PINURUHAN ng DLSU Lady Archers ang UE Lady Warriors, 76-53, sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Oktubre 12 sa UST Quadricentennial Pavilion.
Bumida para sa Taft-based squad si Joehanna Arciga matapos umukit ng 14 na puntos mula sa kaniyang mga mid-range jumper. Kapwa namang pumuntos ng tig-11 puntos sina Fina Niantcho at Lee Sario para sa opensa ng Green and White.
Bumida naman para sa Lady Warriors ang kanilang import na si Kamba Kone matapos makapagtala ng double-double mula sa kaniyang 22 puntos at 10 board. Umalalay naman sa pagbuno ng puntos ang rookie na si Paulina Anastascio nang makapagtala ng 11 puntos at dalawang steal.
Nagsilbing pinakamalaking bentahe ng Lady Archers ang nakasasakal na full-court na depensa nito. Sinalamin ito ng 29.2% field goal shooting ng UE at 19 na fastbreak point.
Maagang umarangkada ang Lady Archers sa unang kwarter mula sa pangunguna ni Arciga. Gayunpaman, naging dikit ang sagupaan sa unang tatlong minuto ng laro matapos makahabol ng UE, 6-5. Pumiglas din ang Taft-based squad mula sa mahigpit na depensa ng UE matapos maglagablab mula sa kanilang mga transition basket upang makakubli ng 11-0 run, 19-7.
Nagpatuloy ang masaganang pagpuntos ng Taft mainstays sa ikalawang kwarter nang magpasiklab si Niantcho sa ilalim ng rim, 23-9. Sa kabila nito, pumukol ng pamatay-sunog na dos si Claire Sajol. Sinagot naman ito ng tirada ni De La Paz sa labas ng arko, 26-11. Napako rin sa 15 puntos ang talaan ng UE matapos paigtingin ng Lady Archers ang kanilang depensa, 37-15.
Tumambad sa ikatlong kwarter ang pagpapasiklab sa 3-point-line nina Joyce Terrinal at Bea Dalisay, 46-21. Dahil hirap bumuno ng puntos ang Lady Warriors sa loob ng paint, naging bentahe ng koponan nila ang kanilang mga tirada mula sa free-throw line, 50-23.
Ganado man sa kalamangan, hindi na nagpatumpik pa ang DLSU matapos magragasa ng puntos sina Arciga at Niantcho sa loob ng arko, 58-29. Sa kabila nito, naging mapait ang kampanya ng Lady Warriors nang mapako sa 29 ang kanilang puntos habang umiinit ang laro nina Niantcho at Sario mula sa kanilang mga offensive basket at mga free throw, 60-32.
Nagpatuloy ang pananalasa ng Lady Archers sa UE sa pagsisimula ng huling kwarter matapos itala ang pinakamalaking kalamangan nito na 32 puntos, 66-34. Sinubukang humabol ng UE sa pangunguna ni Kone matapos magtala ng 10 puntos. Gayunpaman, hindi ito naging sapat upang maabutan ang malabundok na kalamangan ng DLSU, 76-53.
Kaakibat nito, umakyat sa 3-1 ang panalo-talo kartada ng Lady Archers. Bumagsak naman sa 0-4 ang rekord ng Lady Warriors.
Subaybayan ang susunod na laro ng DLSU Lady Archers kontra FEU Lady Tamaraws sa darating na Sabado, Oktubre 15 sa ganap na ika-8 ng umaga sa SM Mall of Asia Arena.
Mga iskor
DLSU 76 – Arciga 14, Niantcho 11, Sario 11, Jimenez 9, Ahmed 8, Dalisay 6, Espinas 4, Camba 4, Binaohan 4, De La Paz 3, Torres 2.
UE 53 – Kone 22, Anastacio 11, Sajol 6, Terrinal 6, Silva 5, Paule 3.
Quarterscores: 19-7, 37-15, 60-32, 76-53