Hubad na katotohanan: Pagsisid sa mundo ng isang porn translator

Dibuho ni Jilliane Ocampo

Hagikgik at halakhak ang madalas na binibitaw na reaksyon sa tuwing dumadako ang usapan sa kalibugan at mga sensuwal na paksa. Tila hindi mapigilan ang pagbungingis sa tuwing nagbabaga na ang mga usapin—nangingilabot pa rin at nahihiya kapag binubuksan na ang paksang matagal nang bumubusal sa ating mga labi. 

Subalit sa tuwing nag-iinit na ang laman, lumalayag na ang bawat sentido sa mundo ng pantasya—mundong may balot ng kahihiyan ngunit patuloy na pinupuntahan. Pilit na pinipigilan ang sarili pero walang katumbas ang ligaya sa tuwing nagpapalipas ng libog. Hinuhubuan na ang sarili, binubuka na ang biyas at naglalakbay na tungo sa lugar na mag-isang tinatahak ngunit hindi nararamdaman ang lumabay. 

May mga pagkakataong hindi bumabatid sa ating isipan ang paghadlang ng wika sa tuwing nadadala na sa maiinit na eksena; subalit nararapat nating bigyang-pagpupugay ang mga tagapagsalin ng pornograpiyang banyaga. Sila ang nagsilbing tulay tungo sa pag-abot ng rurok ng kapusukan.

Tulay tungo sa kahalayan 

Isa si Mark* sa mga nagsilbing tulay para sa mga nais maglakbay sa mundo ng kahalayan at pantasya. Isa siyang tagapagsalin at tagapaglagay ng subtitles sa wikang Ingles ng pornograpiyang Hapon, isang trabahong hati ang opinyon ng nakararami. Dahil sa kaniyang trabaho, kaniyang natunghayan ang malawak na industriyang ito. 

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Mark, inamin niyang nagdadalawang-isip siya sa pagbanggit ng kaniyang hanapbuhay sa iba. Mas pinipili niyang maging tuwiran na lamang sa pagsagot na tagapagsalin lamang siya, subalit minsan, pinakikiramdaman niya rin kung bukas ba ang isipan ng kaniyang kausap bago niya ilahad ang buong detalye nito. Pagsasaad niya, “[Hindi] ko nasasabi na nagta-translate ako ng porn pero sinasabi [kong] nagta-translate ako ng mga video content at mga legal [na] dokumento kasi siyempre nakakahiya.” Marangal man ang tingin ni Mark sa kaniyang trabaho, hindi pa rin nawawala sa kaniya ang hiya at pag-aalinlangan sa tuwing pinag-uusapan ito at binabanggit sa iba.

Sa kabila nito, mas pinili ni Mark na pagtuunan ng pansin ang positibong kontribusyon ng pagsasalin ng pornograpiya sa ating lipunan. Malaswa man ang tingin ng iba sa kaniyang trabaho, naniniwala siyang marangal ito dahil nararapat nang kilalanin ang industriya dahil marami nang propesyonal na natratrabaho rito, gayundin ang mga taong kumokonsumo ng kanilang mga likha. “Feel ko naman na marangal ang aking trabaho dahil nagta-translate ako ng medium at napaka-importante [nito] sa kasalukuyang globalized age,” sambit niya.

Magkakaiba man ang tingin ng madla ukol sa industriya ng pornograpiya, nais ilahad ni Mark na nararapat nang maging bukas ang lipunan sa usaping ito. Makatutulong ang pag-usbong ng mga diyalogo ukol sa paksang ito tungo sa pagpapaigting ng proteksyon para sa mga kasangkot sa industriya. Aniya, “Some people just refuse to talk about it, you know ‘cause it’s porn pero ‘yun nga because of that neglect of the public, even government, the neglect to talk about and face issues regarding porn. . . [creates] a bad side of  the porn industry, especially, lalo na kung ‘yung porn involved d’yan illegal.” 

Mataas man ang sahod, nararapat isaalang-alang ang epekto nito sa kalusugan at pag-iisip. Bagamat naniniwala siyang mataas ang kaniyang kontrol sa sarili, aminado si Mark na napansin niyang nakaaapekto sa kaniyang sex life ang kaniyang trabaho bilang isang porn translator—naging mas mapili siya sa kaniyang pinanonood at mga katalik. “You’re gonna be scared na baka hindi ka na ma-turn on because in reality the more you watch it the more na mawawalan ‘yung sexual drive mo, in my opinion. And also some part of me is becoming more picky when it comes to porn na I guess it might affect my preferences in that matter,” paglalahad niya. 


Pagbaklas sa hiyang nakapalupot sa industriya

Napakalawak na talaga ng saklaw ng pagsasalin ng wika—umaabot na ito sa industriyang minsan lamang bumatid sa ating isipan. Marami man ang sumasalungat sa opinyon ng mga trabahador sa mundo ng pornograpiya, nararapat na isiping maraming mawawalan ng trabaho sakaling tuluyang baklasin ang industriyang ito. Batid sa realidad na malabong mawawakasan ang trabahong ito, kaya’t nararapat na maging mapanuri at maalam ang mga kumokonsumo pagdating sa etikal na pagsuporta nito. 

Hindi na rin mawawala ang halakhak sa tuwing pinag-uusapan ang ganitong mga bagay; subalit nararapat pa ring ipagpatuloy ang usapin kahit na matabunan ito ng malalakas na tawa. Sa paraang ito natin matutuldukan ang hiyang nakapalupot sa usaping ito gayundin ang ilegal na kagawian sa industriyang ng pornograpiya. 

Payo ni Mark sa mga nais pumasok sa larangan na ito na pag-isipan muna nang maigi at alamin kung hanggang saan ang iyong makakaya. Maging propesyonal at pahalagahan ang pagiging isa sa iyong sariling pag-iisip.