BIGONG MAKAUSAD ang DLSU Green Archers kontra AdU Soaring Falcons, 84-86, sa unang yugto ng UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Oktubre 22 sa Ynares Sports Antipolo.
Umani ng puntos para sa Green Archers si Kevin Quiambao matapos tumipa ng 20 puntos, siyam na rebound, apat na assist, isang steal, at isang block. Kasangga naman ni Quiambao sa pagpuntos sina Schonny Winston at Mike Phillips nang umukit ng tig-17 puntos.
Naging matikas na sandalan ng Soaring Falcons si Jerom Lastimosa matapos tumikada ng 29 na puntos, anim na rebound, walong assist, at isang block. Namayagpag din para sa AdU sina Joshua Yerro, Lenda Douanga, at Cedrik Manzano nang magtala sila ng tig-13 puntos.
Tila nakawala sa hawla sina Soaring Falcons Lastimosa, Douanga, at Yerro nang agad na makapagtala ng 12-0 run sa unang anim na minuto ng unang kwarter, 0-12. Sa pagpatak ng halfway mark ng kwarter, nahimasmasan ang kalalakihan ng Taft sa pangunguna ni CJ Austria nang makapuntos mula sa three-point play, 3-12.
Nagpatuloy ang matatag na momentum ng Green Archers matapos ang pagpukol ng puntos sa loob ng paint nina Quiambao, Winston, at Austria, 11-13. Bigong maprotektahan ng Green Archers ang kanilang talaan nang matawagan ng unsportsmanlike foul si Evan Nelle na naging bentahe para sa pag-arangkada ng Soaring Falcons sa pagtatapos ng unang yugto, 18-all.
Nagpatuloy ang mainit na pagratsada ng magkabilang koponan sa ikalawang kwarto. Nagpamalas ng liksi sa three-point line si Aaron Flowers na agad na binawian ni Quiambao ng isang jumper at tres, 23-24. Tila bumalik naman sa entablado si Motor M. Phillips nang magsalaksak ng isang jam mula sa pasa nina Quiambao at Nelle, 36-33. Sa huling dalawang minuto ng kwarter, sagutan ng puntos sa ilalim ng rim ang handog nina big man Douanga at Winston, 40-37.
Matapos bumitaw ng isang side-step si Lastimosa sa pagpatak ng ika-7 minuto ng kwarter, pinatawan ng unsportsmanlike foul si Ben Phillips. Naibaba man ang kalamangan ng DLSU sa tatlo noong halftime, nagbalik naman ang sigla nina Austria at M. Phillips nang maglagablab sila sa free-throw line, 55-44. Tila binagyo naman ang depensa at opensa ng Taft-based squad nang dali-daling nakahabol ang AdU at umukit ng 11-4 run. Sa nalalabing segundo ng kwarter, nakabira pa ng off-the-glass na three-point shot si Lastimosa, 60-59.
Walang nagpapaawat sa mga koponan matapos uminit ang mga kamay ng mga manlalaro sa loob ng kort pagdating ng huling kwarter. Pinatunayan nina Winston at Quiambao ang kanilang kagila-gilalas na laro nang buhatin nila ang talaan ng Green Archers mula sa kanilang mga one-hander at mid-range jumpers, 78-71. Sa natitirang minuto ng laban, naipasok ni Quiambao ang isang free throw, 79-76. Gayunpaman, tila nagkaroon ng mirakulo matapos mailusot ni Douanga ang swak na tres upang dalhin sa overtime ang laban, 79-all.
Umalab ang kompiyansa ni Douanga matapos ang kaniyang nakamamanghang tres at jumper, 81-79. Sa kabilang banda, pumuntos si Nelle mula sa kaniyang floater na agad na sinagot ng tres ni Vince Magbuhos. Sa huli, bigong maipasok ni Austria ang kaniyang mahahalagang free throw at bigong mailusot ni Nelle ang layup sa huling limang segundo ng laban, 84-86.
Naitarak ng Green Archers ang kanilang 3-4 na rekord at lumapag sa ikaanim na puwesto. Kasalukuyan namang nasa ikalimang puwesto ang AdU Soaring Falcons sa kanilang 3-4 na panalo-talo kartada.
Abangan ang mga susunod na laban ng Green Archers sa ikalawang yugto ng UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament.
Mga Iskor:
DLSU 84 – Quiambao 20, M. Phillips 17, Winston 17, Austria 16, Nelle 9, Manuel 2, Cortez 2, Nonoy 1.
AdU 86 – Lastimosa 29, Douanga 13, Yerro 13, Manzano 13, V. Magbuhos 8, Jaymalin 4, Flowers 4, Sabandal 2.
Quarterscores: 18-18, 39-40, 60-59, 79-79, 86-84.