SUMUBSOB ang DLSU Green Spikers sa mabalasik na puwersa ng NU Bulldogs sa loob ng tatlong set, 20-25, 15-25, 18-25, sa kanilang ikalimang laban sa V-League 2022 Collegiate Challenge Men’s Division, Nobyembre 9 sa Paco Arena.
Umarangkada para sa Taft-based squad si Noel Kampton matapos umukit ng siyam na puntos mula sa pitong atake, isang block, at isang serve. Kasangga naman niya sa opensa si Vince Maglinao nang tumikada ng walong puntos.
Nagpakitang-gilas naman para sa Bulldogs ang kanilang ikalawang setter na si Joseph Bello nang kumamada ng 11 excellent set at apat na puntos. Hindi rin nagpahuli sa opensa si Angelo Almendras matapos kumana ng siyam na puntos.
Dikdikang sagupaan ang natunghayan sa unang set matapos ipamalas ng dalawang koponan ang kanilang matinding opensa at depensa. Kaharap man ang walang-talong Bulldogs, hindi nagpatinag si kapitan Maglinao matapos magpakawala ng malasiling tirada, 2-3. Sinundan pa ito ng isang monster block ni Kampton kay Obed Mukaba, 9-11.
Sa kabila ng pagtindig ng kalalakihan ng DLSU, agarang lumiyab ang Jhocson-based squad nang iparamdam ang tindi ng kanilang mga palo. Kapit-bisig na nagpakawala ng malabombang tirada sina Almendras, Mukaba, at Kenny Malinis upang itulak ang bentahe ng NU, 18-22. Sa kabilang banda, nakaranas ng sakit sa pag-error ang Green Spikers na naging daan upang tuldukan ni Bello ang unang set, 20-25.
Ipinagpatuloy naman ng Bulldogs ang kanilang umaatikabong momentum sa pagpasok ng ikalawang set. Tila nilamon nang buhay ang Green Spikers matapos ang nakagigimbal na pag-arangkada nina Almendras at Michaelo Budin sa opensa, 3-11. Bukod pa rito, inulan ng errors ang Taft-based squad na lalong nagpalobo ng kalamangan ng NU, 10-20. Sa huli, tuluyang naselyuhan ng Bulldogs ang set matapos ang soft tip ni Jenngerard Diao, 15-25.
Bitbit ang hangaring makabawi mula sa kabiguan sa dalawang set, agad na rumatsada ang DLSU sa opensa sa ikatlong set. Nagpakawala ng kargadong serve si Nathaniel Del Pilar habang nagpakitang-gilas si John Mark Ronquillo sa kaniyang off-speed hit, 4-2. Sa kabila nito, muling dumanas ng errors ang koponang Green-and-White na agad na sinamantala nina Bello, Almendras, at Aringo upang makalayo sa talaan, 6-10.
Nakasira sa nabubuong scoring run ng DLSU ang kanilang pagtatala ng error.Pinasikip pa ng Bulldogs ang kanilang depensa sa net na lalong nagpahirap sa Green Spikers na makasungkit ng puntos, 15-19. Tila ayaw naman sumuko ni Maglinao matapos magpakawala ng malakuryenteng tirada, 16-20. Gayunpaman, hindi na hinayaan pa ni Almendras na makahabol ang DLSU nang selyuhan ang laban mula sa kaniyang strong hit, 18-25.
Bunsod ng pagkatalong ito, bitbit na ng Green Spikers ang 2-3 panalo-talo kartada habang nananatiling malinis naman ang talaan ng Bulldogs nang makamit ang 5-0 rekord.
Mga iskor:
DLSU 53 – Kampton 9, Maglinao 8, Ronquillo 6, Del Pilar 6, Poquita 1, Rodriguez 1
NU 75 – Buddin 12, Almendras 9, Malinis 8, Mukaba 6, Diao 6, Bello 4, Aringo 1