IPINAMALAS ng mga mamamayang Pilipino ang kanilang nagkakaisang lakas upang tanggihan ang isa pang rehimeng Marcos, kasabay ng pag-alala ng ika-50 anibersaryo ng Batas Militar sa serye ng mga demonstrasyon sa Commission on Human Rights at University Avenue, Setyembre 21. Nagkaisa sa “Martial Law @ 50: Never Again, Never Forget!” ang mga indibidwal at grupong nakatuon sa pagpapalawak ng hanay para sa edukasyon, pampublikong impormasyon, at kultural na pagkilos upang salungatin ang mga pagtatangka sa pagbaluktot ng kasaysayan at pagtanggi sa katotohanan ng bayan.
Idinaos ang ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa ilalim ng 100 araw na panunungkulan ng hinirang na Pangulong Ferdinand Marcos Jr., anak ng dating diktador. Bagamat limang dekada na ang lumipas nang idineklara ang madugo at mapaniil na Batas Militar, binigyang-linaw ng programa na hindi basta-bastang nakalilimot ang taumbayan. Patuloy na magmamartsa sa lansangan ang mga Pilipino hanggang makamit ng mga mamamayan ang pananagutang pilit na sinasalag ng pamilyang Marcos.
Pagtangan sa katotohanan
Ibinahagi ni Kej Andres, miyembro ng Student Christian Movement of the Philippines, sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) na nakaugat pa sa panahon ng mga dayuhang mananakop ang kultura ng pagbalikwas ng lahing Pilipino. Aniya, isa itong pamana ng mga sinaunang bayaning Pilipino na binitbit ng taumbayan hanggang sa panahon ng mapang-abusong Batas Militar. Sa patuloy na pagpapanawagan ng hustisya para sa mga biktima ng mapaniil na rehimen, kasabwat lamang ng mga baluktot na sistemang umiiral sa bayan ang pananahimik. Bunsod nito, iginiit niyang dapat na mangibabaw sa kasalukuyang lipunan ang kultura ng pagpiglas laban sa kultura ng pananahimik.
“Mas matingkad talaga sa kasaysayan ng Pilipinas ‘yung kultura ng resistance, kultura ng pakikipagkapwa, kultura ng pagkakaroon ng pakialam, kultura ng pagkakaroon ng paninindigan para palayain ang Pilipinas hanggang sa ganap na tagumpay,” paninindigan ni Andres.
Sa kabilang banda, pinatunayan ng naturang programa na hindi kayang paghilumin ng panahon ang lahat ng sugat ng nakaraan. Inamin ni Kat Dalon, isang katutubo at tagapagsalita ng programa, sa APP na hindi pa rin karapat-dapat sa kapatawaran ng sambayanang Pilipino ang pamilyang Marcos hanggang hindi sila nananagot sa kanilang mga kasalanan. Paniniwala ni Dalon, isang lisensya para sa mga Marcos na ulitin ang kanilang mga pang-aabuso kapag basta-basta na lamang silang pinatawad ng sambayanan. Panawagan niya, “Hindi. Kailanman hindi. Kailangan namin ng hustisya. Maniningil tayo.”
Naniniwala rin si Dalon na mataas ang posibilidad na ulitin ni Marcos Jr. ang mga ginawa ng kaniyang ama, lalo na ang pang-aabuso sa mga Lumad. Sa katunayan, dinakip ang mga kasama ni Dalon na mga Lumad sa mismong araw ng State of the Nation Address ni Marcos Jr. Isiniwalat din niyang matindi pa rin ang militarisasyon sa komunidad ng mga katutubo at kabilaan pa rin ang pagmimina sa Pantaron Mountain Range, ang kanilang lupang ninuno. Gayunpaman, sa gitna ng nagbabadyang pag-ulit ng mga kasakiman ng nakaraan, sigurado siyang hindi na muli itong hahayaan ng taumbayan.
Multo ng kasaysayan
Nilansag din ang umiiral na makinarya ng disimpormasyon at denialismo hinggil sa Martial Law sa pamamagitan ng malawak na pagpapaliwanag ukol sa naging mapait na karanasan ng masa rito. Idiniin sa mga talumpati at malikhaing pagtatanghal sa Oblation ang kahalagahan ng pagtangan sa kasaysayan upang mulat na sumapi sa pagbabago ng lipunan.
Ayon sa panayam ng APP kay Xiao Chua, isang istoryador at propesor, “. . . the mere fact na nakaupo ngayon ay isang Marcos, hindi siya patatahimikin nung kaniyang kasaysayan. Lalo na’t hindi nila ito inaako.” Inihayag ni Chua na dapat lusawin ang konseptong naghahalintulad sa puwersa ng mga mamamayang lumaban sa mapaniil na diktaduryang Marcos bilang “demonyo.”
Ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng pananagutan upang makausad ang masa sa mga pang-aabuso at karahasan na kanilang dinanas. Binanggit ni Chua na dapat paghalawan ng aral ni Marcos sa kasalukuyan sina dating Pangulong Richard Nixon ng Estados Unidos at ang yumaong Queen Elizabeth ng United Kingdom–mga prominenteng pinuno sa daigdig na naghain ng pormal na paghingi ng tawad sa mga tao na kanilang naagrabyado. Ngayon higit kailanman, kailangang nauunawaan ng sambayanan ang kahalagahan ng pag-aaral ng kasaysayan at huwag makalimot sa mga aral ng nakaraan.
Samantala, ibinahagi sa APP ng isang biktima ng Batas Militar na si Joe, 83 taong gulang, ang gampanin ng kritikal na kabataan sa pagtahak ng pambansang kalayaan at kaunlaran. Giit niya “Napukaw na ako no’n. . . Nagkainteres ako sa mga sinasabi ng kabataan, na ang kabataan kahit kailan hindi titigil hangga’t may pagsasamantala sa bayan.” Binigyang-pugay niya ang katangian ng kabataang masikhay na itinutuon ang lakas at oras sa pagsusulong ng interes ng masa. Ayon sa kaniya, walang umiiral na tunay na demokrasya sa Pilipinas habang kontra mamamayan ang mga naipapasang polisiya sa bansa.
Pinatagos din niya ang konsepto ng “demokrasyang elite” bilang panlarawan sa mga batas at patakaran sa bansa sapagkat pinaglilingkuran lamang nito ang interes ng mga gumagawa ng batas at hindi ang interes ng mga mamamayang kanilang dapat na kinakatawan. Isa si Joe sa mga kabataang tumutol sa pagpapadala ng hukbo ng kabataan sa Vietnam kasabay ng panahon ng pagpapanukala ng Batas Militar sa bansa noon. Samakatuwid, pinupukaw niya ang mga kabataan na dumalo sa mga demonstrasyon upang yakapin nila ang gampanin nila sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan.
Walang pag-iimbot na tumugon ang mga mamamayan sa tawag ng silakbo ng panahon upang itakwil ang sinumang banta sa demokrasya ng bansa magmula pa sa panahon ni Marcos Sr. hanggang kay Marcos Jr. sa kasalukuyan. Hindi dapat ibinabaon sa limot ang kasaysayan hinggil sa paglaban ng masa sa pasismo dahil tila ibinabaon natin ang katotohanan kasabay ng malalamig na bangkay ng mga biktima ng Batas Militar kung kalilimutan lamang ang nakaraan. Hindi dapat ipinapataw ang mapayapang kapatawaran sa mga hindi tumatalima sa hustisyang makamasa. Walang kapayapaan hangga’t walang katarungan.