INAASAHANG MAGNININGNING ang karera ng De La Salle University (DLSU) Green Archers sa nalalapit na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 na magsisimula sa Oktubre. Bagamat bigong masungkit ang kampeonato nitong UAAP Season 84, inaasahang magpapamalas ang koponan ng kahanga-hangang laro sa UAAP Season 85 bitbit ang kompiyansa sa mga bago at batikang manlalaro nito.
Kabilang sa mga star rookie ng Green Archers na sasalang sa Season 85 si Mur Prince Alao, dating miyembro ng San Beda Red Cubs na nakapaglaro sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Junior’s Division. Kaakibat nito, nakapagtala ang atleta ng average score per game na 2.4 na puntos, dalawang rebound, at 1.9 na assist sa loob ng 13.2 minuto sa huling season niya sa NCAA. Bunsod ng kaniyang ipinakitang husay sa naturang liga, natunghayan ang talento ni Alao sa internasyonal na torneong NCAA Pacific Championship na ginanap sa Thailand noong 2018 at 2019.
Isa pang bumungad bilang bagong alas para sa Taft-based squad si Penny Estacio. Kaugnay nito, itinuring bilang maaasahang playmaker si Estacio matapos magpakitang-gilas sa kaniyang paglalaro sa NCAA Season 95 nang makapagtala ng humigit-kulang na 15.06 na puntos, 5.24 na rebound, 2.65 assist, at 2.06 na steal kada laro bilang Baby Tamaraw.
Pagdaong ng mga bagong pambato
Bilang mga bagong saltang Green Archers, ikinagagalak nina Estacio at Alao ang mainit na pagtanggap sa kanila ng koponan. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), isinaad ni Alao ang kaniyang nararamdaman tuwing sumasabak sa entablado ng Philippine Basketball Association Development League (PBA D-League) Aspirants’ Cup 2022 at FilOil EcoOil 15th Preseason Cup suot ang jersey ng DLSU. Aniya, “Inisip ko na lang how blessed I am to play for La Salle. I was just really overwhelmed na I was part of La Salle and playing for the school.”
Sa kabila ng pagkasabik ng mga bagong saltang Green Archer na irepresenta ang DLSU sa iba’t ibang pangkolehiyong torneo, nagsisilbing hamon para sa ilang estudyanteng atleta ang pakikiangkop sa bagong komunidad. Bagamat nahirapang mag-ensayo si Estacio noong unang buwan niya sa DLSU, lagi niyang pinapaalalahan ang kaniyang sarili na pangalagaan at patatagin ang kaniyang mental at pisikal na pangangatawan.
Maliban sa pagbalanse ng oras, naging hamon sa ilang rookie ng Green Archers na makihalubilo sa kanilang mga kakampi at sundan ang sistema ng pagsasanay ng coaching staff noong mga nauna nilang linggo sa pag-eensayo. Gayunpaman, hindi naging matagal ang pag-angkop nina Estacio at Alao sa sistema ng koponang Lasalyano bunsod ng maagap na paggabay sa kanila ng coaching staff at mga senyor na Green Archer.
Palasap ng angking talento
Mahigit limang buwan na nagsama upang mag-ensayo sa kanilang dormitoryo ang Green Archers na naging daan upang tumibay ang kanilang samahan. Sa panayam ng APP, ibinahagi ni Mark Nonoy ang naging karanasan ng Taft-based squad sa kanilang pag-eensayo para sa UAAP Season 85. Aniya, “Para sa akin naging solid kami sa bubble [training]. . . nandoon ‘yung bonding namin kasi bawal kami makalabas.”
Bagamat mayroon pang mahigit dalawang buwan bago sumabak ang koponan sa UAAP Season 85, kasalukuyang lumalahok ang Green and White squad sa PBA D-League Aspirants’ Cup 2022 at FilOil EcoOil 15th Preseason Cup. Sa pamamagitan nito, natututukan nila ang kanilang mga pagkukulang o pagkakamali sa mga nagdaang laro sa dalawang torneo.
Bilang karagdagan, napaiigting ng Green Archers ang kanilang determinasyon at talento sa paglalaro ng basketball sa dalawang torneo. “This preseason is my opportunity to show what I can really do as a rookie. To go all out, to prove my coaches that I belong to the team, and every training, every game, I give my all,” pagbibigay-diin ni Estacio.
Isa naman sa mga hindi malilimutang laro ng Green Archers ang pagkatalo nila kontra San Sebastian College sa preliminary round ng PBA D-League Aspirants’ Cup 2022. “That was embarrassing kasi it was 22 points. We were all down kasi nga it was an embarrassing lost. . . sinasabi lang sa amin ni coach ‘yung kailangan namin improve. . . siguro thankful lang din na may mga teammates na will lift you up when you’re down diba,” saad ni rookie Alao.
Sa kabila nito, nagsilbing motibasyon ng Green Archers ang kanilang pagkatalo upang mapagtagumpayan ang kanilang mga susunod laro. “We just have to believe in the system ni coach kasi I believe in the talents of my teammates eh. . . We believe in our coaches, we believe in each other, and feeling ko talaga na kaya namin mag-champion in the upcoming [UAAP] season,” pagbabahagi ni Estacio. Buhat nito, sipag at determinasyon ang ipinamalas ng koponan na nagsilbing susi sa kanilang pagsungkit ng gintong medalya sa PBA D-League at ikatlong puwesto sa FilOil Preseason Cup.
Pagsalubong sa bagong simula
Matapos lumapag sa ikatlong puwesto nitong UAAP Season 84, inihayag ni Estacio sa APP na mas determinadong makasampa sa finals ang Taft-based squad sa darating na UAAP Season 85. Naniniwala si Estacio na kailangan nilang magtiwala sa progreso, sistema ng paglalaro, at husay ng bawat miyembro ng koponan upang makabawi mula sa pagkatalo noong semifinals ng UAAP Season 84. “I think ‘yung talo na ‘yun is part of the rollercoaster that we need para magkaroon kami ng championship next season,” wika Estacio.
Nagpapasalamat naman si Alao sa mga tagahanga ng Green Archers at sa pamayanang Lasalyano na nagbibigay sa kanila ng motibasyon na magpatuloy na maglaro para sa DLSU. “I want all of you guys to know that we are doing everything to make you guys proud and ayun sana sa mga shortcomings namin and sa days na we’re struggling, nandiyan pa rin kayo para sa amin,” ani Estacio sa pamayanang Lasalyano.
Tiyak na magiging kaabang-abang ang karera ng Green Archers sa UAAP Season 85 sa tulong ng mga bagong dekalibreng atleta nito, tulad nina Alao at Estacio. Bitbit ang kanilang puspusang pag-eensayo at nakuhang mga parangal mula sa iba pang mga torneo, sisikapin ng Green Archers na magningning ang kanilang karera sa UAAP Season 85 bilang mga kampeon nito.