Lights-Off: Beyond the Stars, inihandog ng De La Salle Innersoul sa kanilang ika-25 anibersaryo

Mula De La Salle Innersoul

NAGPAKITANG-GILAS ang De La Salle Innersoul sa kanilang pagtatanghal na pinamagatang “Lights Off: Beyond the Stars” na ginanap sa YouTube mula ika-6:30 ng gabi hanggang ika-8:15 ng gabi, Nobyembre 12.

Ibinida sa pagtatanghal ang mga kuwento ng pagkabigo, pagbangon, at pagtatagumpay ng mga dating miyembro ng Innersoul.

Nahati sa apat na bahagi ang konsiyerto. Itinampok sa palabas ang mga awiting tumatalakay sa layunin, buhay, at paglalakbay ng grupo pati na ang  iba’t ibang karanasan ng mga dating miyembro ng organisasyon. 

Nagbahagi ng mga pangamba ang mga dating miyembro sa unang senaryong pinamagatang “Fears.” Dito ikinuwento ni Thea Munji, batch 2018 at dating division manager for productions and logistics, na natakot siyang hindi magkaroon ng sariling boses. Paglalahad niya, “Innersoul helped me and taught me that it’s okay to be different from others.”

Ayon naman kay Raffy Casas, batch 2005 at dating division manager for marketing, musika ang naging daan niya upang pakalmahin ang mga bumabagabag sa kaniyang isipan. Musika at Innersoul naman ang nagturo kay Emman Tan, batch 2007 at dating division manager for productions and logistics, na pag-isipang mabuti ang mga kinahaharap na suliranin sa buhay. 

Isinalaysay rin ng mga dating miyembro ang kwento ng kanilang pagbangon sa ikalawang senaryong pinamagatang “Failures.” Pagpapaalala ni Matty Juniosa, batch 2015 at dating division manager for productions and logistics,  na marapat pa ring bumalikwas kahit ilang beses nang mabigo. Ipinaalala naman ni Munji, marami pang oportunidad na darating kahit pa minsan nang tanggihan ng pagkakataon.

Sa ikatlong senaryo na pinamagatang “Redemption,” nagpayo ang mga dating miyembro na huwag katakutan ang kabiguan at ituon ang pansin sa layunin. “Setbacks are meant to pivot you towards a better place or a better situation,” pagdaragdag ni Casas. Sinang-ayunan din ni Tan na kabiguan ang daan upang matuto at umunlad. 

Inihalintulad naman ni Juniosa ang buhay sa isang laro. Aniya, marapat tayong sumugal dahil wala namang mawawala. Ipinaalala rin ni Bianca Jacinto, batch 2012 at dating division manager for finance, ang kahalagahan ng pagharap sa kabalisahan. Pagbibigay-diin niya, “It’s how you continue… despite those feelings [that] are setting you back… just show up… you’ll already be performing at your best by showing up.”

Sa huling senaryong “Triumph”, nagpasalamat ang mga miyembro sa organisasyon dahil sa paghubog nito sa kanila tungo sa tagumpay. Dagdag pa rito, ipinagmalaki rin ng iba na nagamit nila ang karanasan sa Innersoul sa mga patimpalak na kanilang sinalihan katulad ng Idol Philippines at Awit Awards 2021.