NALASAP ng DLSU Lady Archers ang kanilang unang talo sa kamay ng UST Growling Tigresses, 57-71, sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Oktubre 5, sa UST Quadricentennial Pavilion.
Bumida para sa DLSU si Charmine Torres na nakapagtala ng 12 puntos, walong rebound, at tatlong assist. Hindi rin nagpahuli sa talaan si Lady Archer import Fina Niantcho matapos makapag-ambag ng 12 puntos at 19 na rebound.
Nagpatatag naman sa puwersa ng Lady Tigresses si Eka Soriano matapos lumikom ng 28 puntos, anim na rebound, at pitong assist. Kaagapay naman niyang pumuntos sina Nikki Villasin at Agatha Bron tangan ang pinagsamang 21 puntos.
Maagang nagpakitang-gilas ang Growling Tigresses matapos humataw ng magkakasunod na floater upang mapasakamay ang 10-0 run sa unang kwarter. Sinubukan namang makadikit sa talaan ng Lady Archers nang magpakawala sina Joehanna Arciga at Niantcho ng magkasunod na tirada, 6-10. Gayunpaman, lumobo ang kalamangan ng mga naka-dilaw nang mag-init ang diwa ni Soriano matapos sumibat ng tres at dalawang free throw, 11-23.
Sa pagpasok ng ikalawang kwarter, tila hindi pa rin nahahanap ng DLSU ang tamang timpla sa kanilang laro buhat ng sunod-sunod na turnover. Naging kalbaryo rin para sa mga naka-berde ang puwersa ni Villasin nang magpaulan ng sunod-sunod na tres, 11-30. Pilit namang pinanipis ni Torres ang namamagang kalamangan ng UST nang maipasok ang dalawang free throw sa huling 30 segundo ng kwarter, 25-38.
Pambungad na pinatawan ng technical foul ang Lady Archers head coach na si Cholo Villanueva pagdako ng ikatlong kwarter. Nagpatuloy man ang bagsik ng Lady Tigresses, tila nagising naman ang diwa ng Taft mainstays nang makapuslit ng magkakasunod na puntos sa ilalim ng rim, 34-41.
Tila minamalas naman ang UST sa pagtira ng mga bola mula sa labas ng arko. Gayunpaman, binasag nina Soriano at Villapondo ang katahimikan sa kort matapos gumuhit ng kagila-gilalas na mga fastbreak shot, 40-47. Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Lady Tigresses hanggang sa huling segundo ng ikatlong yugto, 43-50.
Naparalisa naman ang talaan DLSU sa huling kwarter matapos mapako ang kanilang iskor sa 43. Sa kabilang banda, naging sandalan ng UST ang pagkana ng sunod-sunod na tres nina Villasin, Soriano, at Jovylyn Pangilinan upang tuluyan nang isara ang talaan pabor sa kanilang koponan, 57-71.
Abangan ang pagbawi ng DLSU Lady Archers sa kanilang susunod na laban kontra ADMU Blue Eagles sa darating na Linggo, Oktubre 9 sa ganap na ika-10 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.
Mga iskor
DLSU – Niantcho 12 , Torres 12, Arciga 11, Sario 10, Binaohan 2, De La Paz 2 , Ahmed 6, Jimenez 2
UST – Soriano 28, Villasin 13, Bron 8, Santos 6, Tacatac 5, Pangilinan 4, Ambos 3 Villapando 2, Dionisio 2
Quarterscores: 23-11, 40-27, 52-43, 71-57