Sandigan ang kabataan: Talakayan sa karapatang pantao sa panahon ng Batas Militar, pinamunuan ng LS4HRD

Kuha ni Rogielyn Velasco

INALALA ang pagbagsak ng malayang pamamahayag, pagsasawalang-bahala sa karapatang pantao, disimpormasyon, at isyu ng red-tagging sa ginanap na pagtitipon ng ilan sa mga student leader ng Pamantasang De La Salle sa komemorasyon ng ika-50 taong anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Isinagawa ng La Salle Students for Human Rights and Democracy ang “SINGKWENTA: A student’s forum on human rights during the time of Martial Law” sa Br. Andrew Gonzalez Hall nitong Martes, Setyembre 20.

Pinamunuan nina Presidente ng Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education Alexandra Brotonel, Pangulo ng Alyansang Tapat sa Lasallista Marv Sayson, Presidente ng College of Liberal Arts Verrick Sta. Ana, FAST2018 Batch Legislator Jericho Quiro, at Pangalawang Patnugot ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) Edison Guevarra, ang diskusyon at panghihimok mula sa iba’t ibang lente bilang mga estudyante.

Kolektibong pagtindig, boses na naiipit

Ibinungad na katanungan ang pakikilahok ng mga kabataang estudyante sa progresibong kampanya. Hinimay ng mga student leader ang naging katungkulan ng mga estudyante laban sa baluktot na pamamalakad, magmula noon at hanggang ngayon. Ipinahiwatig ni Brotonel ang pagmamaliit sa mga kabataan sa kanilang kakayahang lumikha ng pagbabago. Nagmimistula umanong krimen ang tingin ng nakararami sa pagtindig sa karapatang pantao. Gayunpaman, iginiit niyang taliwas ito sa kaniyang paniniwala na dapat pinamamayani ng kabataan ang pagsasakatuparan at pagtatanggol sa ating mga karapatan. Suportado naman ni Sayson ang sambit ni Brotonel ukol sa matagal nang pamumuno ng mga student leader laban sa baluktot na pamamahala ng mga nakaluklok.

“In the time of political unrest, we need decisive and uncompromising leadership in all fronts,” paglalahad ni Sayson. Masidhi niyang binigyang-diin ang gampanin ng pakikilahok ng mga estudyante sa mobilisayon sapagkat ito ang pinakamataas na antas ng paglaban.

Pagpapalawig naman ng iba’t ibang sining pamprotesta at pelikula ang ilang nakikitang paraan ni Sta. Ana upang maipaabot sa kabataang estudyante na may tinig ang bawat isa na tatayo bilang kolektibong pagtindig ng mga mamamayan. Ayon naman kay Quiro, nananaig ang takot sa mga estudyante na humahadlang sa mga itong tumindig at maging bokal sa kanilang ipinaglalaban. Binigyang-diin din niyang hindi natin pagkakautang sa mga awtoridad ang pagsusunod-sunuran, bagkus utang ng mga nakaupo sa puwesto ang kanilang paglilingkod sa bayan.

Nang dumako sa usapin ng laban kontra red-tagging, nahati ang pananaw ng mga student leader sa perspektiba ng sektor na kanilang kinabibilangan. Sa katayuan ni Guevarra bilang mamamahayag ng APP, nagsasagawa ang mga organisasyon ng mga hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyanteng mamamahayag. Ilan lamang sa mga ito ang hindi paglalahad ng pagkakakilanlan sa mga artikulo at pagsasagawa ng mga protokol para sa ligtas na pamamahayag. 

Masiid itong tinutulan ni Brotonel at pinaliwanag niyang dulot ito ng kakulangan ng proteksyon sa karapatan at kaligtasan ng mga estudyanteng mamamahayag. Panawagan niya sa Pamantasang ang pagpapalawig ng mga panukalang para sa kaligtasan ng mga estudyante sa kanilang pakikilahok sa mga kampanya.

Pahiwatig pa ni Guevarra, minsan nang ipinaglaban ng mga Pilipino ang mga karapatan at pribilehiyong tinatamasa sa kasalukuyan. Giit niyang isaalang-alang ang nakaraan, gunitain at intindihin. Sikapin ang pagbasa at ilaan ang suporta sa pamahalaang may pakialam sa mga mamamayan.  

Panawagan ng pananagutan at katotohanan

Sinipat naman sa ikatlong katanungan ang perspektiba ng apat na panelista ukol sa paglabag sa karapatang pantao ng administrasyong Duterte. Sa kanilang mga pahayag, mariing nasambit na walang dapat palampasin sa mga ito. Dagdag pa nila, nararapat ding suriin ang mga salik na nagtutulak sa mamamayan na tanggapin na lamang ang mga paglabag sa karapatang pantao tulad ng disimpormasyon, krisis sa edukasyon, at imahen ng pamamahayag sa bansa.

Ibinahagi ni Brotonel na nakaangkla sa karapatang pantao ang kasiguraduhan na matatamasa ng bawat isa ang malayang pamumuhay. Gayunpaman, iginiit niyang sakaling palalampasin lamang ang pang-aabuso sa mga ito, masasanay ang mga Pilipino na niloloko at iniisahan. Samantala, inilahad naman ni Sayson na kinakailangang unawain ang mga nagtatatwa ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Sa halip na tanawin sila bilang kalaban, nararapat na puksain ang mga pinag-uugatan ng kanilang baluktot na paninindigan.

Para naman sa huli at ikaapat na katanungan, ipinahayag ng mga panelista ang kanilang perspektiba sa mga nagdulot ng pagbabalik ng mga Marcos sa pamahalaan. Iisa ang pananaw ng bawat tagapagsalita na pananamantala sa kahinaan ng mga tao, pananabik ng mga Pilipino sa strongman leadership, makinarya, at kakulangan sa kaalaman, ang ilan sa mga dahilan kaya nanumbalik ang mga Marcos sa kapangyarihan. 

Samantala, isiniwalat ni Guevarra ang naging malaking gampanin ng pag-endoso ni dating Senador Miriam Defensor Santiago kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Halalan 2016. Paliwanag niya, sa pamamagitan ng impluwensiya ng dating senador, nahikayat ang taumbayang mapanumbalik ang tiwala sa mga Marcos. 

Ayon naman kay Quiro, lumikha rin sila ng taktika upang matagumpay na masungkit muli ang puso ng mga mamamayan. Binigyang-diin niya rito ang pagpapakatao ng mga Marcos tulad ng paggawa ng Pangulo ng mga vlog. “The funny thing is that, ako, alam ko, it was a propaganda effort but it still made me feel warm. . . They exploited this by portraying themselves as human beings,” paglalarawan ni Quiro. 

Bilang pagwawakas, ibinahagi ng apat na panelista na upang labanan ang fake news at red-tagging, responsibilidad ng mga estudyante na linangin ang kanilang paninindigan at kaalaman, paigtingin ang kolektibong pagkilos, at huwag mapanatag sa masasalimuot na pangyayari sa kasalukuyan.

Mas malinaw na makakamit ng bansa ang isang masigabo at maaliwalas na hinaharap dahil sa habag at kahusayang pinatunayan ng mga magiging gulugod ng lipunan balang araw. Tunay ngang hindi magmamaliw ang alab ng pagmamahal sa bayan ng progresibong kabataan; lalo lamang itong lumiliyab sa paglipas ng panahon. Ilang beses mang ikubli, hamakin, at siilin, patuloy ang kanilang paninindigan—lalo na sa panahong kinakailangan.