KOMPLETONG DOMINASYON ang ipinamalas ng De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra Colegio de San Juan de Letran (CSJL) Knights, 90-54, sa huling laban nito sa Group B elimination round ng FilOil EcoOil 15th Preseason Cup kahapon, Agosto 20, sa FilOil EcoOil Center, San Juan City.
Dugo at pawis ang inialay ni Joaqui Manuel sa naturang sagupaan matapos mamayani sa scoring department ng DLSU tangan ang 15 puntos. Hindi rin nagpahuli ang umaalab na mga galamay ni CJ Austria matapos magsalaksak ng 13 marker at limang assist.
Bitbit ang hangaring mapasakamay ang malinis na kartada sa eliminasyon, nagsilbing sandata at kalasag ng DLSU Green Archers si Evan Nelle na nagbigay-daan sa pagkatambak ng talaan ng katunggali. Kaakibat nito, kinarga ng dekalibreng atleta ang parehong opensa at depensa ng koponan matapos magsamsam ng 12 puntos, limang rebound, at anim na assist.
Sa kabilang banda, buong tapang na sinubukang dungisan ni King Caralipio ang talaan ng DLSU matapos sumibat ng 12 points at pitong rebound. Inalalayan din nina Kurt Reyson at Neil Guarino ang kanilang best scorer matapos makalikom ng pinagsamang 21 puntos.
Sa pagbubukas ng unang kwarter, umariba kaagad si Mike Phillips matapos pumuntos mula sa charity stripe na sinamahan pa ng tres ni Nelle sa ika-8:45 ng bakbakan, 6-2. Mula rito, tila pinanghinaan na ng loob ang CSJL matapos maghingalo ang opensa at depensa nito laban sa nagliliyab na mga palad ni Nelle mula sa labas ng arko, 18-6. Bagamat sinubukang makahabol ng CSJL sa pagpuntos, tinuldukan na nina Kevin Quiambao at Manuel ang unang yugto, 30-15.
Pagdako ng ikalawang kwarter, sinubukang pumiglas nina Caralipio at Reyson mula sa pagkalugmok sa mababang talaan matapos itudla ang kanilang mga layup, 30-19. Gayunpaman, nagsilbing tanglaw ng DLSU ang pagresbak ni Manuel nang patahimikin ang imik ng bawat katunggali matapos magsalaksak ng walong puntos, 43-21. Sa huli, sinagot ng clutch plays nina Guarino at Reyson ang kinang ng laro ni Manuel ngunit hindi ito sapat upang habulin ang kalamangan ng DLSU, 49-30.
Buhat ng kanilang naghihingalong opensa ng katunggali, madaling pinalobo ng DLSU ang kanilang kalamangan sa 27 sa ikatlong kwarter, 72-45. Sunod nito, tila lalo pang nabaon sa kumunoy ang kampanya ng CSJL matapos silang hatulan ng tatlong unsportsmanlike fouls sa huling kwarter.
Kaugnay nito, nagsilbing tulay ang mga mintis na tirada ng Intramuros-based squad at malapader na depensa ng DLSU upang mapasakamay ang pinakamalaking kalamangan sa laro na 37 sa huling 1:13 minuto, 90-53. Sa huli, isang free throw lamang ang naipundar ng CSJL at tuluyan nang tinuldukan ng Taft-based squad ang pag-asa ng katunggali na dungisan ang kanilang panalo-talo kartada, 90-54.
Pinagtutuunang-pansin muna ni coach Derrick Pumaren ang pagpapahinga para sa mga susunod pang laro ng Green Archers. “Well I think Letran didn’t have a full lineup today. . . so we had the advantage; we took the advantage of it ‘no? We did like these games, and we just have to rest some of our players, give them sa minutes para at least we did something today. We’ll have the finals game tomorrow sa [PBA D-League],” giit ng DLSU Green Archers head coach.
Maliban sa kanilang paghahanda para sa finals ng PBA D-League, hangad din ni Pumaren na magpunyagi sa kanilang laban sa FilOil quarterfinals kontra College of St. Benilde (CSB) Blazers. “We just have to be ready to play number four [CSB] so we just have to be ready play Benilde on Tuesday. So, we just have to be ready for that. And as I’ve said the 6-0 [record] is nothing if you’re not gonna take care of business on Tuesday against St. Benilde,” dagdag pa ni Pumaren.
Abangan ang tapatan ng DLSU Green Archers at CSB Blazers sa quarterfinals sa darating na Martes, Agosto 23, sa ganap na ika-5 ng hapon sa parehong venue.
Mga Iskor:
DLSU 90 – Manuel 15, Austria 13, Nelle 12, Quiambao 11, M Phillips 8, Buensalida 7, Cortez 7, Nwankwo 4, B Phillips 3, Montecillo 3, Estacio 3, Galman 2, Escandor 2
CSJL 54 – Caralipio 12, Reyson 11, Guarino 10, Yu 6, Bataller 6, Go 5, Ariar 2, Lantaya 2
Quarterscores – 30-15, 49-30, 72-45, 90-54