BIGONG MAPAAMO ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang bangis ng University of Santo Tomas (UST) Tiger Spikers sa loob ng straight sets, 10-21,14-21 sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament, Hunyo 3, sa Sands SM By the Bay.
Agad na nangibabaw ang Tiger Spikers matapos magpakawala ng 6-0 run sa pagsisimula ng unang yugto, 2-8. Gayunpaman, waging makabawi sa mga crosscourt hit ang alas ng Green Spikers na si Noel Kampton, 5-11.
Tila binangungot naman ang Taft-based squad nang lumobo ang kalamangan ng katunggali, 8-16. Inulan din ng attack at service errors ang Green Spikers kaya tuluyan nang nadakip ng España mainstays ang unang set, 10-21.
Sinubukang ibangon sa pagkakalugmok ni Vince Maglinao ang dugong berde sa pagbubukas ng ikalawang set, 3-1. Gayunpaman, hindi nagtagal at rumatsada muli ang Tiger Spikers sa pangunguna ng mga service ace at attack nina Jaron Requinton at Rancel Varga, 9-12.
Nakabawi naman ang Green Spikers mula sa isang off-the-block hit ni Kampton at spike ni Maglinao, 11-13. Sa kabila nito, napako sa 12 ang kartada ng DLSU nang muling nabuhayan ng dugo ang kalalakihan ng UST na tumuldok sa bakbakan, 14-21.
Matapos yumuko sa defending champions, kasalukuyang nasa ikalawang puwesto ang Taft mainstays na may 4-2 panalo-talo kartada.
Subaybayan ang pagbabalik ng DLSU Green Spikers sa buhangin para sa semifinal round bukas, Hunyo 4, sa Sands SM By the Bay.