor na si Lander Vera-Perez, 49 na taong gulang, sa mga alagad ng sining na nagbibigay-inspirasyon sa pamamagitan ng pag-arte. Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi niyang bilang bahagi ng isang angkang nagtataglay ng mga producer ng pelikula, lumaki siya sa bakuran ng production company na Sampaguita Pictures, at doon naging tagapagmatiyag ng mga tao sa harap at likod ng kamera. Dahil dito, yumabong ang kaniyang interes at naisipang sumabak sa pag-arte na siyang naging unang hakbang sa kaniyang karera. Aniya, “Noong nasama ako sa sitcom na Billy Bilyonaryo, nagustuhan ko kaagad [ang pag-arte]. Kaya sabi ko sa sarili ko na gagalingan ko itong propesyon na pinili ko.” Ibinahagi rin niyang ang tita niyang producer ang naging tulay upang makasama siya sa naturang palabas, at maging parte ng iba’t ibang pelikula at teleserye kinalaunan.
Sa kaniyang hangarin na pagbutihin pa ang ipinakikitang talento sa pag-arte, buong puso niyang pinaglaanan ng oras ang pagsabak sa iba’t ibang acting workshops. Noong nagsisimula pa lamang siya sa pag-aartista, nakita niya ang pangangailangang dumalo sa workshops noong nakaharap niya sa eksena ang isang beteranong aktor sa industriya. Dito niya napagtantong kulang pa ang kaniyang kakayahan, partikular sa pagkabisado at paglalahad ng mga linya. Namunga naman ang masipag niyang pagdalo sa mga workshop dahil sa iba’t ibang aktibidad na humasa sa kaniyang kasanayan at kakayahan.
Mahigit 30 taon nang namamalagi si Vera-Perez sa industriya. Dahil dito, marami na ang karakter na kaniyang ginampanan sa telebisyon at pelikula. Gayunpaman, ikinuwento niya sa APP ang pinakamahirap na role na kaniyang ginampanan sa kahabaan ng kaniyang karera. “[‘Yung] role na ‘yun ay isa ako[ng] lolo na hindi makapagsalita nang mabuti at kailangan idaan mo sa gestures at facial expressions ang gusto mo masabi sa asawa at anak ko doon,” pagsisiwalat niya. Bagamat labis na nahirapan, naibigay naman niya ang kinakailangan para sa role, at ibinahaging ito rin ang pinakapaborito niyang karakter sa lahat ng kaniyang nagampanan.
Sa patuloy na pag-rolyo ng kamera
Batid na taglay ni Vera-Perez ang pagmamahal sa sining ng pag-arte. Sa kabila nito, testamento ang kaniyang karera na hindi ito basta-basta sapagkat kinakailangan ng matinding dedikasyon sa industriyang kaniyang kinabibilangan. Mula sa pagsasaulo ng mga linya at pagwari sa mga emosyong kinakailangan sa eksena, dapat na tangan ng mga artista ang mga kakayahang ito upang umani ng palakpak at maipamalas ang tinataglay na ningning.
Inihalintulad ni Vera-Perez ang pamumuhay bilang batikang artista sa ordinaryong buhay ng isang simpleng mamamayan. Ikinompara niya ang pagte-taping sa kahit anong ordinaryong trabaho dahil aniya, “Kailangan galingan mo [sa] trabaho mo.” Bilang kapalit, iba ang galak na nararamdaman niya sa tuwing napupuri ang kaniyang pag-arte sa pinaggampanan niyang palabas. Aniya, “Masarap ang pakiramdam ‘pag sinasabi na okay ang acting mo sa isang proyekto na nagawa mo.” Bagamat nag-uumapaw ang puso sa galak dahil kaakibat ng kaniyang paglitaw sa telebisyon ang pagtamasa ng malawak na popularidad, kaniyang pinaalalahanan ang sarili na maging mabuting ehemplo sapagkat, “Kailangan kang maging role model sa mga nakababata say’o.”
Hindi biro ang magtagal sa industriya ng showbiz sa loob ng 30 taon. Ipinakita ni Vera-Perez na kinakailangan ng matatag na dedikasyon hindi lamang sa pag-arte kundi pati na rin sa pakikisalamuha sa ibang tao. Para sa kaniya, “Kapag mahal mo talaga ang isang bagay na ginagawa mo, gaya ng profession na pinasok ko, ay parang hindi trabaho ang ginagawa ko.” Sa loob ng mahigit tatlong dekada sa loob ng industriya, mahalaga para kay Vera-Perez ang kababaang loob at pakikipagkapwa-tao. Paglalahad niya, “Marami na akong naging kaibigan sa industriya. Mula artista hanggang sa mga director at mga ibang staff,” kaya’t natural na lamang na ikinatutuwa niya ang pag-arte dahil sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Sa pakikisalamuha sa mga katulad niyang artista sa industriya, natutuhan niyang palakasin ang loob sa pamamagitan ng kaniyang mantra na “Feel good, look good, do good.”
Legasiya ng pagpapagal
May mga manggagawa mang nagreretiro pag-abot ng kanilang kaedaran, taliwas ito sa kaisipan ni Vera-Perez na patuloy na nagpapagal sa industriya upang aliwin ang masa gamit ang kaniyang talento. Nakapapagod man ang kaniyang mahabang paglalakbay sa industriya ng pag-arte, patunay ito ng kaniyang dedikasyon lalo na’t taon ang kaniyang iginugol upang matutuhang makisimpatya sa gagampanang papel sa iskrin man ng telebisyon o pinilakang tabing.
Sa kaniyang patuloy na pagharap sa lente ng kamera, hindi pa rin tiyak ni Vera-Perez ang kaniyang maiiwang legasiya sa panahong iwan man niya ang industriya. Ngunit kung babalikan ang kaniya karera, masasabing punung-puno ito ng mga obra-maestrang hindi mabubuo kung wala ang kaniyang talento at mukha. Marapat lamang na ipinagdiriwang natin ang mga alagad ng sining na patuloy ang paghahatid sa masa ng kanilang mga obra dahil hindi biro ang lakas ng loob na kinakailangan upang magpatuloy sa isang mapanghamong industriyang puno ng kritisismo at sakripisyo.
Kasabay ng pagpapatuloy ng mga hinahangaang batikan, manatili sana sa masa ang mga karakter na kanilang isinabuhay at ang mga emosyong kanilang ipinakita sa harap ng kamera. Sa kanilang pagpapagal, patuloy silang mabubuhay bilang bahagi sa entablado ng hirayang Pilipino.