NAPATID ang DLSU Green Spikers sa kanilang dikdikang sagupaan kontra CSB Blazers sa loob ng limang set, 18-25, 20-25, 28-26, 25-23, 8-15, sa V-League 2022 Collegiate Challenge Men’s Division, Nobyembre 4 sa Paco Arena.
Bagamat kinapos ang Green Spikers, nanguna pa rin sa pagpuntos si Noel Kampton matapos umani ng 24 na puntos mula sa 22 spike at dalawang service ace. Hindi rin nagpahuli ang kanilang kapitan na si Vince Maglinao nang tumikada ng 13 puntos mula sa 12 spike at isang block.
Nagpakitang-gilas naman para sa Blazers ang kanilang playmaker Cholo Fajardo matapos humakot ng 23 excellent set at isang puntos. Umarangkada rin sa pagpuntos para sa CSB si Arnel Aguilar at ang kanilang kapitang si Roniey Adviento matapos makapagtala ng pinagsamang 34 na puntos.
Gaya sa kaniyang mga naunang laban, mainit na humarurot si Kampton sa pagpuntos para sa Green Spikers sa unang set, 9-7. Gayunpaman, nahinto ang kaniyang scoring run matapos magtala ng mga error ang DLSU. Buhat nito, nagawang makadikit ng Blazers at maagaw rin ang kalamangan sa Green Spikers, 13-19. Sa huli, winakasan na ni Aguilar ang unang set sa pamamagitan ng kaniyang off-the-bock kill, 17-25.
Patuloy pa rin ang pagtatala ng error at miscommunication ng DLSU sa pagpasok ng ikalawang set. Bunsod nito, nagawang makalamang ng Blazers sa unang bahagi ng set, 5-10. Tangan man ang umaatikabong 5-point lead, lumiyab naman ang mga galamay ni Kampton upang pangunahan ang pagpuntos ng DLSU, 18-all. Gayunpaman, nangibabaw ang sakit sa pag-error ng DLSU na tumuldok sa ikalawang set matapos ang kanilang positional error, 20-25.
Nagpakawala naman ng kaliwa’t kanang matagumpay na palo sina John Mark Ronquillo, Nathaniel Del Pilar, Maglinao, at Kampton sa pagbubukas ng ikatlong set, 6-3. Umalab pa ang diwa ni Maglinao matapos bumuno ng tatlong magkakasunod na puntos, 14-10. Gayunpaman, kumapit pa rin si Ryan Daculan nang tumikada siya ng isang quick hit, 24-25. Hindi naman sumuko ang DLSU matapos ang kanilang mga clutch hit na nakapagpanalo sa koponan sa naturang set, 28-26.
Lumawig naman ang bentahe ng Blazers sa pagbubukas ng ikaapat na set matapos lumagablab si Aviento sa kaniyang opensa, 3-6. Sa kabila nito, daliang pinaigting ng DLSU ang kanilang floor at net defense na naging daan upang lumayo sa talaan. Sinundan pa ito ng pagsiklab nina Del Pilar at Kampton sa opensa. Tuluyan nang tinuldukan ni Kampton ang set matapos magpakawala ng umaatikabong spike, 25-23.
Masilakbong binuksan ng CSB ang ikalimang set matapos humirit ng maagang 2-0 run. Bukod pa rito, ipinamalas ng Blazers ang kanilang bagsik sa opensa at magandang ball distribution sa pangunguna ni Fajardo. Nagawa ring makaalpas ng CSB at magtala ng crucial 7-point lead, 5-12. Sinelyuhan na ni Georgie Guani ang panalo matapos ang kaniyang off-the-block hit, 8-15.
Nadungisan na ang malinis na rekord ng DLSU matapos matalo kontra CSB. Gayunpaman, hawak pa rin ng Green Spikers ang ikalawang puwesto sa team standings tangan ang 2-1 panalo-talo kartada. Umangat naman ang Blazers sa ikalimang puwesto bitbit ang 1-2 panalo-talo kartada.
Abangan ang kapana-panabik na paghaharap ng DLSU at UST sa darating na Linggo, Nobyembre 6 sa ganap na ika-10 ng umaga sa Paco Arena.
Mga iskor:
DLSU 99 – Kampton 24, Maglinao 13, Del Pilar 11, Ronquillo 7, Layug 4, Encarnacion 1
CSB 114 – Adviento 17, Aguilar 17, Daculan 13, Laguit 13, Guani 12, Fajardo 1