NAPASAKAMAY ng DLSU Lady Archers ang kanilang ikalimang panalo matapos padapain ang AdU Lady Falcons, 75-65, sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Oktubre 22 sa Ynares Center Antipolo.
Pinangunahan ni Lee Sario ang kampanya ng Lady Archers nang makalikom ng umaatikabong 26 na puntos, 11 rebound, at tatlong steal. Dagdag pa rito, nakakuha pa ng sapat na suporta si Sario kay Joehanna Arciga matapos tumikada ng 15 puntos, 12 rebound, dalawang assist, isang steal, at isang block.
Bumandera naman para sa Lady Falcons si Victoria Adeshina matapos makapagtala ng 18 puntos, 18 rebound, tatlong assist, tatlong steal, at isang block. Umalalay naman kay Adeshina si Rose Ann Dampios nang umukit ng 16 na puntos, pitong rebound, tatlong assist, at isang steal.
Maagang umarangkada ang Lady Archers sa unang kwarter. Nahirapan mang tibagin ang depensa ng Lady Falcons, namayani pa rin sa talaan ang Taft-based squad, 18-17. Pagdako naman ng ikalawang kwarter, nangibabaw pa rin ang dugong berde at puti matapos lumikha ng walong puntos na kalamangan sa naturang yugto, 39-31.
Naging puhunan naman ng Lady Archers sa ikalawang kwarter ang kanilang nagbabagang opensa na gumulantang sa naghihingalong depensa ng katunggali. Kumolekta rin ang koponan ng dalawang puntos mula sa mga turnover ng Soaring Falcons. Buhat nito, nakapagtala ng 17 puntos ang DLSU sa pagtatapos ng unang kalahati ng labanan.
Mainit na nagpalitan ng puntos ang magkabilang koponan sa pagbubukas ng ikatlong kwarter. Humabol pa ang Lady Falcons mula sa tirada ni Adeshina sa loob ng paint upang makapagtala ng unang deadlock ng laban, 41-all. Sa huling minuto ng kwarter, kumamada ng 11-1 run ang Taft-based squad na tinapos naman ng pagbuno ng marka ni Fina Niantcho sa ilalim ng rim, 53-52.
Hindi pa rin bumitaw at patuloy na hinarap ng Soaring Falcons ang Lady Archers sa huling kwarter. Nagawa pa nilang pababain sa pito ang hinahabol na bentahe ng koponan nang tumikada ng basket si Leslie Flor sa natitirang 39.4 na segundo ng tapatan. Gayunpaman, waging naipasok ni Marga Jimenez ang tatlong sunod-sunod na free throw at tuluyan nang sinelyuhan ang panalo para sa DLSU, 75-65.
Aminado si DLSU Lady Archers Coach Cholo Villanueva na hindi sapat ang pagkakaroon ng 5-2 na panalo-talo kartada upang maging kampante sa mga susunod na laban. “Yes, we’re 5-2 but if you look at our games, it’s not a very dominant 5-2. We just find ways to win. We just trust each other on what we’re going to do defensively,” pagbabahagi ni Villanueva.
Matapos masungkit ang panalo kontra AdU, umakyat sa ikatlong puwesto ng team standings ang Lady Archers bitbit ang kanilang 5-2 na panalo-talo kartada. Samantala, bumaba naman sa ikaanim na puwesto ang Lady Falcons tangan ang 2-5 na rekord.
Abangan ang mga susunod na laban ng Lady Archers sa darating na ikalawang yugto ng UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament.
Mga Iskor:
DLSU 75 – Sario 26, Arciga 15, Torres 11, Niantcho 11, Jimenez 5, Dalisay 3, Ahmed 2, Espinas 2.
AdU 65 – Adeshina 18, Dampios 16, Angela Alaba 12, Padilla 6, Angeline Alaba 4, Agojo 3, Flor 2, Etang 2, Meniano 2,
Quarterscores: 18-17, 39-31, 56-47, 75-65