SINIGURO ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers na mapasama sila sa podium ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament matapos patumbahin ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 21-17, 21-17, Hunyo 5, sa Sands SM By the Bay.
Nagbabagang binuksan ng kalalakihan ng Taft ang sagupaan para sa ikatlong puwesto sa pangunguna nina Noel Kampton at Vince Maglinao, 4-3. Dikit ang naging bakbakan sa unang set matapos ang palitan ng puntos ng magkabilang koponan, 7-7.
Hindi nagtagal at nag-init ang mga galamay ni Kampton upang umalagwa ang kartada ng Green Spikers, 16-12. Sinubukang iangat nina Fighting Maroons Daniel Nicolas at Louis Gamban ngunit nahirapang bumalik sa laro ang UP at tuluyang napasakamay ng DLSU ang unang set.
Kompletong dominasyon ang ipinakita ng Taft-based squad sa pagsapit ng ikalawang yugto, 6-4. Pilit na ibinangon ng Fighting Maroons ang kanilang koponan ngunit tila hindi maawat ang tambalang Kampton-Maglinao sa pagragasa ng puntos mula sa mga crosscourt attack at mga service ace, 16-12. Sunod nito, tuluyan nang lumobo ang kalamangan ng Green at White squad upang selyuhan ang panalo, 21-17.
Ibinahagi ng mga alas ng Taft sa Ang Pahayagang Plaridel ang kanilang saloobin matapos maiuwi ang tansong medalya sa UAAP Season 84 Beach Volleyball Tournament. Ikinagagalak ni Kampton ang naging resulta ng kanilang laro. “Okay lang kahit hindi manalo kasi first time ko, pero ito nag-bronze kami. Ang bronze ay parang gold na rin,” wika ng two-time NCAA best outside hitter.
Sa kabilang banda, inalala ni Maglinao ang kaniyang sikap at tiyaga para paghandaan ang mga laro sa UAAP Season 84 Men’s Beach Volleyball. ”Sobrang saya. Alam ko na naghirap at nagsakripisyo kami at ‘yung sakripisyo namin napalitan ng bronze medal,” pagbabahagi ng batikang Green Spiker.
Nagpasalamat din ang tambalang Kampton at Maglinao sa buong pamayanang Lasalyano. “Maraming salamat sa lahat ng support at prayers, para sa inyo po ang panalong ito,” wika ni Maglinao. Pagmamalaki namang binanggit ni Kampton na “Sobrang sarap maging Lasalyano!”
Sa pagsasara ng torneo, waging madepensahan ng University of Santo Tomas (UST) Tiger Spikers ang kanilang kampeonato. Bunsod nito, naitala ng UST ang three-peat sa beach volleyball. Nasungkit naman ng NU Bulldogs ang pilak na medalya. Pinarangalan ding Rookie of the Year si Green Spiker Kampton at Most Valuable Player (MVP) naman si Tiger Spiker Rancel Varga.