Kasado na ang patuloy na pagpapalawig ng pamahalaan ng mga proyektong makatutulong upang makasabay ang Pilipinas sa pandaigdigang transisyon tungo sa digitalisasyon. Noong 2018, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11055 o Philippine Identification System Act (PhilSys). Layon ng naturang panukala na itaguyod ang sentralisadong sistema na naglalaman ng impormasyon ng mga mamamayan sa bansa. Kaakibat nito, makatatanggap ang mga Pilipino ng Philippine national identity card (ID) at PhilSys Number na inaasahang makatutulong sa pagkukumpirma ng identidad ng isang indibidwal sa kaniyang mga pampubliko at pampribadong transaksyon.
Iniatas sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang pangunahing responsibilidad na pamunuan ang pagsasaayos sa makabagong sistema. Samu’t saring hinaing at reklamo ang hinarap ng PSA sa ilang buwang pagsasagawa ng mga proseso ukol dito, gaya ng pagpaparehistro. Malalabong retrato at paglilimbag ng maling impormasyon ang ilan sa karaniwang problema na kinahaharap ng PhilSys. Gayundin, patuloy ang panawagan ng mga rehistradong indibidwal na madaliin ang mabagal na pamamahagi ng national ID card.
Hinaing ng masa
Mula nang ilunsad ang rehistrasyon para sa PhilSys noong 2019, kaliwa’t kanang hinaing at katanungan ang nagmula sa masa na inaasahan nilang matugunan ng gobyerno. Ibinahagi ni Asti Alfonso Orencia, estudyante mula sa Pamantasang De La Salle, sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, na malaking tulong ang national ID para sa mga estudyante gaya niya na school ID lamang ang hawak bilang katunayan ng kanilang identidad. Aniya, makatutulong ang national ID sa pang-araw-araw na mga transaksyon sapagkat mahirap gamitin ang kaniyang school ID dahil sa madalas itong hindi tinatanggap ng mga establisyemento. Nasiyahan man si Orencia sa proseso ng pagpaparehistro para sa kaniyang national ID, inirereklamo pa rin niya ang mabagal na pamamahagi nito.
“Maiinis ka na lang kasi alam mo ‘yun kung tutuusin, ang dali lang naman ng proseso. Pinagmamayabang pa nga nila na kaya nila mag-produce nang mabilis. Ngunit, mag-iisang taon na, wala pa rin akong [national] ID,” sambit ni Orencia.
Pinangangambahan din ni Orencia ang posibleng pagmamanman na mangyayari dulot ng impormasyong hawak ng gobyerno sa identidad ng mga nasa PhilSys. Aniya, maaari din itong maging sanhi ang sentralisadong sistema sa lumalalang kaso ng red-tagging. Aniya, madali na lamang mag-red-tag ang gobyerno sapagkat hawak nila ang monopolisasyon sa impormasyon ng mga nakapagparehistro. Buhat nito, matindi ang naging pagnanais ni Orencia sa seguridad ng kaniyang mga pribado at personal na impormasyon.
Samakatuwid, nananawagan si Orencia na magpapatuloy lamang ang mga katanungan sa mga mamamayan hanggang walang konkretong kasagutan at garantiya na makukuha mula sa gobyerno. “May karapatan din naman kami na kuwestiyunin ito, maging kritikal. At sa panahon ngayon, importante talaga ang maging kritikal. Kaya, as much as possible, given na nagtitiwala kami sa inyo, maniwala kayo na may mga kwestyon pa rin na lalabas at tungkulin ninyong sagutin,” mensahe ni Orencia sa pamahalaan.
Pag-usad ng National ID
Aminado ang PSA na matumal ang prosesong nagaganap sa transisyon tungo sa PhilSys. Nitong Hulyo 1, nakapagtala ang PSA ng 69.254 na milyong mamamayang rehistrado sa PhilSys. Malayo ang naturang bilang sa inaasahang 92 milyon na mga Pilipino na magpaparehistro ngayong taon. Bunsod nito, hinihimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang panghihikayat sa kanilang nasasakupan na magparehistro sa PhilSys.
“We again call on LGUs, especially the barangays, to extend their full support to the President and the Philippine Statistics Authority in the National ID campaign,” panawagan ni DILG Secretary Benhur Abalos.
Taliwas sa maraming reklamo ukol sa mabagal na usad ng pamamahagi ng national ID, nakapagtala na ang Philippine Postal Corporation, tagapangasiwa ng pagpapadala ng national ID, ng 14,360,515 rehistradong indibidwal na nakatanggap na ng pisikal na ID nitong Hulyo 15. Tinatayang 94% ito ng kabuuang bilang ng mga nagawa nang ID cards. Kaugnay nito, ayon sa Commission on Audit, hindi umano nakamit ang produksyon ng 116 na milyong ID cards sa huling apat na taon dahil sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at mga kontraktor nito, mga organisasyong nangunguna sa produksyon ng national ID.
Tinatayang 76% lamang sa inaasahang 36 na milyon ang naipadalang mga pre-personalized card ng mga kontraktor sa taong 2021 habang 17.53% ng 50 milyong mga personalized card ang naipadala ng BSP sa PSA noong 2020 hanggang 2021. Ayon sa BSP, naudlot ang produksyon ng mga ID dahil sa pandemya, mga teknikal na isyu, kakulangan sa empleyado, at limitasyon sa makinarya. Bilang tugon sa mabagal na pamamahagi ng pisikal na ID card, isinusulong ng PSA ang digital na bersyon ng national ID habang hinihintay ang kanilang pisikal na ID.
Sa gitna ng hinaing sa mabagal na pamamahagi ng mga national ID, nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang unang State of the Nation Address, na 30 milyong pisikal at 20 milyong digital na national ID ang maipamamahagi sa pagtatapos ng taon. Nilalayon ng administrasyong Marcos na makapagbahagi ng 92 milyong national ID pagsapit ng 2023 dahil malaki aniya ang gampanin ng national ID sa digital na transpormasyon ng bansa.
Isinabatas ang PhilSys upang mapagaan ang pasanin ng sambayanang Pilipino sa mga pampubliko at pribadong transaksyon. Gayunpaman, sa kabila ng mas mabilis na serbisyo, hindi pa rin ito makakamit kung wala sa pagmamay-ari ng isang indibidwal ang kaniyang national ID. Magiging epektibo lamang ang isang sentralisadong sistema ng pagkakakilanlan kung nagtataglay ang bansa ng episyenteng digital na plataporma. Sa isang sistema tulad ng PhilSys, walang puwang ang pagkukulang at pagkakamali sapagkat seguridad ng mga mamamayan ang nakataya.