Green Archers, waging makapiglas sa kapit ng Soaring Falcons!

Kuha ni Elisa Lim

PINUTOL ng DLSU Green Archers ang kanilang losing streak matapos asintahin ang pakpak ng AdU Soaring Falcons, 81-78, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Nobyembre 17 sa Smart Araneta Coliseum. 

Bagamat hindi pa rin makapaglaro si Schonny Winston, nagpakitang-gilas para sa Taft-based squad ang clutch hero na si CJ Austria matapos tumikada ng 16 na puntos at dalawang steal. Umagapay naman sa kaniya ang magkapatid na Mike Phillips at Ben Phillips tangan ang pinagsamang 28 puntos.

Sa kabilang panig, pinangunahan ni Joshua Yerro ang nag-aalab na laro ng Soaring Falcons nang makapagtala ng 18 puntos, tatlong rebound, limang assist, at dalawang steal. Katuwang naman ni Yerro sa pagpuntos si Aaron Flowers bitbit ang 15 puntos, limang rebound, at dalawang steal.

Agresibong sinimulan ng San Marcelino-based squad ang unang kwarter matapos manghalimaw sa paint si Lenda Douanga, 0-5. Sa kabilang banda, umalab ang dugong berde nang bumulusok ng kaliwa’t kanang tirada sina Austria, Bright Nwankwo, Evan Nelle, Penny Estacio, at M. Phillips, 16-9. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Cedric Manzano sa Taft-based squad matapos niyang umeksena ng buzzer-beater putback bago matapos ang kwarter, 23-all.  

Matapos ang siyam na minutong hirap sa pagpuntos ang parehong koponan, binasag ni Gilas foward Kevin Quiambao ang katahimikan nang matagumpay na mailusot ang one-hander shot, 25-24. Pumundar naman ng puntos sa loob ng paint sina Yerro at Ahmad Hannapi upang makapagtala ng apat na puntos na bentahe, 29-25. Hindi naman tumiklop si Estacio nang patablahin ang tala matapos umukit ng easy basket sa loob ng paint, 29-all.

Hindi naman nagpaawat sa pagpapasiklab ang kabilang panig nang bumira ng tres sina Yerro at Flowers, 36-33. Nagpalitan din ng pagpukol ng puntos sina Manzano, Quiambao, at Flowers upang dalhin sa ikalawang deadlock ang dalawang koponan, 38-all. Bago matapos ang ikatlong kwarter, lumusot pa ang isang jumper ni Yerro, 40-42.

Nagpamalas naman ng tikas si Douanga matapos kumana ng 4-0 run sa unang minuto ng ikatlong kwarter, 40-46. Sa natitirang tatlong minuto ng laro, tila ginanahan ang kalalakihan ng Taft nang uminit sila sa kort at ibaba ang bentahe ng Soaring Falcons sa dalawa, 49-51.

Patuloy na pumapana ng swak na tirada sa ilalim ng rim at free throw line si M. Phillips, 52-56. Tila sumali naman sa pagpapakitang-gilas sa entablado sina Nwankwo at Earl Abadam sa ilalim ng rim ngunit agad namang nakabawi si Yerro ng tres, 57-63.

Sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter, agad na rumatsada ng nakamamanghang floater si Quiambao para sa DLSU, 59-62. Gayunpaman, tila lumiliyab pa rin sa bakbakan ang three-point shooting ng Soaring Falcons. Kaugnay nito, nagawang mapalawig ng AdU ang kanilang bentahe nang magpakawala ng kaliwa’t kanang tres sina Joaquin Jaymalin at Yerro, 66-69.

Ipinamalas naman ni B. Phillips ang kaniyang matinding laro matapos pumana ng dalawang nagbabagang tres upang agawin ang kalamangan sa AdU, 75-74. Agarang bumulusok man ang Soaring Falcons, hindi nito napigilan ang motor ng DLSU nang maipasok ni M. Phillips ang putback, 78-all. Kasunod nito, tila umalab ang Animo Spirit ni Austria matapos magpakawala ng makapigil-hinigang game-winning three-pointer upang tuldukan ang laban, 81-78.   

Umakyat sa 4-6 ang panalo-talo kartada ng Green Archers. Kasalukuyang tabla sa team standings ang DLSU, AdU Soaring Falcons, UE Red Warriors, at FEU Tamaraws.

Matapos ang pagkapanalo, inilahad ni DLSU Green Archers head coach Derrick Pumaren ang kaniyang pagkagalak nang pumasok ang winning shot ni Austria. “I’ve been telling the boys we can’t lose our poise out there. The shot from CJ there, it was a shot from heaven.” ani Pumaren

Abangan ang kapana-panabik na bakbakan sa pagitan ng DLSU Green Archers at UP Fighting Maroons sa darating na Linggo, Nobyembre 20 sa ganap ika-6:30 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena. 

Mga iskor:

DLSU 81- Austria 16, Phillips M. 14, Phillips B. 14, Nonoy 8, Quiambao 8, Abadam 6, Nwankwo 6, Nelle 5, Estacio 4.

AdU 78 – Yerro 18, Flowers 15, Hanapi 10, Jaymalin 10, Douanga 10, Manzano 6, Sabandal 3, Colonia 2, Barasi 2, Fuentebella 2.

Quarterscores: 23-23, 40-42, 57-62, 81-78.