NAGPUNYAGI ang DLSU Lady Archers sa kanilang krusyal na bakbakan para makatungtong ng Final Four kontra UP Fighting Maroons, 86-67, sa UAAP Season 85 Women’s Basketball Tournament kahapon, Nobyembre 19 sa UST Quadricentennial Pavilion.
Bumida para sa Taft-based squad si Bettina Binaohan matapos magtala ng 21 puntos, walong rebound, apat na assist, at dalawang steal. Kasangga naman niya sa laban si Bea Dalisay tangan ang 15 puntos at limang assist.
Nagpakitang-gilas naman para sa Fighting Maroons si Christie Bariquit nang makaukit ng 18 puntos at anim na rebound. Umalpas din si Kaye Pesquera matapos tumikada ng 14 na puntos.
Bumungad sa unang kwarter ang rumaragasang opensa ng Katipunan-based squad. Tila nabasag ang depensa ng DLSU matapos ang kaliwa’t kanang pagsalaksak ng UP sa loob ng arko. Sinundan pa ito ng sunod-sunod na pagtirada nina Charmaine Torres at Lee Sario bago matapos ang kwarter, 25-21.
Lalo namang nagliyab ang Fighting Maroons papasok ng ikalawang kwarter matapos ipamalas muli ang kanilang porma sa loob ng arko. Bagamat nakapuslit sa loob ang UP, agad naman itong sinagot ng Lady Archers matapos iparamdam nina Binaohan at Fina Niantcho ang kanilang presensya sa paint. Buhat nito, napalawig ng Taft-based squad ang kanilang bentahe kontra UP, 51-35.
Bitbit ang umaatikabong momentum, ipinagpatuloy ng Taft-based squad ang pagpapakawala ng tirada sa loob at labas ng arko. Tila ayaw magpahuli ng UP nang buhatin nina Bariquit at Pesquera ang opensa ng koponan. Gayunpaman, nanaig ang puwersa ng Lady Archers matapos mapigilan ang nagbabadyang paghabol ng Fighting Maroons, 68-55.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang DLSU nang tapusin nang malakas ang bakbakan pagdako ng ikaapat na kwarter. Sa kabila ng malaking agwat sa talaan, kumamada ng isang mainit na tres si Pesquera upang idikit ang labanan, 72-65. Sa huli, lumiyab ang mga daliri ni Dalisay nang maipasok ang panapos na tres upang selyuhan ang panalo para sa DLSU, 86-67.
Masayang ibinahagi ni Assistant Coach JR Aquino ang kaniyang pakiramdam matapos ang tagumpay ng Lady Archers. “They really played well. They really played their hearts out. Even if we’re without our head coach, si Coach Cholo, Coach Cholo instilled the system nang maayos and ‘yon lang ang ginawa namin,” paglalahad ni Aquino.
Umangat sa ikalawang puwesto ang Lady Archers bitbit ang 10-2 panalo-talo kartada bunsod ng naturang panalo. Dumulas naman ang Fighting Maroons sa ikalimang puwesto tangan ang 5-7 rekord.
Abangan ang kapana-panabik na sagupaan sa pagitan ng DLSU Lady Archers at NU Lady Bulldogs sa darating na Miyerkules, Nobyembre 23 sa ganap na ika-11 ng umaga sa UST Quadricentennial Pavilion.
Mga iskor:
DLSU 86 – Binaohan 21, Dalisay 15, Sario 15, Niantcho Tchuido 12, Torres 6, Ahmed 6, De La Paz 5, Jimenez 2, Arciga 2, Camba 2, Espinas 0, Castillo 0, Villava-Cua 0, San Juan 0
UP 67 – Bariquit 18, Pesquera 14, Domingo 9, Sanchez 9, Lozada 6, Tapawan 5, Rivera 2, Maw 2, Vingno 2, Gonzales 0, Larrosa 0, Sauz 0, Lebico 0.
Quarterscores: 21-25, 51-35, 68-55, 86-67