PINADANAK ng DLSU Green Archers ang dugo ng ADMU Blue Eagles, 83-78, at sinungkit ang kanilang ikalawang panalo sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Oktubre 9 sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Lumagablab ang mga galamay ni Schonny Winston para sa Green Archers matapos gumawa ng 25 puntos, limang rebound, anim na assist, at dalawang steal. Naging kaagapay rin ni Winston sa bakbakan si Evan Nelle na pumukol ng 10 puntos, limang rebound, tatlong assist, dalawang steal, at isang block. Nagpasiklab din si bigman rookie Raven Cortez na umukit ng walong puntos, dalawang rebound, dalawang block, at isang assist.
Nagpakitang-gilas naman para sa Blue Eagles si Ange Kouame matapos makapagtala ng 22 puntos, 12 rebound, dalawang assist at apat na block. Tumulong din kay Kouame sina Bryson Ballungay at Bryan Andrade na umambag ng pinagsamang 27 puntos.
Masidhi ang naging pukpukan ng magkaribal sa unang kwarter matapos magpaulan ng kaliwa’t kanang tres, 14-11. Pumiglas bigla ang Blue Eagles sa mahigpit na kapit ng DLSU matapos ang 13-0 run nito sa likod ng depensa ni Kouame na nagtala ng tatlong block sa five-minute stretch ng bakbakan. Nabasag man ng transition layup ni Kevin Quiambao ang kandado ng Loyola-based squad, hindi ito naging sapat upang malipat sa Taft-based squad ang momentum, 18-28.
Umusok naman ang mga kamay ng Green Archers sa pagsisimula ng ikalawang kwarter. Nanguna si Cortez at Quiambao sa 13-0 run ng DLSU upang maagaw ang kalamangan, 31-28. Matapos manlamig sa unang tatlong minuto ng yugto, binitbit ni Kouame ang mga agila upang makadikit sa koponang Green and White. Malaking problema para sa Taft-based squad ang kakulangan nito sa inside presence matapos silang mamain nina Kouame at Ballungay sa loob.
Bahagyang nakalamang ang Blue Eagles sa and-one layup ni Ballungay, 35-42. Naging tanglaw naman para sa Green Archers ang second year forward na si Winston pagdating sa opensa. Pumukol ng 12 puntos si Winston sa ikalawang yugto gamit ang kaniyang mga patented mid-range jumper. Sumandal din ang DLSU sa transition offense nito upang makahabol sa laban, 46-47.
Naging mainit ang pagbubukas ng ikatlong kwarter matapos paigtingin ng dalawang koponan ang kanilang depensa at opensa. Bumida sa panig ng Blue Eagles sina Dave Ildefonso at Forthsky Padrigao matapos mapasakamay ang kalamangan, 46-51. Gayunpaman, umalingawngaw si Winston at umukit ng pitong puntos para itabla ang talaan, 58-all. Sinubukang bumawi ni Kouame ngunit humataw sina M. Phillips at Earl Abadam at sinelyuhan ang ikatlong kwarter, 64-62.
Dikit na nagsimula ang huling kwarter ng laban nang tablahin ni Geo Chiu ang talaan, 64-all. Bagamat gigil ang parehong koponang lamangan ang isa’t isa, tila nagpapalitan lamang ng puntos ang magkaribal, 72-all. Hindi nagtagal, nakuha rin ng Green Archers ang bentahe sa pamamagitan ng dalawang free throws ni Winston, 74-72. Sinundan pa ito ng follow-up shot ni M. Phillips upang iangat ang iskor ng koponang Green and White, 77-72.
Sinubukan mang habulin ng Blue Eagles ang kalamangan, hindi na sila nagtagumpay pa nang selyuhan ng batikang guwardiyang si Nelle ang panalo para sa Green Archers matapos ipasok ang kaniyang dalawang crucial free throws, 83-78.
Buhat ng nakamamanghang panalong ito, umangat sa ikalawang puwesto ang DLSU kasama ang karibal na ADMU na may parehong tig 2-1 panalo-talo kartada.
Abangan ang muling pamamalasa ng DLSU Green Archers sa UAAP Men’s Basketball Tournament Season 85 ngayong darating na Miyerkules, Oktubre 12, ika-4:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena.