Lady Spikers, waging asintahin ang sandatahan ng Lady Warriors!

Kuha ni Adrian Teves

PINADAPA ng DLSU Lady Spikers ang UE Lady Warriors sa loob ng dalawang set, 21-14, 21-16, sa UAAP Season 85 Women’s Beach Volleyball Tournament, Nobyembre 23.

Solidong ipinamalas nina Taft mainstays Jolina Dela Cruz at Justine Jazareno ang kanilang rumaragasang opensa sa tambalan nina Ella Mae Capillano at Meriam Mungca sa pagpasok ng unang set. Nahirapang makaporma ang Recto-based squad kaya wala nang atubiling tinapos ng Lady Spikers ang set, 21-14.

Tila nawalan ng kumpiyansa ang Lady Warriors duo sa ikalawang set matapos ipagpatuloy ng Taft-based squad ang kanilang malasiling momentum. Hindi na nakayanan pa ng UE ang bagsik ng DLSU at tuluyang naselyuhan ng kababaihan ng Taft ang panalo, 21-16. 

Buhat ng tuloy-tuloy na pagratsada ng Lady Spikers sa torneo, umakyat sa 4-0 ang panalo-talo kartada ng koponan. Sa kabilang banda, nalasap naman ng Lady Warriors ang 0-4 na rekord.

Subaybayang muli ang Green-and-White squad kontra NU Bulldogs mamayang ika-2 ng hapon, Nobyembre 23 sa parehong lugar.