SANDIWA: Legasiya ng paglaban sa diktadurya, ginunita sa ika-50 anibersaryo ng Martial Law

Likha ni Edison Guevarra at kuha ni Margarita Cortez

SINARIWA sa Bantayog ng mga Bayani ang legasiya ng pagpupukaw, pag-oorganisa, at pakikibaka ng mga biktima na minsang nagpumiglas para sa pambansang demokrasya laban sa Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, 50 taon matapos ipanukala ito, Setyembre 10. Ibinahagi ng mga biktima ng Martial Law ang kanilang malupit na kinasapitan sa kamay ng diktador upang lansagin ang makinaryang disimpormasyon na nagbabantang baluktutin ang kasaysayan, higit pa ngayong sumasailalim muli ang bansa sa isa na namang rehimeng Marcos.

Pinangunahan ng SANDIWA Network Advocates for National Minority Rights ang naturang programa na may layong ilantad ang pasistang katangian ng rehimeng Marcos at itakwil ang panunumbalik nito sa kapangyarihan. Inilunsad din dito ang Paaralang Randy Malayao, isang alternatibong paaralan na hangad palalimin at ibahagi ang mga usaping pangkapayapaan at katarungan sa lipunan. Nakalinya ang mga usaping ito sa paninindigan ni Randy Malayao, isang peace advocate na biktima ng karahasan ng estado. Sininsin sa mga pagtatanghal at talumpati ang paniningil ng taumbayan ng hustisya sa mga nalabag na karapatang pantao ng diktadurya noong Martial Law.

Pinunit na pahina

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Euphemia Cullamat, miyembro ng SANDIWA, ibinahagi niya na batay sa pag-unawa ng mga katutubo, si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang pangunahing nagbenta sa kanilang mga ninunong lupa. Ayon sa mga katutubo, pinanghihimasukan ng mga dayuhang kapitalista ang kanilang mga komunidad sa pamamagitan ng militarisasyon upang makapagmina sa kanilang lupang ninuno. Sa mahabang panahon, dinanas ng mga katutubong komunidad ang karahasang kakambal ng pandarambong sa kanilang lupa.

“Kung gaano man katindi ang pandarahas sa amin [mga katutubo] noon sa mga nagdaang presidente, aasahan namin na ito ay magtutuloy-tuloy sa kasalukuyan,” giit ni Cullamat sa kaniyang panayam sa APP. Inilantad niya ang kawalan ng konkretong plano hinggil sa kinahaharap na suliranin ng mga katutubo sa loob ng 100 araw na panunungkulan ng administrasyong Marcos-Duterte.

Tinatanganan ng mga katutubo ang katotohanan sa kanilang kasaysayan ng paglaban at paninindigan upang depensahan ang kanilang mga lupang ninuno. Bunsod nito, binubukbok ng misimpormasyon ang salaysay ng karanasan ng mga katutubo sa ilalim ng rehimeng Marcos. Kinakasangkapan ang misimpormasyon upang lumikha ng hungkag na paratang at ilagay sa panganib ang mga katutubo.

Ani Cullamat, “. . . yung red-tagging, hindi ‘yan red-tagging na ano lang mabasa mo, marinig mo, kundi mangyayari talaga sa amin. Kapag ang aming mga miyembro o lider ay narered-tag, ay dudulot talaga ‘yan sa pagpatay.”

Nakaranas ng mahabang kasaysayan ng paglaban ang mga katutubong grupo upang buong-tapang na pumiglas laban sa mga nais kumamkam ng yaman ng kanilang lupang ninuno. Gayunpaman, hindi nila pagsisinungalingan ang danas ng mga katutubong komunidad at patuloy na tatanganan ang katotohanan sa kanilang paninindigan.

Sundalong-pluma

Nagbabadyang maulit ang pamamasistang dinanas sa ilalim ng Batas Militar kaya mahalaga para sa kabataan sa kasalukuyan na halawin ang mga leksiyong nakalimbag sa mga pahina ng kasaysayan. Ibinahagi ni Kat Dalon, kabataaan mula sa katutubong Manobo, na malaki ang pagpapahalaga ng mga Lumad sa kasaysayan. Sa katunayan, pinag-aaralan ng mga katutubong kabataan ang kasaysayan ng pagtindig ng kanilang mga ninuno bilang bahagi ng kurikulum ng mga paaralang Lumad. 

“Hindi natin naabutan ang Martial Law pero pag naririnig natin o nababasa natin yung kwento [yung kasaysayan tungkol sa Martial Law] parang masakit rin siya. . . kasi parang sa kasalukuyan, nangyayari rin siya. . . magkabilaan na parang iniluwal ulit ang Martial Law,” ani Dalon sa kaniyang pahayag sa APP. Pinunto niya na hindi madali ang naging buhay ng parehong biktima at ordinaryong mamamayan sa ilalim ng Martial Law kaya nararapat lamang na pagpugayan sila at kondenahin ang pamamasista ng diktador.

Dagdag pa ni Dalon, hinihikayat nila ang mga mulat na kabataang dumugtong sa iba pang kabataan nang mahinahong ipaintindi sa kanila bakit marahas ang estado at bakit umiiral ang pasismo. Bunsod nito, mahalaga na hamigin ang mga mulat at ang mapapamulat na mga kabataan sa ilalim ng mga makabayan at pang-masang organisasyon. Mula rito, pagtatagumpayan ng bubuuing malawak na puwersa ng mamamayan ang pagtatakwil sa nagbabadyang diktaturya. 

Sa kabilang banda, sinang-ayunan naman ni Kim Falyao, kabataang mula sa Cordillera, ang ideyang pagpapamulat sa mga kabataan. Pilit na binubura ng estado sa kasalukuyan ang kasaysayan sapagkat taglay ng mga mamamayan ang kapangyarihang imulat ang kabataan sa mga pinagdaanan ng nakaraang henerasyong nabuhay sa ilalim ng Batas Militar. Bunsod nito, sinambit din ni Falyao na kinakailangang labanan ang makinaryang disimpormasyon at distorsyon sa kasaysayan na layong burahin ang mga naratibo ng paglabang nagpatalsik sa diktador.

Mahalagang malaman ng kabataan ang gampanin nila sa lipunan bilang tagapagmana ng pakikibaka ng naunang henerasyon sapagkat sila ang magpapatuloy sa nilikhang kasaysayan ng ubos-kayang pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng mga martir at bayani ng ating bayan. Kung may ipinasang herensya ng diktadurya si Ferdinand Sr. kay Ferdinand Jr., salinlahi rin ang magiging legasiya ng pakikibaka ng sambayanan upang itakwil ang pamamasista at patalsikin ang tiraniya ng mga naghahari-harian.