NILUNOD ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Lyceum of the Philippines (LPU) Pirates, 88-65, para maibulsa ang ikatlong panalo sa FilOil EcoOil 15th Preseason Cup, Agosto 7, sa FilOil EcoOil Center, San Juan City.
Bumida para sa koponang Green and White si Mike Phillips matapos magtala ng 14 na puntos, siyam na board, at apat na block. Hindi rin nagpahuli si Joaqui Manuel na umukit ng 12 puntos at siyam na rebound. Tumulong din si Kevin Quiambao nang humataw ng 12 puntos, apat na board, at dalawang steal.
Sa kabilang banda, pinangunahan ni Mclaude Guadaña ang Pirates na tumikada ng 19 na puntos. Kaagapay naman niyang pumuntos si John Barba matapos magtala ng 15 puntos. Pumuntos naman si Omar Larupay ng 12 puntos at pitong board.
Mainit na bumulaga ang Green Archers sa pagbubukas ng unang kwarter mula sa tirada nina Earl Abadam at M. Phillips sa loob ng arko, 5-4. Sa kabilang banda, nakabira ng iskor mula sa three-point-line si Guadaña ng LPU, 11-9. Gayunpaman, tila bumaba ang depensa ng Taft-based squad matapos pumuslit ng tres ang Pirates, 13-12.
Nagsilbing bentahe naman sa Taft-based squad ang sunod-sunod na pagbulusok nina Manuel at Kevin Quiambao upang makapagbitbit ng pitong bentahe, 19-12. Gayunpaman, napawi ang pagkakauhaw ng Lyceum nang magpakawala muli ng tres si Guadaña sa natitirang 30 segundo. Bago matapos ang unang yugto, nakabira pa nang nag-aalab na tres si Manuel, 24-15, pabor sa DLSU.
Sa pagsisimula ng ikalawang kwarter, agad nang rumatsada si Manuel at pumukol ng isang three-point shot para maiakyat sa 11 ang kanilang kalamangan, 27-16. Bukod dito, agad nagpasiklab ang Taft-based squad nang gumawa sila ng 14-5 run sa tulong nina Mark Nonoy, Quiambao, Evan Nelle, at Raven Cortez, 42-21.
Sinubukang pigilan nina Barba at Lyceum big man Shawn Umali ang pag-arangkada ng Green Archers nang maibaba nila sa 14 ang kanilang kalamangan, 42-28. Agad namang bumawi sina Ben Phillips at Earl Abadam para igapos ang nag-iinit na mga kamay ng Lyceum Pirates, 46-31.
Umarangkada ng 4-0 run ang Green and White squad sa pangunguna ni M. Phillips, 50-31. Tila nagtuloy-tuloy pa ang momentum ng Green Archers matapos tumikada ng tres ang DLSU, dahilan upang iangat ang kanilang bentahe sa anim. Sinubukang ibangon ni Lorenzo Navarro ang kaniyang koponan mula sa labas ng arko ngunit agad itong sinagot ng jumper ni M. Phillips, 59-40.
Matapos ang mintis na free throws ng LPU, tila nagpakawala ng bagsik si Quiambao matapos tumudla ng sunod-sunod na puntos, 63-42. Nakapuslit pa ng isang fastbreak si Guadaña mula sa turnover ni Nonoy, 63-44. Tila naging puhunan naman nina Manuel at Bright Nwankwo ang free throws sa natitirang segundo upang bumitbit ng 25 puntos na kalamangan sa ikatlong yugto, 73-48.
Sa pagsisimula ng ikaapat na kwarter, agad gumawa ng dalawang magkasunod na tres si Guadaña para mabuhayan ang mga taga-Intramuros, 73-54. Sa kabila nito, agad sinagot nina Isaiah Blanco, Cortez, at Abadam ang DLSU matapos pangunahan ang momentum ng LPU, 80-56.
Gayunpaman, hindi nagpatinag ang LPU nang pumukol si Raphael Garro ng isang three-point jumper. Bunsod nito, sumigla ang Intramuros-based squad, 82-61. Hindi nagpatinag ang Green Archer nang pinahigpit ang depensa at gumawa ng apat na magkakasunod na free throw sina Blanco at Aaron Buensalida para hindi na makahabol pa ang Lyceum. Sa huli, tinapos ni Cortez ang laban sa iskor na 88-65.
Pinaghandaan naman ng DLSU ang kanilang laban kontra LPU dahil sa mga tinalo nitong koponan sa torneo. “As I told the boys, we cannot take LPU lightly. This team has beaten two UAAP teams namely FEU and UST so we cannot just give them the easy basket,” sambit ni DLSU coach Derrick Pumaren sa kaniyang postgame interview.
Subaybayan ang muling pag-alagwa ng Green Archers kontra Jose Rizal University (JRU) Heavy Bombers sa darating na Huwebes, Agosto 11, sa ganap na ika-5 ng hapon.
Mga iskor
DLSU 88: M. Phillips 14, Quiambao 12, Manuel 12, Cortez 10, B. Phillips 10, Abadam 6, Blanco 5, Nelle 5, Escandor 5, Nwankwo 5, Buensalida 2, Nonoy 2
LPU 65: Guadana 19, Barba 15, Larupay 12, Montano 6, Navarro 5, Bravo 3, Garro, Umali 2
Quarterscores: 24-15, 46-31, 73-48, 88-65