PINANGUNAHAN ng Office of the Vice President for Internal Affairs ng University Student Government (USG) ang Boses ng Lasalyano: HyFlex Learning Focus Group Discussion (FGD) na tumalakay sa patuloy na paghahanda ng Pamantasan sa pagbabalik-kampus ng mga Lasalyano, Hunyo 10. Kaugnay nito, isinagawa rin ang FGD upang dinggin ang sentimyento ng mga estudyanteng dumalo sa HyFlex Learning nitong Mayo 30 hanggang Hunyo 3.
Sinimulan ni Britney Paderes, vice president for internal affairs ang talakayan at naniniwala siyang magiging daan ang naturang FGD upang mas mapalawak ang sakop ng mga tuntunin na ilalabas ng kanilang opisina sa kampanyang #BalikDLSU. Aniya, “[This FGD will] give direction to the USG [and] on what else can we do [in preparation for face-to-face classes.]”
Naging tagapagdaloy naman ng apat na breakout rooms sina Executive Director for Research and Development Diego Salvador, Director for Campus Welfare Jesus Rioflorido, Director for Academics Denise Gomez, at Director for Facilities and Development Gen Giron. Tinalakay sa bawat breakout room ang mga paksang may kinalaman sa Campus Access Registration System for Students (CARSys), ginanap na HyFlex Week, mga inaaasahang pagbabago sa pagbabalik face-to-face na klase, at kahandaan ng mga pasilidad at mga estudyante.
Para sa unang paksa, sinuri ng mga dumalo ang CARSys—ang kasalukuyang sistema ng pagpasok sa Pamantasan. Aminado silang madaling sundan ang nasabing sistema, gayunpaman, nabanggit na maaari pa itong mapabuti, gaya ng pagkakaroon ng opsyon na maaaring magparehistro nang maramihang araw at opsyon upang kanselahin ang rehistrasyon.
Nang tanungin ang mga dumalo kung nais pa ba nilang ipagpatuloy ang sistemang ito sa unang termino ng akademikong taon 2022-2023, mas pinili nilang huwag na itong ituloy dahil nasa direktiba nang magkakaroon ng face-to-face na klase ang mga Lasalyano. Bilang karagdagan, itinaas ang isang suhestiyon ukol sa isahang pagpasa ng kopya ng vaccination card sa University Clinic tuwing enlistment.
Bukod pa rito, hinimok din ng isang dumalo sa talakayan ang pagkakaroon ng skeletal workforce sa lahat ng opisina sa Pamantasan, katulad ng cashier, admission, clinic, at registrar. Binanggit ito upang mayroong mapagtatanungan ang mga estudyante, lalo na ang mga ID 120, ID 121, at paparating na ID 122 na hindi pa nakatatapak sa loob ng DLSU.
Sa pagsasagawa ng face-to-face na klase sa unang termino, inaaasahan ng mga dumalo sa FGD ang pagbubukas ng mga food stall sa loob at labas ng Pamantasan, pati na rin ang pagkakaroon ng mga kagamitan sa lahat ng gusali na kasalukuyang kinukumpuni. Saad ng isang dumalo, “[Sana] gawa na ang mga buildings, since delikado [kung may construction pa rin].” Kasabay ng pagbubukas ng mga klasrum, inaaasahan din nilang maaari nang gamitin ang mga opisina ng mga organisasyon.
Higit sa mga ito, bagamat inanunsyo na nang administrasyon na tatanggalin ang No Fail Policy, iginiit ng isang dumalo na “No Fail Policy should still be in place since [nasa] transition period [tayo] or if magkaroon [ng No Fail Policy], dapat may deferment pa rin.” Inaasahan din nilang magkaroon ng oryentasyon ang administrasyon ng Pamantasan, katuwang ang USG, bago magsimula ang unang termino.
Patungkol naman sa usapin ng matrikula, bunsod ng limitasyon sa bilang ng maaaring pumasok para sa face-to-face na klase, makatuwiran para sa mga dumalo na pababain ang babayarang tuition and fees ng mga Lasalyanong pipiliing manatili sa online na moda ng pag-aaral. Anila, “Dapat magkaiba ang fees since [online] students have to catch up on their own. There is a clear gap in learning and student experience.”
Pinag-usapan din sa FGD ang kahandaan ng mga estudyante sa pagpunta sa Pamantasan, gaya ng paggamit ng pampublikong transportasyon. Bunsod ng panunumbalik ng operasyon ng Arrows Express nitong Marso 21 na may biyaheng Laguna to Manila, itinaas din ang isang suhestiyon na magkaroon ng ganitong serbisyo na may biyaheng Manila hanggang Hilagang bahagi ng National Capital Region.
Bilang kabuuan, siniguro ng USG ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng kanilang opisina sa administrasyon ng Pamantasan upang matagumpay na maisakatuparan ang pagbabalik-kampus ng mga Lasalyano sa darating na unang termino sa Setyembre.
—
PAALALA: Nakapaloob lamang sa artikulong ito ang naging talakayan sa isang breakout room na kinabilangan ng manunulat. Hindi ito sinasalamin ang buong sentimyento ng lahat ng dumalo sa FGD.