BENTRILOKWISTA: Akreditasyon ng vloggers sa Malacañang Press Corps, priyoridad ng PCOO

Dibuho ni Hannah Bea Japon

Pinihit ni Press Secretary Rose Beatrix “Trixie” Cruz-Angeles, isang vlogger at abogado, ang mikropono upang bigyang-boses ang mga content creator na hindi bahagi ng tradisyonal na midya sa pamamagitan ng pagsulong na mabigyan ng akreditasyon ang mga vlogger upang maging bahagi ng Malacañang Press Corps. Sa ilalim ng akreditasyon, pahihintulutan ang mga vlogger at influencer na gamitin ang social media upang mag-ulat ng mga pangyayari sa Palasyo. Kaugnay nito, susuriin ng tanggapan ni Cruz-Angeles ang mga kasalukuyang patakaran ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kabilang ang Department Order (DO) No. 15 o  Interim Social Media Practitioner Accreditation. 

Bagamat hindi lumalabag sa mga legal na prinsipyo ang pagkilala sa mga vlogger, kinakailangan ng masusing pagsisiyasat hinggil sa pagbibigay-pahintulot sa kanilang makibahagi sa espasyo ng propesyonal na pamamahayag. Sa panahong patuloy na binubusalan ng maling impormasyon ang tinig ng katotohanan, hindi maitatangging mas kailangan ng bayan ang boses ng mga mamamahayag at hindi ang ilusyong hatid ng mga bentrilokwista.

Kalidad ng impormasyon

Kinuwestyon ni Vergel Santos, isang beteranong mamamahayag at trustee ng Center for Media Freedom and Responsibility, ang motibo at pag-unawa ng administrasyon hinggil sa ugnayan ng pamamahayag at pamahalaan sa demokratikong kaayusan. “How could you believe a president [is] being fed to the press when he never allowed himself to meet the press—the legitimate press,” argumento niya.

Dagdag pa ni Santos, pinalalabo ng akreditasyon ang pagkakaiba sa pagitan ng demokratikong pamamahayag at pseudo-pamamahayag. “The press is the public watchdog on the government. . . That is the basic point of the relationship between the two of them [legitimate press and government],” panindigan ni Santos.

Bukod dito, inaalala rin niya ang posibilidad na mailagay sa alanganin ang kalidad ng impormasyong natatanggap ng masa dahil sa pamantayan at restriksyon sa mga vlogger at iba pang kilalang personalidad. Ibinahagi ng isang socio-political vlogger na si Janina Vela sa isang panayam sa Rappler, na ilan sa implikasyon nito ang mababang antas ng rekisito sa pagkuha ng akreditasyon, katulad ng pagbatay sa bilang ng follower at engagement ng mga vlogger para maging bahagi ng mga mamamahayag sa Malacañang.

Naniniwala si Vela na may mga proseso at paghahandang ginagawa ang mga mamamahayag upang matiyak ang kalidad ng impormasyong ibabalita, habang popularidad na nakaangkla sa malawak na engagement sa social media lamang ang isa sa mga hinihingi sa mga vlogger at influencer. Dagdag pa rito, isang malaking palaisipan kay Vela kung paano matitiyak na obhetibo at kontrolado ng mga vlogger at influencer ang kanilang personal na pagtingin o bias  sa paghahatid ng mga impormasyon. Aniya, walang kasama ang mga vlogger na sumusuri ng mga impormasyon at naniniwala siyang tanging sariling opinyon lamang ng mga vlogger at influencer ang kanilang mairerepresenta. Bunsod nito, malaking banta ito sa paglaganap ng maling impormasyon lalo na’t wala silang sinusunod na code of ethics. 

Banta sa katotohanan

Sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng iba’t ibang content creator sa bansa, inamin ni Elijah Cadiente sa Ang Pahayagang Plaridel na itinuturing niya bilang parehong content creator ang mga vlogger at mamamahayag. Gayunpaman, nanindigan siyang malaki pa rin ang kanilang pagkakaiba sapagkat mas nakatutok ang mga vlogger sa pagbibigay-aliw sa mga manonood, habang obhetibo at nakasalig sa katotohanan ang mga mamamahayag. Idiniin din niyang dumadaan ang mga mamamahayag sa mahabang proseso ng pagsasanay at pag-aaral upang maging dalubhasa sa larangan ng pagbabalita.

Hangga’t pinagsasamantalahan ang kahinaan ng mga Pilipino sa maling impormasyon, iginiit ni Cadiente na hindi pa ito ang tamang panahon upang maging kasapi ng Malacañang Press Corps ang mga vlogger. Aniya, “This is about the country and we can’t afford anyone misquoting what Malacañang says about a certain topic kasi once na may isang detail lang na pagkakaiba doon sa sinabi noong isa pang press, this can already cause confusion to the majority.”

Bunsod nito, nararapat lamang na unang matugunan ng administrasyong Marcos ang panganib ng maling impormasyon bago ang akreditasyon ng mga vlogger. Sa panahong hindi mawari ng mga Pilipino ang katotohanan sa kasinungalingan, naniniwala si Cadiente na higit na kailangan ng bayan ang karanasan at kaalaman ng mga mamamahayag upang maitaguyod ang katotohanan sa lipunan.

Hangad man ng akreditasyong ito na pabilisin ang pagpapakalat ng balita, isinusog ni Cadiente na hindi sa bilis nasusukat ang tagumpay ng balita bagkus sa kawastuhan ng impormasyong hatid nito sa mamamayan. Paninindigan niya, walang masama kung ilalapit ang balita sa taumbayan, ngunit hindi dapat ito maging banta sa kalidad ng katotohanang umiiral sa lipunan.

Sa posibilidad ng nasabing akreditasyon, iminungkahi ni Cadiente na sumailalim sa pagsasanay ang mga vlogger upang makatanggap ng sapat na karanasan at kaalaman sa larangan ng pamamahayag. “Sana ay pag-aralan niyong [administrasyong Marcos] maigi at isipin kung talaga nga bang ang sambayanang Pilipino ang makikinabang dito kasi sa ngayon, mukhang mas makagugulo lang ang panukalang ito,” panawagan ni Cadiente.

Pahayagang papet 

Nakasaad sa DO 15 na mayroong tatlong kwalipikasyong kinakailangang makamit upang mapagkalooban ng akreditasyon ang mga social media practitioner, kabilang na rito ang pagiging ganap na Pilipino, pagiging ganap na 18 taong gulang, at pagkakaroon ng 5,000 followers sa kanilang social media account. Kaugnay nito, ikinatuwiran ni Danilo Arao, propesor sa Department of Journalism ng UP Diliman at convenor ng Kontra Daya, na kinakailangang taasan ang pamantayan na itinakda ni dating PCOO Secretary Martin Andanar.

Naniniwala si Arao na madali lamang abutin ang mga pamantayang ito lalo na’t maaaring bumili ng followers sa social media. Sa ganitong konteksto, idiniin niya ang posibilidad na maaaring pagkakitaan ng mga vlogger ang kanilang mga post lalo na’t hindi sila rehistrado sa Department of Trade and Industry o sa Securities and Exchange Commission. Bukod dito, naniniwala siyang kinakailangang magtakda ng hangganan upang magkaroon ng pananagutan ang mga vlogger, katulad ng mga mamamahayag na kritikal na sinusuri ang katumpakan ng kanilang mga inilalathalang balita.

Samantala, inabante naman ni Santos ang panawagan na bantayan ang mga banta sa malayang pamamahayag, lalo na sa panahon na pinagkakakitaan at kinakasangkapang makinarya ang industriya ng maling impormasyon. Pinalawig naman ni Arao ang realidad na maaaring magsilbing propagandista ng mga nasa kapangyarihan ang mga media network na kanilang pagmamay-ari, sapagkat madalas itong nagagamit upang magpakalat ng maling impormasyon at talamak na red-tagging. Dulot ng patuloy na pagsusulong sa akreditasyon ng mga vlogger, iminungkahi ni Santos na isulong ang editoryal na independensiya sa media sa halip na itulak ang akreditasyon ng mga vlogger. 

“Hindi peryodista ang nagpu-push o nagpapanukala kundi ‘yung mismong gobyerno para sila ‘yung nagva-vouch para sa mga vloggers and influencers and content creators na ito, which is very, very problematic and dangerous lalo na’t tayo ay nasa panahon na institutionalized at weaponized ‘yung ating fake news industry,” giit ni Arao. Sa kontemporaneong panahon na kinakasangkapan ang maling impormasyon sa pagyurak sa mga batayang karapatang pantao, maaaring magsilbing instrumento ang akreditasyon para linlangin ang mga tao na paniwalaan ang mali.

Hindi kailanman kimi o duwag ang pamamahayag sapagkat ito ang magiging pinakamabigat nilang kasalanan. Dapat silang magsalita kaagad, hangga’t umiiral ang mga dayandang ng kababalaghan, ang pagkakaagnas ng mga nasa kapangyarihan, at ang paninindak sa mga nangangahas na magsalita. Ngalangala ng demokrasya ang matapang na pamamahayag, hindi ito papet na sinasalita ang lenggwahe ng bentrilokwistang tuso, mapaniil, at marahas. Pigtasin na ang pisi bago pa man tuluyang sakupin ng kamay ng bentrilokwista ang boses ng bayan.