Solidong binyag: Lady Archers, bumandera sa hamon ng Lady Maroons!

Kuha ni Kyla Wu

DOMINANTENG NASIPAT ng DLSU Lady Archers ang unang bentahe ng kartada matapos mapayuko ang UP Lady Maroons, 73-51, sa unang araw ng UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Oktubre 1, sa SM MOA Arena.

Kumamada ng 16 na puntos si Lady Archer Import Fina Niantcho, dagdag sa naisumite nitong 12 rebound. Humalili rin para sa Lady Archers si Luisa San Juan, tangan ang 12 puntos. 

Bumida naman para sa Lady Maroons si Acrissa Maw, bitbit ang natamong 11 puntos at walong rebound. Umalalay naman si Stifanny Larrosa kay Maw matapos makapag-ambag ng walong puntos.

Bakas ang tensyon at kaba ng parehong panig sa unang kwarter matapos ang kanilang sunod-sunod na mga turnover. Sa kabilang banda, maagang nahagip ng DLSU ang sumpa ng mga penalty, sapat upang mabigyan ng serye ng mga free throw ang UP sa unang apat na minuto ng tunggalian.

Bunsod ng pagkapako sa sunod-sunod na foul, agad na pinagana ng DLSU ang tambalang San Juan, Charmine Torres, at Niantcho na may tig-isang tira sa paint upang mailayo sa sampu ang kanilang kalamangan, 17-7. Hinabol din ng UP ang umiskapong talaan ng DLSU sa pamamagitan ng stalwart nitong si Erika Jimenez mula sa kaniyang free throw, 19-8.

Sa pagsisimula ng ikalawang kwarter, humirit ng isang 4-0 run ang Lady Archers mula sa mga layup ni Jeehan Ahmed at back-to-back hook shot play ni Niantcho, 27-8. Sinimulan namang idaan ng Lady Maroons sa liksi at bilis ang higanteng pivot ng Lady Archers buhat ng mga salaksak ni Jimenez at tirang pantres ni Larrosa, 29-15.

Pilit ding dumidikit ang UP sa nasentrong kalamangan ng DLSU sa nalalabing apat na minuto ng first half buhat ng mga paunti-unting sipat nito sa free throw line. Nabitag mang muli sa foul penalty, hindi pinagbigyan ng DLSU na makalapit ang UP sa pamamagitan ng mga agresibong atake ni Torres at isang krusyal na free throw ni Ahmed, 35-19.

Naglipana pa rin ang pagpataw ng mga violation sa magkabilang koponan pagdako ng ikatlong kwarter. Hindi nagtagal, nagpatuloy sa pag-arangkada ang Taft mainstays nang makalusot sa depensa ng UP si Niantcho, 39-21. Sa natitirang 30 segundo ng kwarter, nagpamalas ng makapigil-hiningang tres si San Juan, ngunit agad ding kumubra ng tres si Lady Maroon Maw, 57-38.

Sa pagbubukas ng huling kwarter, ginambala muli ng presensya ni San Juan ang Lady Maroons matapos tumikada ng tres, 65-41. Nangibabaw naman ang lumolobong numero ng mga turnover sa parehong koponan dahilan ng mabagal na pag-usad ng kartada. 

Sa huling minuto ng bakbakan, tila hirap makapukol ng puntos ang Katipunan-based squad at tuluyan nang lumobo ang bentahe ng DLSU sa 25 puntos. Sinubukan pang humirit ni Erika Jimenez sa loob ng arko ngunit naging huli na ang lahat nang tuluyang ibinulsa ng Taft-based squad ang panalo.

Matapos ang dalawang taong pagpreno ng mga laro sa UAAP women’s basketball, ikinagagalak na ibinahagi nina San Juan at Niantcho ang kanilang saloobin matapos masipat ang kanilang unang panalo. “It’s great. . . Naggawa lang po namin ang mga pinapagawa ni coach and ‘yung mga bagay na small details,” ani San Juan.

“I’m happy for me and my teammates we did [a] good job today and looking forward to [having] more of it,” dagdag ni Niantcho.

Tunghayan ang susunod na pag-arangkada ng DLSU Lady Archers kontra UST Golden Tigresses sa darating na Miyerkules, Oktubre 5 sa Philsports Arena Pasig sa ganap na ika-9 ng umaga.

Mga iskor

DLSU – Niantcho 17, San Juan 12, Sario 9, Torres 8, Arciga 8, Binaohan 7, Dalisay 5, Ahmed 4, Jimenez 2, Espinas 2

UP – Maw 11, Larrosa 8, Sanchez 8, Baqiruit 5, Pesquera 5, Tapawan 4, Jimenez 4, Domingo 2, Vingno 2, Lozada 2

Quarterscores: 19-8, 35-19, 57-38, 73-51