DUMAPA ang DLSU Lady Spikers sa mabalasik na puwersa ng NU Lady Bulldogs, 23-25, 20-25, 20-25, sa kanilang pagtatapat sa Shakey’s Super League Finals, Nobyembre 19 sa Rizal Memorial Coliseum.
Namayagpag para sa Lady Bulldogs si Best Opposite Spiker at Most Valuable Player Alyssa Solomon nang makapagtala ng 10 atake, isang block, at tatlong service ace.
Maagang nagpasiklab ang Lady Spikers sa unang set matapos magpakitang-gilas sa net nina Thea Gagate, Leila Cruz, at Angel Canino, 6-2. Sa kabila nito, mabilis na nakahabol sa talaan ang Lady Bulldogs nang magpakawala si Solomon ng mga nagbabagang power hit, 11-all. Nanatili namang dikit ang iskor ng magkabilang koponan matapos magsagutan ng mga tirada nina Canino at Bella Belen, 16-all.
Nagbigay naman ng magkakasunod na libreng puntos ang NU buhat ng kanilang service at attack error. Gayunpaman, bumawi ang kababaihan ng Sampaloc nang mag-init muli ang mga daliri ni Solomon, 21-22. Sinubukan mang dumikit ng DLSU, tinuldukan na ni Belen ang set sa pamamagitan ng kaniyang power hit, 23-25.
Patuloy na inasinta ng Lady Bulldogs ang malamig na depensa ng Lady Spikers pagdating ng ikalawang set. Nahirapan si Julia Coronel na makabuo ng play dahil sa mabibigat na service ni Vangie Alinsug na sinabayan pa ng tirada ni Myrtle Escanlar, 3-8. Tumaas sa 11 puntos ang kailangang habulin ng Lady Spikers dulot ng unforced errors na nakamit ng koponan, 5-16.
Umarangkada naman para sa Lady Spikers si Cruz matapos ang nakamamanghang combination play, 17-22. Sinundan pa ito ng solidong down-the-line hit ni Alleiah Malaluan, 19-22. Gayunpaman, bigong makuha ng Taft-based squad ang ikalawang set nang maharangan ng tambalang Solomon-Sheena Toring ang nagbabadyang atake ni Malaluan, 20-25.
Naging makipot ang talaan ng magkabilang koponan buhat ng patuloy na pagpuntos ni Canino mula sa kaniyang off-the-block hit sa pagpasok ng ikatlong set, 15-all. Sa kabila nito, tuluyan nang sinelyuhan ng Lady Bulldogs ang panalo mula sa kargadong service ni Princess Robles at pamatay na spike ni Solomon, 20-25.
Napasakamay ng NU Lady Bulldogs ang kauna-unahang kampeonato sa Shakey’s Super League habang hinirang naman bilang first runner-up ang DLSU Lady Spikers sa naturang torneo.
Iba pang parangal:
First Best Outside Spiker: Angel Canino
Second Best Outside Spiker: Mhicaela Belen
First Best Middle Blocker: Thea Gagate
Second Best Middle Blocker: Sheena Toring
Best Opposite Spiker: Alyssa Solomon
Best Setter: Louie Romero
Best Libero: Bernadette Pepito
Most Valuable Player: Alyssa Solomon