INILATAG NA ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang plano nito hinggil sa pagsasagawa ng face-to-face na pagtatapos mula sa ika-188 hanggang ika-193 Commencement Exercises (CE), na gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC).
Matatandaan na tanging sa birtuwal na moda lamang isinagawa ang pagtatapos para sa ika-188 hanggang ika-192 batch. Bunsod nito, hinangad ng mga Lasalyanong nagsipagtapos na maranasan ang makapag-martsa nang pisikal na siya namang tinugunan ng Pamantasan.
Paglunsad ng face-to-face na CE
Unang inanunsyo ng Office of the University Registrar (OUR) nitong Hulyo 4 na maisasakatuparan na ang face-to-face CE ng ika-193 batch at isasagawa ito sa Setyembre 25. Umani ito ng samu’t saring tugon mula sa hanay ng mga Lasalyanong hindi nakaranas ng face-to-face na CE. Ipinaabot naman nila ang panawagang ito sa University Student Government (USG) sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa kanilang Facebook post.
Bilang tugon sa suliraning ito, naglabas ng sarbey ang Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA) nitong Hulyo 11 hinggil sa kagustuhan ng ika-188 hanggang ika-192 batch na magsagawa ng pisikal na programa. Nilayon nitong makuha ang saloobin ng mga nagsipagtapos upang makabuo ang OVPIA ng panukalang ilalatag sa OUR.
Mula sa 815 respondente, umabot sa 60.7% ang nagpahayag ng kagustuhan na magsagawa ng simplified face-to-face program. Umabot naman sa 98.4% ang sumagot na sumasang-ayon sila sa pisikal na programa. Mula sa mga nakalap na sagot, iminungkahi rin ng USG na unahin ang mga mas nakatatandang batch, panatilihin ang nakagawiang programa, at payagan ang mga magsisipagtapos na pumili ng petsa sakaling hindi sila makadadalo sa kanilang nakatakdang petsa.
Nagsimula namang magpadala ng mga e-mail ang OUR sa mga magsisipagtapos nitong Agosto 8. Nakapaloob dito ang mga panuntunan at iskedyul ng CE. Inabisuhan din ang mga magsisipagtapos na kinakailangan nilang kumpirmahin ang kanilang pagdalo sa programa.
Gaganapin ang ika-188 at ika-193 CE sa Setyembre 25, ang ika-189 at ika-190 CE sa Nobyembre 5, at ang ika-191 at ika-192 CE sa Disyembre 10.
Paghahanda ng Pamantasan
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Vice President for Internal Affairs Britney Paderes. Ibinahagi niyang patuloy ang pakikipag-ugnayan ng OVPIA sa OUR upang matugunan ang mga konsern ng mga estudyanteng makikibahagi sa naturang programa.
Ipinaalam ni Paderes na nagpadala sila ng panukala sa Enrollment Services Hub (ESH) na payagan ang mga gradweyt na humingi ng mga dokumento sa Pamantasan. Gayunpaman, nilinaw ng ESH na maibibigay lamang ang mga dokumento sa pamamagitan ng courier services para maisaalang-alang ang kaligtasan ng mga estudyante. “We are also in the process of proposing a prioritization scheme for the request of documents,” ani Paderes.
Priyoridad naman ni Paderes ang kaligtasan ng mga magsisipagdalo sa pagsasagawa ng face-to-face na CE. “The administration has to ensure that before the CE itself, the guidelines should be clear in terms of the schedule, parking, guests allowed, program flow, etc.,” pagtiyak niya.
Binigyang-diin din ni Paderes na naniniwala ang USG na karapat-dapat na magkaroon ng face-to-face na CE dahil pinaghirapan ito ng mga estudyanteng magsisipagtapos. Paglalahad niya, magsisilbi na rin ang CE bilang isang regalo para sa kanilang mga magulang.
Sa naging panayam ng APP sa OUR, inilahad naman ni Maria Lucila Pamplona, coordinator for operations, na walang mayoryang pagbabago sa magiging programa. Banggit niya, “Lahat ng gradweyt na pupunta ay aakyat sa entablado, lahat ng may University Award ay tatawagin, may response mula sa piniling [gradweyt], at iba pa.”
Ipinabatid din ni Pamplona na titiyakin nilang bakunado ang lahat ng dadalo sa CE. Sinisigurado ring magsasagawa ng temperature scanning sa mga pintuan ng PICC, hindi makikipagkamay sa mga magsisipagtapos, at masusunod ang mga patakaran ng PICC at IATF. Mayroon ding mga nars at ambulansyang aantabay para sa tulong-medikal sa pagkakataong kakailanganin.
Isinaad din ni Pamplona na hindi pa nila pinapayagang makilahok sa CE ng ibang batch ang isang gradweyt na hindi makadadalo sa sariling batch, sapagkat limitado ang kanilang mapagkukuhan at panahon upang baguhin pa ang mga dating materyales na ginagamit para sa bawat batch.
Ayon kay Pamplona, hindi totoong naapektuhan ang pagkuha ng dokumento ng mga gradweyt dahil lamang naantala ang kanilang CE. May panahon lamang na dapat igugol sa pagproseso ng mga ito dahil daan-daan ang mga nagsisitapos bawat trimester at maraming pinagdadaanang hakbang para dito.
Sentimyento ng mga magsisipagtapos
Nakapanayam din ng APP ang ilan sa mga Lasalyanong magsisipagtapos upang alamin ang kanilang sentimyento hinggil sa pagsasagawa ng face-to-face na CE. Anila, matagal nilang hinintay na maisakatuparan ang pagsasagawa ng pisikal na CE.
Ibinahagi ni Brendan Barcena, ID 115 mula sa batch 190, na nasiyahan siya nang malaman niyang magkakaroon na ng face-to-face na CE ang DLSU lalo na’t nagsasagawa na rin ng pagtatapos ang ibang unibersidad. Pahayag naman ni Mier Airish Dela Cruz, ID 118 mula sa batch 193, “Natuwa ako dahil lahat naman ng estudyante ay pinapangarap ang [maka-gradweyt] at maiakyat ang mga magulang sa entablado.”
Sinang-ayunan din ni Paolo Delos Reyes, ID 116 mula sa batch 192, ang pagsasagawa ng CE. “Kayang-kaya naman na ng DLSU isagawa ang CE [nang face-to-face], at binayaran din po namin ang graduation fees. May karapatan po kaming sabihin na kaya nila [DLSU] magsagawa ng [face-to-face] na CE,” saad niya.
Sa kabilang dako, hindi sinang-ayunan ng ibang gradweyt ang pagsasagawa ng pisikal na CE. Ayon kay Magnus Anthony Camesa II, ID 116 mula sa batch 189, wala na siyang oras para asikasuhin ang pagtatapos na matagal nang ginawa dahil nag-aaral na siya ng abogasya sa kasalukuyan. Para sa kaniya, sapat na ang pagkuha niya ng diploma at wala na siyang planong pumunta sa programa.
Ipinahayag din ni Dela Cruz ang kaniyang pagnanais na matuloy ang face-to-face na CE para sa lahat ng batch. Aniya, “Ang pagdiriwang ng okasyong ito ay sumisimbolo sa pagwawakas ng maraming taong paghihirap ng mga Lasalyanong nangangarap makapagtapos ng kolehiyo.”
Inilahad naman ni Barcena na mahalaga ang pagsasagawa ng face-to-face na pagtatapos dahil nagsisilbi itong right of passage para sa mga magsisipagtapos. “Bilang isang estudyante na dumaan sa hirap at ginhawa, ng pag-aaral, ng pananaliksik, sa bawat dugo at pawis, mga pagsusulit, mga pagsusuri at mga papel na binasa at inaral, parang ito ‘yung right of passage ng bawat estudyante,” pahayag ni Barcena.