Green Spikers, nalasap ang unang panalo sa UAAP Season 85 Men’s Beach Volleyball Tournament!

Kuha ni John Mauricio

PINABAGSAK ng DLSU Green Spikers ang UE Red Warriors, 21-16, 21-9, sa kanilang pagtatapat sa UAAP Season 85 Men’s Beach Volleyball Tournament kanina, Nobyembre 23 sa Sands SM By the Bay.

Rumatsada agad ang Green Spikers duo nina Vince Maglinao at Noel Kampton sa unang set upang guluhin ang depensa ng katunggali, 13-11. Sa kabila ng mga naitalang unforced error sa service line, nakabawi si Kampton at isinara ang set sa pamamagitan ng kaniyang nakagigimbal na service ace, 21-13.

Nagpakitang-gilas naman si Maglinao sa pagpasok ng ikalawang set nang magpakawala siya ng umaatikabong atake, 11-7. Tila ayaw magpatinag ni Allen Buensalida matapos maghiganti ng malabombang tirada para sa Red Warriors, 15-9. Gayunpaman, hindi na mapigilan ng UE ang pag-arangkada ng Green Spikers matapos salantahin ng Taft-based squad ang kanilang naghihingalong depensa upang selyuhan ang panalo, 21-9.

Buhat ng panalong ito, hawak ng Green Spikers ang 1-3 panalo-talo kartada. Nanatili naman sa huling puwesto ang Red Warriors na wala pang panalong naitala sa torneo.

Abangan ang susunod na laban ng Green Spikers kontra ADMU Blue Eagles sa darating na Biyernes, Nobyembre 26, ika-8 ng umaga sa Sands SM By the Bay.