CONIC at USG, binigyang-halaga ang pag-alpas ng Pamantasan mula sa resulta ng nakaraang halalan 2022

Likha ni Elisa Kyle Lim | Mga larawan mula Edukasyon.ph, South China Morning, at PNGItem

PATULOY NA NANININDIGAN ang pamayanang Lasalyano sa kabila ng pagsasapormal ng resulta ng nagdaang Halalan 2022 sa tulong ng iba’t ibang plataporma at programang inilatag ng Pamantasan. 

Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel ang iba’t ibang tanggapan ng Pamantasang De La Salle (DLSU) upang alamin ang reaksyon, panawagan, at hakbang ng kanilang opisina hinggil sa resulta ng nagdaang Pambansang Halalan. Kabilang dito sina Dr. Jazmin Llana, tagapangulo ng DLSU Committee on National Issues and Concerns (CONIC) at Lara Jomalesa, vice president for external affairs ng DLSU University Student Government (USG). 

Lasalyan ong tugon

Nagpahayag ng pagkadismaya sina Llana at Jomalesa matapos ianunsyo ang resulta ng Halalan 2022. Ayon sa kanila, magkakahalong takot, kaba, at galit ang naramdaman ng kanilang opisina. “Hindi namin alam bakit ‘yun pa rin ang naging resulta despite the efforts that we made,” pahayag ni Jomalesa.

Gayunpaman, ibinahagi ni Jomalesa na nagsilbing motibasyon ang kanilang naging karanasan upang patuloy na protektahan at ipagtanggol ang tunay na kasaysayan ng bansa upang hindi na maulit ang mga pang-aabuso sa karapatang pantao. 

Napagtanto rin ng kanilang mga opisina ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang komunidad upang maibahagi sa mga mamamayan nito ang mga totoong nangyari sa kasaysayan. Nakatulong din ito sa pag-unawa ng mga sentimyento at saloobin ng mga botante upang malaman ang dahilan at batayan ng kanilang pagboto.

Nilinaw naman ni Jomalesa na patuloy pa ring naninindigan ang USG sa kanilang pahayag na “No Classes Under a Marcos Presidency” na inilabas noong Mayo. “I believe the USG really stands firm on the belief that an administration built on misinformation, historical revisionism, ill-gotten wealth is not one we really supported,” paglalahad ni Jomalesa.

Muli ring binalikan nina Jomalesa at Llana ang mga inilatag nilang programa sa nagdaang Halalan. Kabilang sa mga naturang programa ang Boto Lasalyano, Sulong Pilipino na nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga Lasalyano sa pamamagitan ng pagpapalabas ng serye na nakatuon sa eleksyon at demokrasya ng bansa.

Naniniwala si Llana na naging sapat ang mga inisyatibang ito sapagkat sinalamin nito ang naging resulta ng mock elections ng mga Lasalyano. Ngunit aniya, kinakailangan pa ring pagtuunang-pansin ang pangkalahatang resulta ng halalan sapagkat salungat ito sa ipinakitang boto ng mga Lasalyano.

Ayon naman kay Jomalesa, “I really believe [na] ‘yung mga initiatives namin for the election was something na sapat sa amin. Pero siyempre, marami pa ang magagawa at the end of the day.”

Pagpuksa sa disimpormasyon

Ipinagpatuloy naman ng CONIC at USG ang kani-kanilang mga programa matapos ang Halalan. Inimbitahan ng USG ang iba’t ibang personalidad at mamamahayag upang talakayin ang paglaganap ng maling impormasyon sa bansa sa programang Does the Truth Set Us Free? 

“I think it was really one of the steps for us to acknowledge na it is really rampant and hindi natin ma-a-avoid yung mga nangyayari doon. But one thing that we can ensure is that. . . for students to realize na ang dami pa nating magagawa as a collective body to fight disinformation and misinformation,” ani Jomalesa.

Naglabas din ng Martial Law Elective Interest Check Survey ang DLSU USG nitong Agosto 12, upang alamin ang pulso ng mga Lasalyano hinggil sa pagbubukas ng kursong nakasentro sa Batas Militar. Ayon kay Jomalesa, naging inspirasyon nila ang mga kaibigan nila mula sa University of the Philippines para sa hakbanging ito. 

Ayon pa kay Jomalesa, ito na ang panahon upang magkaroon ng ganitong uri ng kurso ang lahat ng institusyong pang-akademiya upang mapalalim ang kaalaman at kamalayan ng mga estudyante sa katotohanan sa likod ng kasaysayang pilit na binabaluktot ng mga nasa kapangyarihan. Dagdag naman ni Llana, ipagpapatuloy ng kanilang opisina ang voter education, education on critical citizenship, at paglaban sa disimpormasyon at maling impormasyon. 

Kasabay nito, isinusulong din ng USG ang Martial Law Permanent Exhibit. “They [mga estudyanteng Lasalyano] could partake and see as well ‘yung mga artifacts or lives na hindi pa nakikita before and baka ma-realize nila na hindi talaga tama ‘yung mga nangyayari before and [it is] something we should not let happen again during our time,” pagbabahagi ni Jomalesa sa kahalagahan ng exhibit.

Pagpapahalaga sa kalayaan

Hinihikayat naman ni Jomalesa ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga hinaing dahil bahagi ito ng kanilang mga karapatan. Dagdag pa niya, ikinatutuwa ng USG at ng administrasyon ng Pamantasan ang bilang ng mga estudyanteng nagpahayag ng kanilang saloobin sa gobyerno at sa lipunan.

Ibinahagi nina Llana at Jomalesa na nakipag-ugnayan ang kanilang opisina sa DLSU College of Law upang makagawa ng mga pormal na pamamaraan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyanteng Lasalyano. Kasabay nito, pinagtutuunan din ng kanilang opisina ang paggawa ng pinakamadaling paraan upang mag-ulat ng kaso ng red-tagging, sakaling makaranas ang mga Lasalyano nito.

Hinihikayat ni Llana ang mga Lasalyano na manalangin, umibig sa bayan at kapwa, at magkapitbisig upang malampasan nila ang mga susunod na taon sa ilalim ng bagong administrasyon. Dagdag pa niya, “Palakasin natin ang hanay natin at maging lakas tayo para sa isa’t isa, sa lahat ng antas mula sa mga praktikal na gawain hanggang sa antas emosyonal at sikolohikal.”