BUBUKSAN NANG MULI ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang pintuan nito matapos ang dalawang taong pagsasagawa ng klase sa online na moda bunsod ng pandemya. Kaugnay ito sa inilabas na Help Desk Announcement ng Office of the Provost noong Mayo 20 bilang bahagi ng planong malawakang pagsasagawa ng face-to-face na mga klase ng DLSU.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi nina Provost Dr. Robert Roleda; Dr. Kathleen Aviso, dekana ng Gokongwei College of Engineering (GCOE); at Giorgina Escoto, presidente ng University Student Government (USG), ang kani-kanilang mga plano para sa mga Lasalyano upang matiyak ang ligtas at maayos na transisyon sa face-to-face na klase.
Sistema sa hybrid learning
Sa panayam ng APP kay Roleda, ibinahagi niyang kasalukuyang naghahanda ang Pamantasan sa pagdisenyo ng mga kurso at pagpapatupad ng pangmatagalang sistema ng pagtuturo. Kaugnay nito, hinati sa tatlong paraan ang pagsasagawa ng klase: pure online para sa mga kursong General Education, hybrid para sa majors at foundational na kurso, at pure face-to-face para sa Physical Education at mga klaseng pang-laboratoryo.
Ipinabatid din ni Roleda na hinahanda ngayon ang mga silid-aralan upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga estudyanteng dadalo ng mga klase sa kampus. Pagbabahagi niya, hindi ipatutupad sa kampus ang nakatakdang isang metrong distansya kaya isasaayos na lamang ang bentilasyon ng bawat silid gamit ang isang air filter at ultraviolet-C upang hindi na kailangang buksan ang pintuan, kahit nakabukas ang aircon, katulad ng ginagawa ng ibang pamantasan.
Ipinaliwanag din niyang hindi kaya o wala sa kapasidad ang Pamantasan na bawasan ang bilang ng mga estudyante kada seksyon. “Kukulangin tayo sa guro dahil dodoble ang kailangan nating numero at kukulangin tayo sa pasilidad,” sambit ni Roleda.
Napagdesisyunan ding hatiin ang mga kolehiyo sa iba’t ibang hanay upang mapanatili ang maliit na bilang ng mga taong nasa loob ng kampus. Itatalaga ang araw ng Lunes, Martes, at Miyerkules para sa mga estudyanteng kabilang sa GCOE, Ramon V. del Rosario College of Business, School of Economics, at Senior High School partikular na ang Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM).
Samantala, nakalaan naman ang araw ng Huwebes, Biyernes, at Sabado para sa mga estudyanteng kabilang sa College of Computer Studies, College of Liberal Arts, College of Science (COS), at Senior High School (non-STEM). Isasagawa naman ang face-to-face na klase ng mga estudyante mula sa Br. Andrew Gonzales College of Education sa araw ng Miyerkules at Sabado.
Pagdating naman sa mga rekisito, inihayag niyang hindi kailangan ang Campus Access Registration System for Students upang makadalo sa mga naturang klase. Kinakailangan lamang nila maging bakunado at ipadala ang kanilang vaccination certificate sa Health Services Office upang makapasok sa kampus sa anomang araw. Kaakibat ng mga Identification card ang vaccination status ng mga estudyante na makikita ng mga security officer sa tuwing papasok sa mga gate ng kampus.
Ipinaalala ni Roleda na isinasaalang-alang nila sa patakarang ito ang mga panuntunang inilabas ng Commission on Higher Education ukol sa pagsasagawa ng face-to-face na klase. “Kailangan din natin [tingnan] ang ibang tao, siguraduhin na kampante ang mga isipan ng mga estudyanteng bakunado. Hindi lamang ito sa pansariling karapatan, isipin ang karapatan ng mga nasa paligid natin. Mayroon tayong flexible learning upang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral,” tugon niya ukol sa mga hinaing ng mga estudyanteng hindi pa bakunado.
Susuriin din ngayon ng Provost Council ang ipatutupad na sistema sa attendance pagdating sa face-to-face na klase upang hindi mapilitang pumasok ang mga estudyanteng mayroong mga sintomas ng COVID-19.
Paglulunsad ng LWCP
Bagama’t malinaw sa mga inilabas na mga Help Desk Announcement ang muling pagsasagawa ng face-to-face na klase ng Pamantasan, ipinabatid ni Roleda na maaaring ipagpaliban pa rin ang pagsasagawa nito sakaling tumaas muli ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, partikular sa Mega Manila. Kaugnay nito, inilabas ng kanilang opisina ang Learning and Work Continuity Plan (LWCP) nitong Agosto 8 upang mabigyang-linaw ang mga tuntuning susundin ng Pamantasan ukol sa pagsasagawa ng mga klase.
Paliwanag ni Roleda, mayroong dalawang aspekto ang LWCP, partikular ang sitwasyon ng virus sa komunidad at sa loob ng Pamantasan. Aniya, kinakailangang magkaroon ng espesipikong parametro ang administrasyon upang maging maayos ang kabuuang pagsasagawa ng mga face-to-face na klase sa kampus.
“Kung ang positivity rate ay nasa 5%, babawasan natin ang [face-to-face] at lilimitahan natin sa type C classes o laboratory classes,” pahayag niya ukol sa unang aspekto na kaniyang nabanggit. Samantala, ititigil naman pansamantala ang pagsasagawa ng face-to-face na klase sa loob ng isang linggo sakaling umabot sa 15% ang positivity rate sa bansa. Babalik ang lahat sa online na moda ng pagkatuto sa loob ng isang linggo upang maiwasan ang malawakang hawaan.
Matatagpuan ang kabuuang detalye ukol sa LWCP sa link na ito: https://tinyurl.com/LWCP22-23.
Paghahanda ng College of Engineering
Nabigyan din ng pagkakataon ang APP na makapanayam si Aviso hinggil sa paghahanda ng kanilang departamento. Ayon sa kaniya, unti-unti nang pinababalik ang mga empleyado para mabigyang-pansin ang mga kakailanganin ng kanilang mga estudyante. Inilalatag na rin ng mga propesor ang ituturo nilang mga kurso at sisiguraduhing akma ang kanilang mga aktibidad sa pangangailangan ng mga estudyante.
Bukod pa rito, nagkaroon din ng isang maikling pagsasanay ang mga propesor sa tulong ng Academic Support for Instructional Services and Technology. Pinag-aaralan nila ang mga iba’t ibang klase ng pagsusuri para sa mga estudyante at binabalikan din ang mga dati nilang gawain upang mas mapabuti ang kalidad ng kurikulum at serbisyo ng departamento.
Patuloy ngayong nakikipag-ugnayan ang kanilang opisina sa USG upang mabigyang-linaw ang mga hinaing ng mga estudyante. Nagpapalabas din sila ng mga sarbey hinggil dito at nagkakaroon ng mga pagpupulong para makagawa ng iba’t ibang istratehiyang tutugon sa agam-agam ng mga Lasalyano.
Plano ng USG
Kinapanayam din ng APP si Escoto hinggil sa mga plano ng kanilang opisina para sa hybrid learning upang masigurong ligtas at maayos ang pagpapatupad nito.
Ibinahagi ni Escoto na isa sa mga pinagtutuunan nila ng pansin ang pagsasanay para sa mga opisyal ng USG na wala pang karanasan sa paghahatid ng serbisyo sa loob ng kampus. Dagdag pa niya, “Maglalabas tayo ng Orientation Kit at mayroon tayong nakahandang mga officers sa loob ng Pamantasan na handang tumulong sa mga [estudyanteng] may kakailanganin sa mga unang araw nila bilang ganap na mga Lasalyano.”
Tiniyak din ni Escoto na hindi mapag-iiwanan ang mga Pure Online Learners (POL) sa kanilang pag-aaral sa pagsasagawa ng hybrid learning. Aniya, patuloy silang makikipag-ugnayan sa faculty ng mga kolehiyo upang makamtan pa rin ng mga estudyante ang dekalidad na edukasyon sa kabila ng magkaibang karanasang hatid ng POL at face-to-face. Kasalukuyan ding nasa huling yugto ang pagsasaayos ng Student Handbook at inaasahan na ilalakip na rito ang mga bagong patakaran sa loob ng digital learning environment.
Sinisigurado rin niyang matutulungan ang mga estudyante ngayon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin o pamasahe at pagbaha sa Taft Avenue sa pamamagitan ng pagpapaigting sa #BalikDLSU, pakikipag-ugnayan sa Pamantasan para sa anomang tulong pinansyal, at pakikipag-tulungan sa Lungsod ng Maynila para sa seguridad ng lahat.
Bukod pa rito, inilahad din niyang handa silang magbigay-tulong sa mga estudyanteng may sakit sakaling tumaas muli ang mga kaso ng COVID-19 o lumaganap ang sakit na monkeypox. Magbabahagi ang USG ng Lasallian Care Kits, katuwang ang Council of Student Organizations at Student Care Initiative, na naglalaman ng mga kagamitang makaiiwas sa pagtaas ng mga naturang kaso.
Perspektiba ng mga estudyante
Nakapanayam ng APP ang isang POL na si Guada Layugan, ID 121 mula sa BS Psychology, hinggil sa pagsasagawa ng hybrid learning sa unang termino. Ayon sa kaniya, pinili niyang maging POL dahil sa hirap ng transportasyon papunta ng Pamantasan. Aniya, “Para sa akin, doble pagod na [ba-byahe] ka papuntang school [at uuwi tapos] kinabukasan, gigising ka para sa online class. Nakakapagod kasi medyo malayo kami sa [Pamantasan] and ma-traffic din ‘yung daan papunta.”
Ibinahagi rin niyang malaki ang maitutulong ng opsyong POL sa kaniya dahil mas marami ang maigugugol niyang oras sa pag-aaral. Matitiyak rin niya ang kaniyang sariling kalusugan dahil sa limitadong interaksyon at mababawasan ang kaniyang mga gastos pagdating sa pamasahe o pagkain.
Sa kabilang banda, isinaalang-alang din niya ang mga problemang maaari niyang harapin bilang isang POL, tulad ng koneksyon sa internet at ang pag-aaral nang mag-isa. Sambit niya, “Iba rin kasi kapag [face-to-face], mas ramdam mo [ang] damayan with friends kapag nahihirapan sa subjects. . .”
Sa kasalukuyan, inaasahan pa rin ni Layugan na magiging maayos ang implementasyon ng mga protokol sa hybrid learning lalong-lalo na para sa mga estudyanteng dadalo sa face-to-face na klase simula Setyembre.