Lady Archers, pinutol ang suwag ng Lady Tamaraws!

Mula UAAP Season 85 Media Team

PINATUMBA ng DLSU Lady Archers ang FEU Lady Tamaraws, 56-42, sa kanilang muling pagtutuos sa ikalawang yugto ng UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament, Nobyembre 2 sa UST Quadricentennial Pavilion. 

Bumida para sa Taft-based squad sina Fina Niantcho at Lee Sario matapos makapagtala ng pinagsamang 24 puntos. Hindi rin nagpahuli si Bettina Binaohan matapos humakot ng 10 puntos at 14 na board. 

Umarangkada naman para sa Lady Tamaraws si Camille Taguiam bitbit ang 23 puntos at walong board. Naging kasangga rin niya sa opensa ang star rookies na sina Danica Pacia at Angel Obien na umukit ng tig-anim na puntos. 

Tangan ang mithiing makabawi mula sa kanilang pagkatalo sa unang yugto, agad na sumiklab ang determinasyon ng Lady Tamaraws sa pagbubukas ng unang kwarter. Buhat nito, naging dikdikan ang tapatan ng dalawang koponan matapos ang kaliwa’t kanang palitan ng puntos. Gayunpaman, nanaig ang puwersa ng kababaihan ng Taft sa pagtatapos ng kwarter, 14-12. 

Sa pagpasok ng ikalawang kwarter, tila naiwang naghihingalo ang Lady Tamaraws matapos humigpit ang depensa ng DLSU. Napako lamang sa anim na puntos ang naipundar ng FEU sa buong kwarter. Sa kabilang banda, umariba ang opensa nina Niantcho at Binaohan na nagpalawig sa kalamangan ng Taft-based squad, 31-18. 

Patuloy pa ring nanatili sa kampo ng berde at puti ang momentum sa ikatlong kwarter matapos ipamalas nina Sario at Charmine Torres ang kanilang mabagsik na opensa. Sinubukan mang habulin ng Lady Tamaraws ang talaan, hindi ito umubra sa malapader na depensa ng Lady Archers, 43-29.

Nagliyab naman ang mga daliri ni Obien sa ikaapat na kwarter upang pangunahan ang opensa ng Lady Tamaraws. Kaugnay nito, nagawang maibaba ng FEU ang kalamangan ng Taft-based squad sa walo matapos pumuntos sa loob at labas ng arko, 50-42. Gayunpaman, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sina Niantcho at Sario nang magpakawala ng magkakasunod na tirada upang selyuhan ang panalo para sa DLSU, 56-42.  

Umakyat sa 7-2 ang panalo-talo kartada ng Lady Archers matapos masungkit ang panalo kontra Lady Tamaraws. Bunsod nito, kapwa tumitindig ang DLSU at UST sa ikalawang puwesto habang nananatili naman ang FEU sa ikapitong puwesto. 

Tunghayan ang muling paghaharap ng DLSU Lady Archers at ADMU Lady Eagles sa darating na Linggo, Nobyembre 6 sa ganap na ika-3 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavilion. 

Mga iskor:

DLSU 56 – Niantcho 12, Sario 12, Binaohan 10, Torres 8, Jimenez 4, De La Paz 3, Espinas 3, Camba 2, Arciga 2

FEU 42 – Taguiam 23, Pacia 6, Obien 6, Delos Santos 2, Jumuad 2, Paras 2, Go 1 

Quarterscores: 14-12, 31-18, 43-29, 56-42