BIGONG MAKATAKAS ang DLSU Lady Spikers sa hagupit ng AdU Lady Falcons sa loob ng straight sets, 22-25, 20-25, 21-25, sa Shakey’s Super League, Nobyembre 5 sa Rizal Memorial Coliseum.
Hinugutan ng puwersa ng Lady Spikers si Angel Canino nang nakapagtala ng kabuuang 18 puntos mula sa 16 na atake, limang service ace, at tatlong block. Sinigurado rin ni middle blocker Amie Provido na masasandalan siya pagdating sa opensa at depensa matapos kumana ng 14 na puntos.
Nanguna naman para sa Lady Falcons ang kanilang kapitan at playmaker na si Louie Romero matapos humakot ng 27 excellent set. Dahil sa kaniyang mga ikinasang set, nakapagsalaksak si Lucille Almonte ng 13 puntos at 11 atake.
Maagang down-the-line hit at drop ball ng Lady Falcons ang gumulat sa depensa ng Lady Spikers sa unang set, 2-3. Mabilis namang nagising ang opensa ni Jolina Dela Cruz nang padulasin ang bola sa kamay ng blockers ng AdU, 11-9.
Nagwakas ang unang set sa malabombang spike ni Almonte, 22-25. Naging bentahe para sa Lady Falcons ang ipinamigay na 13 libreng puntos ng Lady Spikers mula sa kanilang unforced errors.
Pagdating ng ikalawang set, hindi pa rin makaporma nang maayos ang kababaihan ng Taft bunsod ng kanilang sunod-sunod na attack errors, 2-7. Naging daan naman ito upang pabigatin pa ni Trisha Tubu ang kaniyang atake bago ang unang technical timeout, 8-3.
Walang awang pinahirapan ng Lady Falcons ang sira-sirang depensa ng Lady Spikers. Gayunpaman, sanib-puwersang pinuntirya nina Canino at Provido ang depensa ng katunggali upang padikitin ang talaan mula sa nabuong momentum, 17-20. Hindi naman ito naging sapat para sa DLSU bunsod ng kanilang muling pagtamo ng errors sa atake at serve, 22-25.
Kinapitan ng Lady Falcons sa huling set ang matikas na opensa nina Tubu at Almonte, 2-5. Dahil dito, agad na sumagot ng malakuryenteng running attack si Provido mula sa nakamamanghang set ni Alba, 6-8.
Matinding pinsala pa rin para sa depensa ng DLSU ang mga palo ni Almonte, 16-11. Kaya naman, inapula na ng koponan ang pagliyab nina Almonte at Ayesha Juegos, 16-14. Sa kabila nito, nagpatuloy ang unforced errors ng Lady Spikers hanggang sa huling bahagi ng set at tuluyan nang sumuko sa San Marcelino-based squad, 21-25.
Hawak ang limang puntos sa standings, bumagsak sa ikatlong puwesto ng Pool F ang Lady Spikers dala ang 2-1 panalo-talo kartada. Umakyat naman sa unang puwesto ang Lady Falcons tangan ang parehong panalo-talo kartada bitbit ang anim na puntos sa standings.
Abangan ang pagtutuos ng DLSU Lady Spikers kontra sa mananalong koponan sa pagitan ng ADMU Blue Eagles at UP Fighting Maroons sa quarterfinals ng Shakey’s Super League bukas, Nobyembre 6 sa ganap na ika-4:00 ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum.