Nangungulilang marinig at makasamang muli ang mga kapwang minsang itinuring na kaagapay sa lakad ng kani-kaniyang mga buhay. Sumibol ang pagsasamang hindi inaasahan bunsod ng kanilang pagkahumaling sa larangan ng pag-awit. Gayunpaman, hindi maipagkakailang nagbunga ito ng pagkakaroon ng mga matalik na kaibigan, mga maaasahang kapanalig sa mga iniindang paghihirap, o isang pamilyang pakikinggan ka sa bawat sintunado mong tinig.
Sa pagdiriwang ng homecoming, nagtanghal ang DLSU Chorale noong Setyembre 23 at 24. Binigyang-buhay muli ng mga kasalukuyan at nakalipas na miyembro ang kanilang mga pambihirang napagtagumpayan sa mga nagdaang taon. Idinaraos ang kinasasabikang pagtatanghal ng koro sa Animospace at YouTube Live upang mapanood ito ng madla sa kani-kanilang tahanan o sa mga tahimik na lugar. Sa gayon, lubos na namangha at naantig ang mga tagapakinig sa malaanghel nilang mga boses at tunay na nagpalubag sa nababagabag na damdamin.
Paglingon sa kahapong sama-samang natunton
Nagsilbing isang banayad na pagbabaliktanaw ang konsiyerto sa mga matatamis na gunita ng mga luma at bagong korista ng DLSU Chorale. Sa mga makalumang kanta mula sa kanilang repertoire, umugong ang tema ng pagtuklas ng bukod-tanging tahanan at pamilyang pinagbuklod ng musika. Ayon sa pangkalahatang punto ng mga maiikling mensahe ng mga alumni ng DLSU Chorale, binigyang-diin ng okasyon ang paghimig bilang hudyat ng kanilang muling pagtitipon. Sa paraang ito, musika ang siyang nagpaigting ng sigasig nilang umuwi sa piling ng isa’t isa sa pagkupkop ng musika.
Sinimulan ng DLSU Chorale ang kanilang konsiyerto sa pamamagitan ng tatlong mapagnilay na kantang nagsilbing panimulang dasal ng grupo. Inawit nila nang malumanay ang “Prayer of St. Francis” mula sa transkripsyon ni Robert Delgado, ang awiting Aleman na “Richte mich Gott” ni Felix Mendelssohn, at ang tanyag na kantang “Lead Me Lord” mula kay Arnel de Pano.
Sinundan ito ng tatlong awiting namumukod-tangi ang komposisyon sa pandinig ng mga tagapanood. Inawit nila ang isang English Madrigal na pinamagatang “As Vesta Was From Latmos Hill Descending” ni Thomas Weelkes. Kasunod nito ang dalawang awiting-bayan: “Padayon” at “Dumbele” na parehong mula sa transkripsyon ni Rodolfo Delarmente. Sa pamamagitan nito, itinanghal ng DLSU Chorale ang kanilang kolektibang husay sa pag-awit ng mga himig na hindi gaanong napakikinggan.
Kuminang din ang pangunahing tema ng pagbabaliktanaw sa mga sumunod na awitin. Tila naging isang paglalakbay patungong dekada 80 ang konsiyerto sapagkat inawit ng grupo ang mga kantang “In Your Eyes” ni Dan Hill at Michael Masser, “The Longest Time” ni Billy Joel, at “Bituing Walang Ningning” ni Willy Cruz.
Sa huling bahagi ng konsiyerto, ipinakita ng grupo ang halaga ng kanilang pagsasama bilang samahang maituturing na isang pamilyang hinayaang sumibol ang bawat miyembro nito. Kinanta nila ang mga himig ng “That’s What Friends Are For” nina Burt Bacharach at Carole Bayer Sager at “Awit ng Barkada” ng APO Hiking Society para sa mga masugid na tagapakinig.
Bilang wakas, inihandog ng grupo ang isang emosyonal na pamamaalam sa munting pagsasama ng mga kasalukuyan at nakaraang miyembro ng DLSU Chorale sa pamamagitan ng pag-awit ng tatlong kanta. Salamin ng bawat kanta ang pamilyang itinaguyod ng musika; ang “Wind Beneath My Wings” nina Larry Henley at Jeff Silbar, “Leaves” mula sa Ben&Ben, at “This is Not Goodbye” ng grupong Sidewalk Prophets.
Pagpapahalaga sa paglubog ng araw
Nakatataba ng puso ang muling pagtatanghal kasama ang mga koristang magkawangis ang pagmamahal at pagpupunyaging ibinubuhos sa kanilang kasiningan. Sa pagtitipon sa iisang entablado, mas naipamalas at naipadama ng mga manananghal ang pagtanaw sa kabuluhan ng nakaraan. Sinasariwa nito ang mga mahabaging ugnayang kanilang nabuo at mga aral na napulot sa munting oras na pagsasama. Hiniwalay man ng mga samu’t saring pangyayari sa buhay, tila inaakay ng mga himig ang bawat isa pabalik sa panahong payapa at tanging ang nakahuhumaling na huni ng musika lamang ang nananaig.
Magtatago na muli ang nabagot na araw at sisimulan nang magpahinga upang magluningning at maipagmalaki ang ginintuang sinag ng kinabukasan. Sa lilim ng gabing mapayapa, mauungkat ang mga alaalang magsisilbing liwanag upang batiin nang mas may kumpiyansa ang pinangangambahang umaga. Maiging alalahanin na nariyan ang mga kapwa koristang maihahalintulad sa walang kupas na musika—hindi nalalaos at hindi lumilipas ang taglay nitong saysay kailanman.