Matutulog nang kabado at gigising na aligaga—mistulang hindi mapakali ang puso’t diwang nananabik para sa parating na okasyon. Habang nilalakbay ang daan patungo sa bulwagan, hindi na mabilang ang paulit-ulit na pagbusisi sa mga kailangang dalhin—tiket, powerbank, selpon, at pamasahe pauwi. Pagdating sa lugar ng pagtatanghalan, bubungad sa bawat sentido ang pagdagsa ng mga kapwa panatikong naghahanapan sa isa’t isa. Hindi rin mawawala ang mga panatikong nakasuot ng mga kakaibang damit at ornamentong pambuhok na nagdadagdag-kulay sa tila kanbas na lugar.
Sa pagsapit ng dapithapon, mag-uunahan na ang lahat sa pagpila. Agad-agad namang mapapalitan ang madilim na koliseo ng nakasisilaw na mga ilaw, naglalakasang musika, at nakabibinging palahaw mula sa mga panatikong nagpupuyos ang puso dahil sa pagmamahal. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, humupa ang mga boses at biglaang napundi ang dating nagniningning na entablado. Sa pansamantalang pagpapatigil sa mga harap-harapang konsiyerto dahil sa banta ng COVID-19, nawalan ng ningning ang mga mata ng mga panatikong nagnanais na makitang muli ang kanilang mga idolo sa personal.
Simula ng suporta
Maraming panatiko ang dumadalo sa mga konsiyerto para makita at mapanood ang kanilang mga idolo. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi nina Nika Guerrero at Patricia Yap ang kanilang mga karanasan bilang mga panatiko. Ayon kay Guerrero naging bahagi siya ng fandom ng K-pop boy group na SEVENTEEN dahil sa kanilang musika at personalidad. Katulad ni Guerrero, sumusubaybay rin si Yap sa K-pop girl group na Red Velvet mula noong 2019. Aniya, “I would say that their music brought me happiness, especially on days where I really wanted to do nothing, but listen to their songs.”
Nakadalo na rin sa tatlong konsiyerto si Guerrero sa loob ng limang taon niyang pagtangkilik sa grupo. “Masayang-masaya ako [noong mga] araw na iyon,” pagbabahagi niya. Simula noon, madalas na niyang inaabangan ang mga konsiyerto ng kaniyang mga iniidolo at kasama rin ito sa pinag-iipunan niya.
Higit sa musika, gamit, at aliw ang natatanggap nina Yap at Guerrero sa pagtangkilik sa kanilang mga idolo. Nagkaroon din sila ng pagkakataong makilala at makasalamuha ang iba’t ibang tao na dahilan upang makabuo ng pagkakaibigan. Dagdag pa ni Yap, “[They] taught me valuable lessons, along with giving me great music to listen to.” Hindi lang mga kanta at mamahaling produkto ang nakukuha nila sa pagiging panatiko, kundi pati na rin ang mga relasyong maaaring tumagal at mga aral na hindi malilimutan.
Ang mundo ng panatiko
Sa paglabas ng mga iniidolo sa entablado ng concert grounds, tila lumalabas din ang kaluluwa ng kanilang tagasuporta dahil sa lakas ng kanilang mga hiyaw. Hindi maikakaila ang mabilis na pagbugso ng damdamin, lalo na sa panahon ng mga konsiyerto; masisilayan ang pagsabog ng naipong emosyon sa kanilang pagkaway—para bang naabot ng mga kamay ang alapaap. Ngunit sa pansamantalang paglaho ng mga konsiyerto, abot-tanaw na lamang muna ang alapaap. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang simbuyo ng paghanga nilang mga panatiko sa kanilang iniidolo. Ibinahagi ni Guerrero na, ”. . . Marami namang ibang paraan upang magbigay o magpakita ng suporta sa taong iniidolo, katulad ng panonood ng music videos, pakikinig sa mga kanta nila o panonood ng mga variety shows nila.”
Ngayong unti-unti nang bumabalik sa normal ang lagay ng bansa, nagbabalik muli ang mga konsiyerto na matagal nang hinihintay ng mga tagasuporta. Sa kasamaang palad, tumaas din ang presyo ng mga tiket nang libo-libo para sa mga harap-harapang konsiyerto. Para sa ilang estudyante, tulad nina Guerrero at Yap, kanilang iniipon mula sa allowance ang kanilang pambili ng mga tiket. Bagamat naiintindihan ang pagtaas ng presyo nito, hinihiling naman ni Guerrero na kung maaari, mailapat ang presyo nito sa badyet ng mga estudyante.
Sa kabila nito, ipinaaalala naman nina Guerrero at Yap na hindi sukatan ng pagiging tagasuporta ang pagdalo sa mga konsiyerto o pagbili ng mga merchandise. “Not everyone has the means to buy albums or merchandise, doesn’t have the time to stream or vote for the artists, but that doesn’t make a person less of a fan,” pagpaliwanag ni Yap. Ibinahagi rin nilang bagamat hindi sila naapektuhan ng mga taong gumagamit ng koneksyon upang makakalap ng mga tiket, naniniwala silang dapat walang pang-aabusong nagaganap, tulad ng pagbili ng maramihang tiket upang ibenta sa iba o pagpunta lamang dahil sikat ang idolo.
Liwanag sa dilim
Sa mundong ito, pantay-pantay ang lahat—walang nangunguna at walang nahuhuli. Hindi nasusukat ang pagmamahal ng isang panatiko batay sa bilang ng konsiyertong dinaluhan o biniling mga merchandise, sapagkat hindi naman isang paligsahan ang panatisismo. Payo ni Guerrero sa mga bagong panatiko, “Sa mga bagong panatiko, ‘wag niyo[ng] masyadong ilulong ang inyong sarili sa pagiging fan, gawin niyo pa ring [priyoridad] ang sarili. Sabi nga ng isang miyembro sa SEVENTEEN, parte lang sila ng buhay at hindi ang buong buhay niyo.”
Unti-unti nang kumikinang ang mga napunding pangarap na makita muli ang kanilang mga idolo. Hudyat nito ang pagbabalik ng makulay na mundo ng mga konsiyerto para sa mga panatiko. Ayos lamang na makalimutan mo ang liriko ng kanta o kung hindi ka makasabay sa koreograpiya. Tulad ng nabanggit nina Guerrero at Yap, namnamin at sulitin ang gabing iyon. Hayaan ang sariling sumabay sa agos ng damdamin. Damhin ang himig na bumabalot sa iyong hiwaga.
Lumalim na ang gabi, tila lumipas ang oras nang kaybilis. Habang nilalakbay ang daan pauwi galing sa konsiyerto, bitbit ng puso ang alaalang panghabambuhay na panghahawakan at ang mga bagong kaibigang makakasama sa mga susunod pang paglalakbay. Bagamat pagod, luhaan, at pawisan, may ngiti pa rin sa mga labi na ayaw masara dahil sa nag-uumapaw na emosyong hindi maikubli. Hanggang sa huling pagkakataon, dala-dala niya sa kaniyang pagtulog ang mga alaalang hindi matatawaran, at sa kaniyang paggising, punong-puno pa rin ang pusong hindi mapapagod para sa kaniyang idolo.