TULUYAN NANG NAISAKATUPARAN ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang Summer Term sa akademikong taon 2021-2022 para sa mga estudyanteng nais mabawasan ang kanilang mga yunit, may withdrawn course, o malapit nang magtapos, ayon sa inilabas na Help Desk Announcement ng Office of the President noong Pebrero 7.
Kaugnay nito, inalam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang saloobin at karansan ng mga estudyanteng Lasalyano ukol sa paglulunsad ng Summer Term.
Pagdagdag ng opsyonal na termino
Matatandaang nagkaroon ng malawakang deliberasyon hinggil sa pagbuo ng pang-akademiyang kalendaryo ng DLSU simula akademikong taon 2020-2021 dulot ng mga suspensiyong kaakibat ng pandemya. Dahil dito, nagpanukala ng dalawang bersyon ng akademikong kalendaryo ang Academics Council ng Pamantasan at nagsagawa naman ng sarbey ang University Student Government (USG) upang malaman ang antas ng kagustuhan ng mga estudyante sa pagsasagawa nito.
Matapos ang deliberasyon ng administrasyon ng Pamantasan, ipinanukala nila sa unang opsyon ang pagtanggal sa ikatlong termino ng akademikong taon 2021-2022 na nagresulta sa pagbuo ng recalibrated calendar. Nakapaloob naman sa pangalawang opsyon ang mas maikling term break at kaunting pagbabago lamang sa kasalukuyang akademikong kalendaryo.
Mula sa sarbey ng USG, lumamang ang unang opsyon ng pang-akademiyang kalendaryo. Alinsunod dito, nagsagawa rin ng University Town Hall Session ang Pamantasan upang ipabatid ang mga pagbabagong isasagawa sa pang-akademiyang kalendaryo.
Itinakda sa bagong kalendaryo ang walong linggong term break na magtatagal mula Hulyo 10 hanggang Setyembre 4. Binigyang-daan ng mas mahabang bakasyon ang pagtugma ng katapusan ng akademikong kalendaryo ng Pamantasan sa pagsisimula ng klase sa iba’t ibang eskwelahan ng abogasya at medisina.
Inihandog naman ang Summer Term sa akademikong taon 2021-2022 bilang isang opsyonal na termino para sa mga Lasalyano na nagtagal mula Hulyo 20 hanggang Agosto 27. Binuo ito ng anim na linggo at may iskedyul na Lunes, Miyerkules, at Biyernes o Martes, Huwebes, at Sabado.
Ibinigay rin ang pagkakataong kumuha ng 12 yunit para sa mga estudyanteng nalalapit nang magtapos sa kanilang programa. Samantala, anim na yunit lamang ang nakalaan para sa mga estudyanteng hindi pa magsisipagtapos. Ipinagpatuloy pa rin ang no fail policy ng Pamantasan at bahagi pa rin ng CGPA ang mga gradong makukuha para sa nasabing termino, ngunit walang dean’s list checking at ineligibility para sa termino.
Kinakailangang namang kumuha ng Summer Term ang mga nasa programang BS Human Biology kahit na ipinahayag na opsyonal ang pagkuha ng naturang termino. Mayroong espesyal na mga block iskedyul ang mga estudyante mula sa naturang programa para sa ikalawang termino at Summer Term ng akademikong taon 2021-2022 upang maiakma ang kanilang pagpasok sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute (DLSMHSI).
Ilang paglilinaw sa Town Hall Session ang tungkol sa scholarship, shifting, at practicum, on-the-job training, at thesis. Kaugnay nito, maaaring gamitin ang scholarship ng mga university scholar para sa Summer Term, hindi maproproseso ang mga aplikasyon ng pag-shift sa kabuuan ng termino, at papayagang kumuha ng practicum, on-the-job training, at thesis ang mga estudyante sa Summer Term.
Karanasan sa Summer Term
Sa naging panayam ng APP sa ilang estudyante, ibinahagi nila ang kanilang opinyon sa pagsasagawa ng Summer Term.
Inilahad ni Callia Rostrata, ID 120 ng kursong BS Premed Physics, na kumuha siya ng Summer Term dahil kailangan niyang maghabol ng mga yunit bilang isang shiftee. Pahayag niya, “Sa pag-enroll sa Summer Term, mas malaki ang probabilidad [na] hindi ako mag-extend ng isa o dalawang termino sa Pamantasan.”
Para naman kanila Jan Daniel Ng, ID 120 ng kursong BS Information Technology, at Xyrelle Tejoso, ID 119 ng kursong BS Accountancy, nakatulong ang Summer Term upang mabawasan ang mga yunit na kanilang kukunin sa susunod na mga termino. Samantala, inihayag ni Paulo Carreon, ID 121 ng kursong BS Human Biology, na kinailangang mag-enroll sa Summer Term ang mga estudyante mula sa kaniyang kurso upang hindi madelay ang kanilang pagpasok sa DLSMHSI.
Binigyang-pansin naman ni Carreon na isang malaking suliranin ang mabilis na pagkapagod at pagkaburnout dahil sa bigat ng mga kurso at iskedyul na ibinigay sa kanila. Inilahad niyang napansin din niya ito sa iba niyang mga kaklase.
Isinaad naman ng mga estudyante na naging mahirap ang maikling iskedyul na nakalaan para sa termino dahil kaunti rin lamang ang oras sa pagitan ng mga pagsusulit at takdang-aralin at posibleng mapagsabay ang mga ito. Dagdag pa ni Rostrata, “ . . . Wala [nang] oras para sa pahinga or ‘me’ time. Dahil dito ay mas mabilis [din] makaranas ng burnout ang mga estudyante.”
Kaugnay nito, ibinahagi ni Tejoso na hindi sapat ang inilaang oras para sa pagtutupad ng Summer Term. Paliwanag niya, maaari pa itong pahabain para maiwasan ang burnout, lalo na para sa mga estudyanteng kumuha ng full load. Naniniwala rin si Rostrata na hindi sapat ang walong linggo. Subalit, nag-aalala siyang kukulangin ang term break para sa mga kumuha ng termino sakaling habaan pa ito.
Inilahad nina Ng at Rostrata na mas nanaisin nilang hindi na isagawa muli ang Summer Term dahil mas mabuti na lamang na magkaroon ng regular na termino kaysa rito. Ani Ng, “ . . . May ibang mga klase na mabigat talaga ang requirements kaya mas mahihirapan ang mga [estudyante] kapag [masyadong] siksik ang mga kailangan gawin.”
Sa kabilang banda, nais naman nina Carreon at Tejoso na maisagawa muli ang Summer Term dahil maganda ito para sa mga estudyanteng magtatapos at naghahabol ng mga yunit. Dagdag pa rito, ibinahagi ni Carreon na malaking tulong ang termino kung gugustuhing makapagtapos kaagad sa kolehiyo ang isang estudyante o may binagsak na kurso.
Subalit, ipinunto rin ni Carreon na hindi niya ito mairerekomenda para sa mga kapwa niyang kumukuha ng BS Human Biology, lalo na kung magiging pareho lamang ang sistema sa susunod na Summer Term. Giit ni Carreon, “In our case na Human Bio, I would not recommend it. . . if ganito pa rin ang sistema ng Summer Term namin. It’s not healthy, kumbaga it is unnecessary strain sa amin.”