BINALIBAG ng DLSU Green Spikers ang puwersa ng AdU Soaring Falcons sa loob ng tatlong set, 25-18, 25-16, 25-16, upang makamit ang kanilang ikalawang panalo sa V-League 2022 Collegiate Challenge Men’s Division, Oktubre 23 sa Paco Arena.
Kagagaling man mula sa kaniyang nakamamanghang 27-point outing kontra AU, nagpakitang-gilas muli para sa DLSU si Noel Kampton matapos pumundar ng 14 na puntos mula sa 10 atake, tatlong service ace, at isang block. Kasangga rin ni Kampton sa pagpuntos si John Mark Ronquillo nang tumikada ng 15 puntos mula sa 10 atake at limang block.
Pinaandar naman ni JM Tropia ang opensa ng San Marcelino-based squad matapos magtala ng walong puntos mula sa anim na atake, isang service ace, at isang block. Hindi rin nagpahuli para sa Soaring Falcons si Ned Paquing tangan ang kaniyang pitong puntos mula sa anim na atake at isang service ace.
Agarang sumiklab sa pagbubukas ng unang set si Kampton nang pumukol siya ng isang quick attack, 1-0. Dumidikit man ang Soaring Falcons, nagawang pumiglas ng Taft-based squad matapos pumana ng umaatikabong 4-0 run, 9-5. Nagpamalas din ng matatag na floor defense si Menard Guerrero na nagresulta sa strong quick hit ni Nathaniel Del Pilar, 11-8.
Sa kabila ng masiglang pagpuntos, bahagyang bumagal ang takbo ng opensa ng DLSU buhat ng mga naitatalang error sa service line. Tila nahawa ang Soaring Falcons sa sakit ng Taft-based squad matapos magkamit din ng mga error sa loob ng kort. Agad namang nabuhayan ng loob si Joshua Magalaman matapos niyang bumulusok mula sa kaniyang quick attack para sa AdU, 22-18. Gayunpaman, tinapos na ni Kampton ang unang set mula sa kaniyang service ace, 25-18.
Ipinagpatuloy ng Green Spikers ang kanilang umaapoy na momentum matapos kumasa ng 7-0 scoring run sa pagbubukas ng ikalawang set, 9-1.Nagningning din ang kapit-bisig na puwersa nina Ronquillo, Kampton, Del Pilar, at Vince Maglinao mula sa kanilang makinang na scoring run. Sa kabilang banda, hindi nagpatinag si Tropia nang sumipat ng puntos mula sa kaniyang kill block, 10-4.
Bagamat bumabawi ang mga pambato ng AdU, ipinamalas ni Billie Anima ang kaniyang bagsik sa opensa matapos tumikada ng crosscourt kill, 13-6. Nagparamdam din si Kampton nang umatake mula sa kaniyang patusok na spike, 21-14. Gayunpaman, hindi nawalan ng pag-asa si Magalaman nang pumuntos sa kaniyang quick dump, 24-15. Sa kasamaang palad, nagtala ng service error si John Gay na tumapos sa ikalawang set, 25-16.
Mainit namang binuksan ni Del Pilar ang ikatlong set matapos magpakawala ng malabombang tirada, 1-0. Gayunpaman, nahinto ang scoring run ng DLSU buhat ng kanilang mga naitatalang error. Agad itong sinamantala nina Magalaman, Marc Aguilar, at Jadewin Gudoy upang dikitan ang iskor ng Green Spikers, 5-4.
Sumiklab pa ang diwa ni Ronquillo matapos ang kaniyang malahalimaw na single block kay Tropia na may kasamang staredown, 8-4. Nakabawi man ang AdU, sinundan naman ito ng umaatikabong 6-0 run ng DLSU, 18-6. Sa huli, tinuldukan ni Del Pilar ang bakbakan mula sa kaniyang nakagigimbal na service ace, 25-16.
Tunghayan ang muling pagpapakitang-gilas ng DLSU Green Spikers sa hardcourt kontra CSB Blazers sa darating na Biyernes, Nobyembre 4 sa ganap na ika-8 ng umaga sa Paco Arena.
Mga Iskor:
DLSU 75 – Ronquillo, 15, Kampton 14, Del Pilar 9, Maglinao 7, Anima 3, Rodriguez 2, Marata 1
AdU 50 – Tropia 8, Paquing 7, Aguilar 5, Magalaman 4, Gudoy 3, Gay 2, Allegre 1