Lady Spikers, pinaralisa ang Blue Eagles at Lady Falcons; Green Spikers, natalisod sa puwersa ng Tiger Spikers

Kuha ni John Mauricio

IPINARAMDAM ng DLSU Lady Spikers at DLSU Green Spikers ang kanilang presensya sa muling pagbabalik ng UAAP Season 85 Beach Volleyball Tournament, Nobyembre 19. Maalab na sinimulan ng Lady Spikers ang kanilang kampanya matapos pataubin ang archrivals ADMU Blue Eagles, 21-8, 21-15. 

Dinomina rin ng Lady Spikers ang puwersa ng AdU Lady Falcons, 21-16, 21-7, sa Mall of Asia Beach Volleyball Sandcourt. Natalisod naman ang Green Spikers sa kamay ng UST Tiger Spikers, 12-21, 15-21, sa parehong lugar.

Pag-alab ng dugong berde at puti

Matapos ang tatlong taong pagkawala ng women’s beach volleyball sa UAAP, sabik ang Lady Spikers na makatapak muli sa buhangin para sa kanilang laban kontra Blue Eagles. Hindi nagpaawat sina Jolina Dela Cruz at Justine Jazareno matapos ang kaliwa’t kanang pagbomba ng palo. Dahil dito, napuruhan ang puwersa nina Blue Eagles Pia Ildefonso at Faye Nisperos, 21-8, 21-15.

Kompletong dominasyon naman ang ipinamalas ng Lady Spikers sa kanilang ikalawang laro kontra Lady Falcons. Nilustay ng tambalang Dela Cruz at Jazareno ang San Marcelino-based squad matapos iparamdam ang kanilang malasiling opensa. Sa huli, tuluyang dumapa ang Lady Falcons duo Mary Grace Borromeo at Aliah Marce sa Taft-based squad, 21-16, 21-7.

Buhat ng dalawang panalo ng Lady Spikers, masilakbong nakamit ng kababaihan ng Taft ang unang puwesto sa torneo bitbit ang 2-0 panalo-talo kartada. 

Abangan ang susunod na laro ng DLSU Lady Spikers sa ganap na ika-12 ng tanghali kontra FEU Lady Tamaraws bukas, Nobyembre 19 sa Mall of Asia Beach Volleyball Sandcourt.

Pait ng unang pagkatalo

Bigo namang makabawi ang Green Spikers sa defending champions ng UAAP Season 84 Tiger Spikers. Bitbit ang pait ng kanilang pagkatalo noong Season 84, hindi pa rin magapi nina Noel Kampton at Vince Maglinao ang tikas at bagsik ng Jaron Requinton at Rancel Varga tandem sa buhangin, 12-21,15-21.

Susubukang makabawi ng DLSU Green Spikers kontra AdU Soaring Falcons bukas, Nobyembre 20, sa ganap na ika-8 ng umaga sa parehong lugar.