Green Archers, waging makapiglas sa mahigpit na kapit ng Bulldogs!

Kuha ni Kyla Wu

KINADENA ng DLSU Green Archers ang mababangis na NU Bulldogs, 63-58, sa kanilang ikalawang paghaharap sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, Nobyembre 23 sa SM Mall of Asia Arena. 

Nagsilbing spark plug para sa Green Archers ang rookie na si Penny Estacio matapos magtala ng team-high na 13 puntos. Umalalay naman sa kaniya sina Evan Nelle nang makaukit ng 10 puntos at Mike Phillips nang makapagtudla ng siyam na puntos at 11 board.

Pinangunahan naman ni John Figueroa ang kampanya ng Bulldogs nang makabuno ng 19 na puntos, anim na rebound, dalawang assist, at apat na block. Umarangkada rin para sa koponan si John Lloyd Clemente matapos tumikada ng 15 puntos, 11 rebound, isang assist, at isang steal.

Maalat ang naging simula ng unang kwarter para sa Taft-based squad matapos ang magkabilang turnover sa unang tatlong minuto ng laban. Kumapit naman ang Bulldogs sa nakasasakal na full-court na depensa upang makaabante sa tala, 4-10. Sa kabila nito, nagawang makahabol ng Green Archers mula sa sunod-sunod na transition layups ni Mark Nonoy, 10-all. Nahinto naman ang pagpuntos ng dalawang koponan matapos ang paghigpit sa kani-kanilang depensa, 14-all.

Nagpasiklab muli ang koponang Berde at Puti mula sa nag-iinit na fastbreak layup ni Earl Abadam at matinik na fadeaway shot ni Nelle, 18-14. Gayunpaman, tila naging malamya ang depensa at nahirapang bumuo ng play ang kalalakihan ng Taft pagdating ng gitna ng kwarter. Nagawa pa ring mairaos nina CJ Austria, M. Phillips, at Raven Cortez ang opensa ng DLSU matapos bumira ng magkakasunod na puntos, 32-28.

Patuloy namang sinalanta ng Green Archers ang NU nang pakitaan sila ng matinding opensa sa ikatlong kwarter. Ginawang sipatan ni Estacio ang Bulldogs matapos ipasawalang-bisa ang depensa ng NU at maipasok ang kaniyang three-point at mid-range baskets. Bahagya namang naapula ng NU ang pagratsada ng DLSU nang magpakawala ng wing three-pointer si Clemente, 38-33. 

Naging malapader ang depensa ng Green Archers sa pagsasagawa ng half-court press upang mapako ang iskor ng Bulldogs sa 33 puntos sa ika-5:00 minuto ng laban. Kasabay nito, walang hupa si Estacio sa pag-atake nang magkubli ng dalawang top-of-the-key three pointers na sinundan pa ng fadeaway shot upang markahan ang kaniyang ika-13 puntos sa kwarter, 48-37.

Tila naglipana ang mga open looks at shots ng magkabilang koponan upang makadena ang talaan sa 48-39. Usad pagong naman ang naging daloy ng talaan ng Bulldogs. Bunsod nito, hindi na nagparaya pa ang Taft-based squad at tuluyan na nilang sinelyuhan ang panalo matapos magpasiklab nina Nelle, Quiambao, at M. Phillips, 63-58.

Umangat sa 6-6 ang panalo-talo kartada ng Taft-based squad matapos masungkit ang panalo ngayong araw. Samantala, nadagdagan naman ng talo ang Bulldogs bitbit ang 9-4 na rekord.

Subaybayan ang muling tapatan ng Green Archers at UE Red Warriors sa darating na Sabado, Nobyembre 26 sa ganap na ika-3 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena. 

Mga iskor:

DLSU 63 – Estacio 13, Nelle 10, M.Phillips 9, Nonoy 7, Cortez 7, Quiambao 6, Abadam 4,  Austria 2, B.Phillips 2, Nwankwo 2, Macalalag 1. 

NU 58 –  Figueroa 19, Clemente 15, Manansala 5, John 4, Enriquez 4, Baclaan 4, Palacielo 2, Mahinay 2, Padrones 2, Minerva 1.

Quarterscores: 14-14, 32-28, 48-37, 63-58.